gabe ulanday,

Alaala ng Batas Militar, binuhay sa UP Day of Remembrance

9/27/2019 08:10:00 PM Media Center 0 Comments




PAGLABAN. Nagtipon-tipon ang iba’t-ibang mga grupo at organisasyon para sa programa. Photo Credit: Gabe Ulanday

Isang araw bago ang anibersaryo ng proklamasyon ng batas militar, nagsagawa ng kilos protesta ang iba't ibang grupo sa tapat ng UP Palma Hall noong Setyembre 20, 2019.

Ang kilos protesta ay bahagi ng Araw ng Paggunita sa unibersidad na unang sinimulan noong nakaraang taon. Kabilang sa paggunita ang pagkakaroon ng mga seminar at diskusyon ukol sa batas militar noong panahon ni dating Pangulong Ferdinand Marcos. Ito rin ay suportado ng UP Board of Regents (BoR) na kabilang ang Pangulo at Tsanselor ng UP. Suportado din ito ng iba't ibang mga konseho ng mga estudyante sa unibersidad.

Sa pagkilos, tinutulan ng mga grupo ang mistulang “de facto martial law” na nangyayari sa bansa ngayon, kabilang dito ang patuloy na pagdami ng kaso ng paglabag sa karapatang-pantao, pagpatay sa mga tagapagtaguyod ng mga karapatang pantao, at ang patuloy na pagpapatupad ng batas militar sa Mindanao. Bukod dito, kanila ring kinondena ang posibleng pagbalik ng sapilitang pagsali sa Reserve Officers’ Training Corps (ROTC) at ang “militarisasyon” sa mga kampus at paaralan.

Pagkatapos ng programa ay tumungo ang mga miyembro ng kilos protesta sa Luneta sa Maynila upang magtipon para sa United People’s Action, isang malawakang protesta na nilahukan din ng ibang mga unibersidad at paaralan.

Idinaos din ang ilang pagkilos sa iba’t-ibang campus ng UP sa bansa. //nina Kiel Dionisio at Gabe Ulanday

You Might Also Like

0 comments: