filipino,

Literary: Super Man

2/21/2019 08:23:00 PM Media Center 0 Comments




Naaalala mo pa kaya nung minsan kang maging torpe?
Yung mga panahong wala kang magawa kundi titigan lang ako.
Lagi kang nasa paligid, nagmamasid, pero hindi tuluyang makalapit.
Naaalala mo pa ba? Kasi ako, oo.
Hayaan mo akong ipaalala sayo.
Pumasok ka sa silid namin upang kumustahin ang aming guro. Napatingin ka sa akin at nung puntong iyon, ako naman ang pumasok. Pumasok sa puso mo.
Tumayo ka roon ng ilang segundo, nakatitig, naninigas, hindi makagalaw.
Saka kita nakita.
Noong nakita kita, hindi rin matanggal ang tingin ko sa iyo. Nakakahiya mang sabihin pero mukha ka kasing si Super Man. Matangkad, maputi, at matipuno.
Matapos nating magtitigan ng ilang segundo na pakiramdam natin ay ilang oras na, kinailangan mo nang umalis. Hindi mo na nakuha ang pangalan ko, at hindi ko rin alam ang sa iyo.
Naging ganoon rin ang mga sumunod na mga araw at mga buwan. Nalaman naman natin ang pangalan ng isa’t isa. Pero ganoon pa rin. Laging ganoon. Ika’y manonood, tititig sa malayo. Lalapit kaunti, manonood pa lalo. Laging nakatulala, o kaya’y nakangiti sa akin. Ako nama’y ‘di mawari kung ano ang aking gagawin.
Umabot sa puntong alam na ng iyong klase ang pagtingin mo sa akin. Ika’y lagi nilang inaasar kapag ako’y daraan. Tuwing nakikita nila ako, kahit na wala ka, ngalan mo ay lagi nilang sinasambit.
Lagi kang nandiyan. Ikaw o ang pangalan mo. Ikaw na nakangiti o ikaw na kinikilig.
Pero ba’t nga ba hindi ka nakikinig?
Sa aking mga tingin at aking mga ngiti, hindi mo pa ba naintindihan na gusto na rin kita?

Lumipas ang mga taon, nanatili ngang ganoon. Hanggang tingin na lang ang pagmamahalan natin.
Sa iyong huling araw, hindi malilimutan, kung paano mo ako ipinagtanggol sa aking mga kaibigan.
Sa ilalim ng mga puno, ang ating huling pag-uusap. “Paalam na, mag-ingat ka,” ang ating huling pangungusap.

O Super Man, bakit ka kasi torpe?

You Might Also Like

0 comments: