cedric creer,
Ayon kay Albay Representative Edcel Lagman, ang resolusyong ito ay nagpapataw ng mahigpit at mapanupil na mga kinakailangan para sa publiko upang maakses nila ang mga SALN ng mga mambabatas.
Opinion: Tagu-taguan ng SALN
Photo credit: Sophia Loriega
Kamakailan lamang ay inadopt ng House of Representatives sa ilalim ng pamamahala ni Speaker Gloria Macapagal-Arroyo (GMA) ang isang house resolution na nagtatakda ng mga patakaran para sa public access ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ng mga kongresista at mga regular na empleyado ng kamara.
Sa ilalim ng House Resolution (HR) 2467 o ang RULES OF PROCEDURE IN THE FILING, REVIEW AND DISCLOSURE OF, AND ACCESS TO, THE STATEMENTS OF ASSETS, LIABILITIES AND NET WORTH (SALNs) OF MEMBERS, OFFICIALS AND EMPLOYEES OF THE HOUSE OF REPRESENTATIVES, kinakailangan munang pumayag ang majority ng mga mambabatas upang maakses ng publiko ang kanilang mga SALN.
Bago ito i-adopt, hindi na kinakailangan pa ang pagpayag ng majority ng mga mambabatas para maakses ang kanilang SALN ngunit kinakailangan nilang pumunta sa korte kung sakaling hindi tanggapin ang kanilang SALN request.
Ilan pa sa mga nakatakdang patakaran dito ay ang mga sumusunod:
- • Ang kahilingan ng mga interesadong indibidwal para sa SALN ng mga mambabatas ay kailangang ihain sa Secretary General’s Office maliban sa mga sakop ng subpoena duces tecum, isang sulating nag-uutos sa isang tao na ipakita sa korte ang kinakailangang dokumento o ebidensya.
- • May nakatakdang form para rito at kailangan magsumite ng photocopies ng hindi bababa sa dalawang government IDs.
- • Ang mga miyembro ng media ay kailangang magsumite ng patunay sa ilalim ng oath of media affiliation at isang sertipikasyon ng accreditation ng isang media organization.
- • Maaari ring maghain ng request ang mga estudyanteng gustong maakses ang SALN ng mga mambabatas sa pamamagitan ng pagbibigay ng isang photocopy ng valid school ID, sertipikasyon ng eskwelahan na nagsasabing gagamitin ito para sa isang academic paper, at sertipikasyon na nagsasabing naka-enroll ang estudyante.
- • Kinakailangan ding magbayad ng 300 Php para sa isang kopya ng SALN. Sakop nito ang gastos para sa reproduksiyon at sertipikasyon ng papeles na maaaring mabawasan kung magdadala ng sariling papel ang nagre-request ng kopya.
Ayon kay Albay Representative Edcel Lagman, ang resolusyong ito ay nagpapataw ng mahigpit at mapanupil na mga kinakailangan para sa publiko upang maakses nila ang mga SALN ng mga mambabatas.
“If we have nothing to hide, why make public access to and disclosure of SALNs, which are public documents, extremely difficult to the extent of discouraging and deterring applicants from securing copies of said SALNs?” dagdag pa niya.
Bukod pa rito, sinabi rin ni Presidential Spokesman Salvador Panelo na “Such procedure may be perceived as a transgression of Article XI of the Constitution, requiring any public official to submit a SALN in relation to Article II thereof, which guarantees the right of the people to information on matters of public concern.”
Dagdag din niya ay, “Any stringent measure, which burdens the people in obtaining public information may not be consistent with transparency and accountability of public officials.”
Sa kabilang banda, maaaring sabihin na ito ay para maproteksyonan din ang pribadong buhay ng mga opisyal.
“The House recognizes the circumstances in which the information in the SALNs of its members may be used to render them and members of their family vulnerable to threats to life and security, influence the action of the House or its committees and, consequently, undermine the independence of the legislative branch,” nakasaad sa HR 2467.
Oo, maaari nating sabihing ito ay kanilang magagamit bilang proteksyon sa kanilang seguridad at sa kanilang mga ari-arian, pero hindi ba tungkulin ng isang public official na ipaalam sa mga mamamayan ang mga nais nilang malaman?
Ito at ang accountability ng mga public officials ay nakatala sa Republic Act 6713 (RA 6713). Dito nakasaad ang code of conduct at ethical standards para sa mga public officials at employees.
Dagdag pa diyan, nakalagay din sa ating konstitusyon na ang SALN ng mga opisyal ng gobyerno ay dapat bukas sa publiko.
Subalit ang resolusyong ito ay taliwas sa nararapat na pagbibigay sa publiko ng madaling akses sa SALN ng mga mambabatas. Dahil mahirap ang proseso ng pag-request ng SALN, nawawalan ng karapatan ang publiko na mabigyan ng background tungkol sa pamumuhay ng mga mambabatas para makita kung gaano lumaki ang asset ng isang opisyal at masuri kung ano-ano ang pinanggalingan ng malaking yaman niya.
Tungkulin kasi ng mga kongresista na magpasa ng SALN at ang hindi pagpapasa nito ay isang paglabag sa Section 8 ng Republic Act No. 6713 (RA 6713) o the Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees at maaari silang masuspinde hanggang 6 na buwan sa unang paglabag at pagpapaalis mula sa serbisyo sa ikalawang paglabag. Tungkulin din nilang maging tapat sa publiko at ipakita kung ano-ano ang kanilang mga pinaggagastusan.
Paano tayo makasisiguro na ang mga taong nasa gobyerno ay mapagkakatiwalaan kung pinahihirapan nila ang pagkamit sa mga bagay na dapat nilang ibinabahagi sa publiko?
Makatutulong ang SALN upang makilatis ng publiko ang mga ginagawa ng mga kongresista. Ito ang magiging basehan nila kung ang sinusweldo ng mga kongresista ay akma sa kanilang ginagastos.
Ipinaparating lang nito na ang resolusyong ito ay isang taktika upang maitago ang mga pinaggagastusan ng mga mamababatas. Isa itong paraan upang hindi mabuko ang mga anumalyang nangyayari sa ating bansa.
Sa ngayon hindi na natin maaaring mabago ang kanilang desisyon dahil ito ay pinal na. Ang maaari na lang nating gawin ay bantayan ang isyung ito. Huwag nating hayaang abusuhin nila ang resolusyong ito para sa kanilang sariling kagustuhan. Dapat ay maging mapagmatyag pa rin tayo at magsalita laban sa mga bagay na hindi dapat ginagawa ng isang opisyal ng gobyerno. //ni Cedric Creer
0 comments: