filipino,

Literary: Dulo ng walang hanggan

9/14/2019 08:07:00 PM Media Center 0 Comments




TAUHAN:
Clarissa – nakaitim na hoodie, shorts at sneakers, may kaunting make-up na suot at nakapusod ang buhok
Nico – nakaputing t-shirt, itim na pantalon, itim na leather jacket at sapatos

TAGPUAN:
Alas-nuwebe ng gabi sa isang madilim na parke, nakaupo sa upuan si Clarissa at Nico. Maulap nang gabing ito at tila malapit nang umulan. Tahimik lamang ang paligid at tanging mga kuliglig lang ang naririnig.
May mahinang spotlight na nakatutok sa dalawang karakter.

NICO: I’m sorry (yuyuko nang bahagya)

(Muling tatahimik ang palagid nang ilang segundo)

CLARISSA: May mali ba ako? May kulang ba? Sobra? Kaya ko namang dagdagan o bawasan. (nakatingin sa malayo)

NICO: (titingin muna kay Clarissa bago magsalita) Wala kang kulang, sobra pa nga lahat ng ibinibigay mo e. ‘Yun nga lang, sumobra at umabot doon sa punto na hindi ko na kayang suklian. Buong-buo mo nang ibinibigay sa—(mapapatigil sa pagsasalita nang magsalita agad si Clarissa)

CLARISSA: Hiningi ko bang suklian mo?

(Tatahimik muli ang paligid)

NICO: Hindi ka dapat tinatrato nang ganito. You deserve someone better and I’m sorry that I can’t be that better person for you.

CLARISSA: (bahagyang tatawa nang mapait at titingin kay Nico) I deserve someone better pero simula pa lang naman ikaw na ‘yung best sa paningin ko.
(Maririnig ang kulog mula sa malayo)

NICO: Malapit nang umulan.

CLARISSA: Nico, (mahinang boses) naisip mo ba kung gaano kaya kabigat ‘yung dinadala ng mga ulap para umiyak sila nang malakas at parang walang katapusan?

(Magkakatinginan sila pero mag-iiwasan din agad)

CLARISSA: Buti pa sila, hindi nauubusan ng luha. Parang kalawakan ‘yung naiiyak nila, walang katapusan, walang kasawaan, walang hangganan, infinity. Samantalang ako ngayon, hindi ko alam kung anong gagawin ko dahil para akong ulap na ang bigat-bigat ng dala. Dito oh (medyo tataas ang boses at ilalagay ang kanang kamay sa kaliwang dibdib)

NICO: Sorry, pakiramdam ko kasi kung ipagpapatuloy pa natin ‘to mas masasaktan lang natin ‘yung isa’t isa at ayaw ko ‘yun. Tama na ‘yung lahat ng sakit na binigay ko sa’yo. Masyado na akong nagui-guilty.

CLARISSA: Anong nangyari? Akala ko ba walang hanggan? Akala ko to infinity and beyond? (magiging malamya ang boses)

NICO: Hindi na kita kayang isabay sa mga responsibilidad ko. Masyado nang marami.

CLARISSA: Kaya ako ‘yung pinili mong bitawan? (titingin sa mga mata ni Nico at ngingiti at tatawa nang kaunti habang umiiyak) Mahal kita.

NICO: Clarissa— (muling mapuputol ang pagsasalita dahil kay Clarissa)

CLARISSA: Pwede ko bang marinig ulit ang mga salitang iyon mula sa’yo? Kahit hindi na totoo? Kahit hindi na galing sa puso mo? Gusto ko lang marinig ulit, please?

NICO: Mahal na mahal kita…

(Lalaki ang ngiti ni Clarissa, patuloy lang siyang iiyak at hindi magsasalita)

NICO: Kaya pakakawalan na kita.

(Parehong tatayo)

CLARISSA: Nico, huling hiling na--

NICO: Ano iyon?

CLARISSA: (yuyuko) Pwede ba kitang mayakap sa huling pagkakataon?

(Lalapit si Nico kay Clarissa at yayakapin ito nang mahigpit, kasabay ng pagyakap nila ay bubuhos ang malakas na ulan, mananatili silang magkayakap ng mga 10 segundo, pagkatapos ay mahina at mapait na tatawa ang dalawa. Pagkatapos ng yakap ay sabay silang maglalakad palayo sa magkaibang direksyon.)

You Might Also Like

0 comments: