filipino,
Literary (Submission): Baklang ‘To
“Pupunta ka sa MCLive?” tanong ko sa’yo habang nagsusulat tayo ng HW essay natin sa English sa loob ng library.
“Hindi ‘Teh, baka may pupuntahan ako.”
Napatagil ako sa pagsusulat at napatingin sa’yo.
“February 14? May gagawin ka? E, Valentine’s Day ‘yun a.”
“So? Bawal akong umalis?” patuloy kang nagsulat at ‘di tumingin sa akin. Napangiti ako at sinundot ko ang pisngi mo gamit ang bolpen ko.
“May date ka ‘no?” pabiro kong sabi. Alam ko naman kasi na wala kang lovelife o kahit isang crush man lang sa ngayon.
Pero bigla kang tumango at sumunod do’n ang pamumula ng buong mukha mo.
“TEKA, TOTOO?” malakas kong sabi.
“SHHHHHHHHHHHHHHHH.”
Kinagat ko ang labi ko at mahinang nag-sorry. May narinig pa akong bulong pero di ko alam kung anong sinabi.
Inusog ko papalapit ang upuan ko sa’yo.
“Bakla ka ng taon! Sinong ka-date mo?” pabulong kong sabi.
“Basta,” inilapit mo ‘yong mukha mo sa papel at ‘di ako tiningnan.
“Si Patrick ba? O si Mark? Ah! Si ano, anong pangalan ‘non, ‘yung crush mo sa grade 7? ‘Yung Arnold ba ‘yon? Anthony? Akutchichi? Anualdo?”
“Pwe, pangit naman ng mga pangalan, Bruha, hindi! Wala sa mga ‘yon.” At lalo mo pang sinubsob ang mukha mo at patuloy na nagsulat.
“E sino ba? Outsider ba? May di ka ba nakukuwento sa akin? Akala ko ba walang sikret-sikret? Hoy!” Ang dami kong sinabi, pero hindi mo ako pinansin.
“Sulat ka nang sulat akala mo naman may naisusulat ka. E, parang hahalikan mo na ‘yung papel e. Baka naman ‘yan yung ka-date mo ha?”
“Hindi nga. Basta. Malalaman mo rin. Sasabihin ko sa’yo.”
“Okay, sabi mo e. Pero wait, i-confirm mo lang sa akin: Papi o Shuwanget??”
“Neither.” Bigla kang tumayo, nag-ayos ng gamit at iniwan ako sa library.
Matagal naman na tayong magkaibigan, at masasabi kong kilala na kita. Paano, lahat sinasabi mo sa akin, mula sa kung anong ulam mo sa agahan hanggang sa kung anong kulay ng bago mong bed sheet. Kaya nga ang weird lang na ayaw mong sabihin sa akin kung sino yung ka-date mo sa araw na ‘yon, eh lagi ka namang nagkwekwento ‘pag may bagong crush ka.
Pero teka… Napansin ko nga na masyado kang iwas sa akin nang mga nakaraang araw… Paano kung...
Parang namula ang mukha ko sa naisip ko.
No, hindi pwede. Full-blown gay siya. Pa-mhin nga lang, pero gay.
Kaya imposibleng magkagusto siya sa babae. It’s a no. Isang malaki at all caps na NO.
Sa mga sumunod na araw, kinulit kita kung sino ba yung ka-date mo. Siyempre naintriga ako sa pa-showbiz mong sagot. Pero mukhang naiilang ka kaya tinigil ko na. Malalaman ko rin naman kaya hinayaan ko na lang. Pero dahil sa hindi naman natin napag-uusapan, e nakalimutan ko na rin siya kalaunan. Napagpasiyahan ko na rin na hindi na lang pumunta sa MC Live, tutal wala naman akong makakasama.
Ilang lingo na rin ang nakalipas, puro reqs, practice, tests at project, sa wakas ay UPIS week na. Kakatapos lang ng powerdance. Pagod, pero masaya, nanalo kasi tayo.
“Ay ‘Teh, samahan mo ako bukas pwede?” tanong mo sa akin habang sumusubo ng kwek-kwek.
“Ay sige G ‘Teh, ano ba gagawin?” punum-puno pa ng pancit canton ang bibig ko kaya medyo malabo pagkakasabi ko.
“Kakain. May gift check kasi ako sa isang resto sa TC tapos due na ngayong linggo. Sayang naman kung ‘di ko gagamitin”
“Ay gusto ko ‘yan, libreng food. Sige, I’m so down,” sabi ko at masayang nilantakan ang pancit canton ko.
Kinabukasan ay nagkita tayo sa school at pumunta agad sa TC. Akala ko kakain lang tayo, pero nag-aya ka munang manood ng sine at mag-timezone. Buti na lang may pera ako, kung hindi nangutang pa ako sa’yo nang ‘di oras. Pero kahit wala naman akong pera, hindi pa rin naman ako tatanggi kasi masaya naman ako.
Pero nakakainis kasi puro couples ang mga nakakikita ko, mula sa sinehan hanggang sa resto. Nakakaasar lang. Nang-iinggit lang?
Sumapit na rin ang dilim at napagpasiyahan na nating umalis ng TC.
“Salamat at sinamahan mo ako ha,” sabi mo sa akin habang naglalakad sa oval.
“Wala ‘yun, sobrang nag-enjoy naman ako. At medyo kinilig rin ako.“
“TALAGA?” pasigaw mong sabi.
“Wow, kailangan manigaw? Oo, kinilig ako. Sobrang gentleman mo kasi kaya ‘yun. Pero siyempre, ‘di tayo talo. Beki ka, babae ako. It’s not a match.”
Hindi ka umimik at patuloy kang naglakad. Hindi naman ako mapakali kasi hindi ako sanay na tahimik ka kaya tinuloy ko na lang yung pagsasalita.
“Alam mo, swerte siguro ng magiging crush mo. Mabait ka, pogi, matalino, tapos funny pa. O, ano pang hanap mo? All-in-one ka na teh!”
“Oo nga eh, ang swerte mo.”
“Huh? Ma-swerte saan?”
Tumigil ka sa paglalakad at ‘di mo ako tiningnan sa mata.
“Naaalala mo pa ba yung tinatanong mo sa akin kung pupunta ba ako sa MC Live?”
“Oo, pero sabi mo may ka-date ka nang araw na ‘yon eh. Tapos ayaw mo pang sabihin kung sino,” nakabusangot kong sabi sa’yo.
“Ano ba ngayon?” tanong mo sa akin.
“’Di ko alam,” agad kong sagot sa’yo.
“Lutang ka rin ano? 14, Feb. 14 ngayon. O, anong araw ‘yon? ‘Wag mong sabihin ‘di mo alam kung ano, ibabato talaga kita.”
“Valentine’s day? Oh, wait. OMG, ‘DI BA MAY DATE KA NGAYON? NASAAN NA?”
Natataranta kong sabi.
“Nasa harap ko na.”
Natameme ako. Ako? Ako yung…
“Wait, teka, ‘di ba… Bakla ka?”
“So? E ‘yun ang nararamdaman ko e.”
Tiningnan mo ako diretso sa mata at sa unang pagkakataon, sa loob ng maraming taon na tinititigan ko ang mukha mo, biglang tumalon ang puso ko.
“Di ko man alam kung ano ako, pero sigurado ako sa nararamdaman ko. Gusto kita, ‘Teh.
May gusto sa’yo ‘tong baklang ‘to.”
0 comments: