12:07,

Literary (Submission): Munting Durungawan

9/30/2019 08:57:00 PM Media Center 0 Comments





Iniwan sa likod ng mga rehas
Sentensya’y walang wakas
Ako ang nag-iisang walang pag-asa
Panay parusa’t pagdurusa

Ako’y sumigaw ngunit walang nakarinig
Ako’y tumangis ngunit walang lumapit
Hanggang ang boses ko ay napaos
At ang mga luha ko ay naubos

Napilitang tanggapin ang aking kapalaran
Ako’y umupo; bilanggua’y pinagmasdan
Maluwag naman ang nakasasakal na kulungan
Ngunit ang mga pader nito’y halos walang laman

Isang durungawan lamang ang palamuti
Isang durungawang napakamunti
Durungawang nagsisilbing tanawan
Sa abot-kamay ngunit malayong kalayaan

Durungawan kung saan makikita ang isang hardin ng bulaklak
Isang hardin na tila nanghahamak
Durungawang nagpapapasok ng liwanag sa selda
Sa puso ko’y nagpapapasok ng kawalang pag-asa

Sa sakit ay 'di ko na nagawang tingnan
Ang durungawa’y aking tinalikuran
Puso’t isip ay nagsimula nang tumamlay
Sa walang hanggang kawalang-saysay

At lumipas ang mga araw
Lumipas ang mga araw
Lumipas ang mga araw
Lumipas ang mga araw

Sa haba ng lumipas na panahon
Ang mga alaala’t damdamin ko’y nabaon
Diwa’t isip ko’y nahimbing
At ang mga kaisipan ko’y nailibing

Ang sarili ay hindi na makilala
Ang pinanggalingan ay hindi na maalala
Konsepto ng kalayaan ay hindi na alam
At ang mundo sa labas ay hindi na matandaan

Kasama sa nalimutan ang naramdamang sakit
Sa tuwing ang munting durungawan ay sinisilip
At ang magagandang mga bulaklak
Ay tumigil na sa pangugutya’t paghalakhak

Ang mga rehas ay aking tinalikuran
Upang tingnan ang munting durungawan
At aking nakita ang isang mahiwagang tanawin
Isang maganda’t mabulaklak na hardin

Hindi ko maalis ang aking mga mata
Sa kagandahang aking nakikita
Tila ako’y nasa silid na puno ng aklat
At bagong mundo ang bawat bulaklak

Ako ay hindi nauubusan
Ng mga bagay na maaring pagmasdan
Sa bawat segundong lumilipas
May mga pagbabagong nagaganap

Ang oras ko’y ganito na lamang nagdaan
Pagmamasid sa bulaklak na lamang ang alam
Sapat na ito, wala na akong ibang kailangan
Upang mapuno ang aking walang hanggan

You Might Also Like

0 comments: