kiel dionisio,
Mga mag-aaral ng UPIS, nagpaligsahan sa Iskosina 2019
Labanan sa Kusina. Abala ang mga kalahok ng Grado 7-10 sa pagluluto ng kanilang pagkain.
Photo Credit: Kiel Dionisio
Ginanap noong ika-14 ng Pebrero ang Iskosina 2019 sa Foods Lab. room ng Gusali 7-12 bilang bahagi ng mga programa sa UPIS Days.
Nahati ang patimpalak sa tatlong kategorya, ang patimpalak para sa Kindergarten-Grado 2, Grado 3-6 at Grado 7-10.
Ang panuto para sa Kindergarten-Grado 2 ay maghanda ng sandwich. Ang Grado 3-6 naman ay pinaghanda ng pagkaing Pilipino. Para sa Grado 7-10, kailangang magluto ng isang putahe na gumagamit ng kalabasa bilang pangunahing sangkap. Binigyan sila ng isang oras at tatlumpung minuto para matapos ang pagluluto.
Para sa Kindergarten-Grado 2, ang mga kalahok ay nahati sa apat na grupo: Kahel, Lila, Bahaghari, at Luntian. Ang bawat grupo ay binubuo ng isang kinatawan bawat grado kasama ang isang magulang. Ang mga grupo naman ng Grado 3-6 ay nahati sa tatlo: Kahel, Lila, at Luntian na binubuo ng isang kinatawan bawat baitang. Samantala, ang bawat grupo sa Grado 7 -10 naman ay binubuo ng tatlong miyembro na kinatawan ng bawat seksyon ng kanilang baitang.
Ang nanalo para sa Kindergarten-Grado 2 ay ang grupong Bahaghari na binubuo nina Pia Tagayuna, Gihannah Maliedem, Mishi Guiang at ang magulang na si G. Clint Guiang. Ang nanalong pagkain naman para sa Grado 3-6 ay nagmula sa grupong Lila na binubuo nina Cassiopeia Andaya, Jasmine Tolentino, Maria Antonia Tongol, at Pia Meliton. Ang kanilang inihanda ay Malunggay and Kang Kong Balls. Nagtagumpay naman ang Grado 7 sa kanilang inihandang putahe na may sangkap na caramelized calabasa na kanilang tinawag na “Calabazap.” Binubuo ang grupo nina Pauline Vargas, Anna Dalet, at Jen Onal.
Ayon kay G. Joe Ferrer, puno ng Departamento ng Sining Praktika, “Sana makasali din ang ibang mag-aaral upang maipamalas nila ang kanilang talento sa pagluluto.” //ni Kiel Dionisio
0 comments: