filipino,

Literary: Malinaw na Imahinasyon

2/09/2019 08:13:00 PM Media Center 0 Comments




Akala ng iba'y nawiwindang ako sa aking mga nakikita. Ngunit ang di nila alam, totoo ang mga ito. Simula pa noong ako'y natutong magsalita, ang mga tao sa paligid ko'y palaging tumatawa. “Cute” raw ako, para sa kanila.

Kapag tumitingin ako sa himpapawid, naroon ang mga dragon. Sila ay kulay puti, nakaladlad ang kanilang mga pakpak sa alapaap at sa tuwing naririnig ng ibang mga bata ang ugong ng ungol ng mga dragon, kumakaway sila, sumisigaw ng "babay."

Minsan, lumabas kami ng aking pamilya. Sinakyan namin ang isang mahabang ahas na nasa mahabang tulay. Malayo ang napuntahan namin at sa isa sa mga binababaan ng mga tao ay napagod ang ahas kaya't nagpahinga muna ito. Lumipat kami sa isa pang ahas.

Nang kami'y makarating sa aming destinasyon, mas marami pa akong nakitang iba’t ibang mga bagay, na tinatawanan ng aking mga kasama sa tuwing ituturo ko. Umalis muna ang aking ina kasama ang kapatid ko dahil may bibilhin daw sila.

Nang nakaalis na sila, yinaya ako ng aking tito sa isang ahas na kaniyang tinuro at nagulat ako sa sobrang bilis ng galaw nito. Natakot ako sapagkat kahit sumisigaw na ang mga sakay nung ahas, hindi pa rin ito bumabagal. Hindi ko maintindihan kung bakit masaya pa ang mga sumakay sa ahas kahit na pabaliktad ang ibang dinaanan ng ahas. Nagsimula akong umiyak noon at natawa na lang dito ang aking mga kapamilya dahil ang “cute” ko raw.

"Sige, doon na lang tayo sa mabagal!" sabi pa sa akin ng isa kong tito para hindi na raw ako umiyak. Nang tignan ko ang kaniyang itinuro, isang malaking mata ang nakatitig sa malayo, umiikot. Natuwa ako kaya roon ako pumayag sumakay.

Nang nakasakay na kami, paunti-unti kami nitong itinaas. Sa taas ay namangha ako. Sobrang taas namin pero kinaya pa rin kaming buhatin nung malaking mata. Kay raming iba’t ibang nilalang sa ibaba na nakatayo lang at nagtititigan, tulad na lamang ng isang malaking pagong. Nagpapapasok siya ng mga tao sa kaniyang bahay. Tinanong ko ang aking tito tungkol sa pagong at sinabi niyang, "Diyan nagaganap ‘yung mga basketball sa TV." Tinanong ko siya ulit, "Pwede bang doon tayo sumakay sa susunod?" Ngunit siya'y tumanggi. Ang sabi niya'y wala na raw kaming pera para sa malaking pagong.

Nang papauwi na kami, doon na ako hindi natuwa.

Sa pagbaba namin muli, mula sa malaking ahas, nakita na namin ang aking ina at ang aking kapatid. Ilang saglit pa nang may isang itim na tigre na may sakay na taong itim ang ulo ang biglang dumaan at mabilis na hinablot ang bag ng aking ina. Sa sobrang bilis nila ay natumba at nasugatan ang aking ina.

Mabuti na lamang at may mga pulis sa tabi. Nang makita ito ng mga pulis, agad silang kumilos. Ang iba ay humabol sa itim na tigre sakay ng kani-kanilang mga asul na tigre. May isang pulis na naiwan para tanungin kami tungkol sa nangyari. Sumagot ako agad, "Kinuha ng itim na tigre na may sakay na taong itim ang ulo ‘yung bag ng nanay ko. Natumba't nasugatan ang aking ina sa bilis nila."

Tumawa ang pulis at sinabing, "Iho, 'wag ka munang sasali sa usapan ng matatanda. Marami ka pang hindi naiintindihan." Marahil tama siya. Hindi ko naintindihan kung bakit niya ako tinawanan.

Makalipas ang ilang saglit ay nawala ang tawa ng pulis habang papalapit ang isa pang pulis, na hawak ang may itim na ulo. Sa likod naman nila'y may isa pang pulis na hila-hila naman ang itim na tigre. Ito'y kalmado na at mabagal ang takbo.

"Dalhin niyo na 'yan," sabi ng pulis na nagtanong sa 'min at siya'y tinunguan naman ng mga dumating na pulis.

"Ayos ka lang ba, Andrew?" biglang tanong sa 'kin ng aking ina na nasa likuran ko pala.

"Opo, Inay!" sagot ko naman.

"Ang bilis ng itim na motorsiklo, 'no?" muli siyang nagtanong, sabay ngiti. "Siya nga pala, maligayang kaarawan, 'Nak! May regalo kami para sa iyo," sabi ng aking ina habang kinukuha mula sa bag niya ang maliit na parihabang kahon.

"Hindi pa ba regalo ang paglabas natin, 'Nay?" tanong ko.

"Siyempre, hindi lang 'yon ang regalo namin. May mas espesyal pa kaming regalo," sagot ng aking ina habang iniaabot sa akin ang maliit na kahon.

Binuksan ko ang kahon at kinuha ang munting bagay sa loob nito. Inilapat ko sa aking mga mata at unti-unting luminaw ang mga ngiti ng aking ina sa dumidilim na gabi.

You Might Also Like

0 comments: