cedric creer,
Opinion: RA 11203 = Kamatayan ng Pagsasaka
Credits: Cyñl Tecson
A poor man's job — mga salitang lagi't laging kakabit ng magsasaka. Ang palayan ay lupa na kanilang sinasaka bago pa tumilaok ang mga manok hanggang sa paglubog ng araw. Mula sa kanilang kapanganakan hanggang sa sandali ng kanilang huling hininga, sila ay kayod-kalabaw, ika nga ng nakararami. Ngunit ang bawat patak ng dugo't pawis na kanilang inilaan ay katumbas lamang ng P12.00 sa bawat kilo ng palay na kanilang inaani. Higit na masaklap ang napabalitang maaaring pang bumaba sa P7.00 mula sa P12.00 ang halaga nito dahil sa posibleng epekto ng Republic Act (RA) No. 11203.
Noong Marso 5, 2019 ay sinimulang ipatupad ang RA 11203 o ang Rice Tarrification Law, kung saan nakapaloob ang mga pagsusog o amendment patungkol sa pagpapataw ng taripa. Nakasaad sa batas na ito, ang mga tuntunin sa pagpapataw ng taripa. Isa na rito ang 35% na pataw kung ito ay galing sa mga bansang kabilang sa ASEAN (Association of Southeast Asian Nations) at 40% mula sa mga bansang hindi kabilang sa ASEAN. Samantala, ang minimum access volume o MAV ay 350,00 tonelada ng bigas. Kung ito ay higit sa MAV at hindi kabilang sa ASEAN ang bansa, papalo ng 180% ang magiging pataw.
Ipinatupad ang batas na ito bilang tugon sa kakulangan ng bigas noong nakaraang taon. Matatandaang iminungkahi ng dating Speaker of the House na si Pampanga Representative Gloria Macapagal Arroyo na mag-angkat ng bigas upang matugunan ang tumataas na presyo nito sa merkado.
Dulot ng mga bagong probisyon sa pagpapataw ng taripa, inaasahan ang pagtaas ng bilang ng mga imported na bigas na ibebenta sa publiko sa mas mababang presyo-- na tiyak na magdudulot ng matinding kompetisyon laban sa ating mga lokal na produkto. Upang makasabay sa pagbabagong dulot ng bagong batas, kinakailangang ibaba ng ating mga magsasaka ang presyo ng kanilang mga produkto. Ang dating P12.00 na presyo ng isang kilong palay ay magiging P7.00 na lamang. Isa itong matinding sakripisyong kinakailangang isagawa upang mapanatili ang pagtangkilik ng mga mamimili sa mga lokal na produktong bigas.
Mayroon bang benepisyo?
Hindi maikakailang isang malaking problema simula pa noon ang mataas na presyo ng bigas. Dahil dito, maraming mamamayan ang hindi natutugunan ang kanilang pangunahing pangangailangan para sa pagkain. Ang pagbaba ng presyo ng palay ay isang malaking pakinabang para sa mga mamimili, dahil nagbunga ito ng pagbaba ng presyo ng bigas sa mga pamilihan.
Sino ang makikinabang dito?
Ang lahat ng taripang ipapataw sa ilalim ng batas na RA 11203 ay mapupunta sa pondo ng ating gobyerno. Ang perang malilikom ang magsisilbing pagkukunan ng pondo para sa ating mga magsasaka o kaya’y para sa mga kagamitan na makatutulong sa pagsusulong ng ating ekonomiya. Subalit mababalewala lang ang pagpapatupad nito kung nananatiling suliranin ang korapsyon sa pamahalaan.
Article 8 section 5
The State shall recognize the right of farmers, farmworkers, and landowners, as well as cooperatives, and other independent farmers' organizations to participate in the planning, organization, and management of the program, and shall provide support to agriculture through appropriate technology and research, and adequate financial, production, marketing, and other support services.
Kung ating susuriing mabuti ang nakasulat sa sipi sa itaas, malalaman nating ipinapahayag nito na kinakailangang bigyang-pansin ang karapatan ng ating mga magsasaka, maging ang mga may-ari ng lupa, na makapagbigay ng mga mungkahi patungkol sa mga programa at pangangasiwa ng mga proyekto. Dapat ding bigyang-suporta ng gobyerno ang sektor ng agrikultura ng bansa sa pamamagitan ng pagbabahagi ng angkop na teknolohiya at tulong pinansyal, pagsasagawa ng mga pananaliksik, at marami pang iba.
Subalit tunay nga bang nagagampanan ng gobyerno ang kanilang tungkulin sa mga magsasaka gayong hanggang ngayon ay nasasadlak pa rin sila sa kahirapan?
Sino ba ang nangangailangan? Sino ang siyang marapat na makinabang?
Ang makikinabang dito ay ang mga mamimili dahil ginawa ang batas na ito upang tugunan ang kakulangan ng bigas sa ating bansa. Ito ang naisip na paraan ng gobyerno upang madagdagan ang supply ng bigas sa bansa.
Sila na binansagang may poor man's job, sila na lalo pang liliit ang kinikita sa araw-araw upang masustentuhan ang kanilang mga pangangailangan dahil sa ipinatupad na batas ng ating gobyerno — ang mga magsasakang buong-pusong ginagawa ang kanilang trabaho upang may makain ang mga Pilipino ang dapat makinabang dito.
“Para sa mga magsasaka at mamamayan, ang rice tarrification law ay katumbas ng kamatayan sa mga magsasaka at mamamayang kumakain ng bigas. Kaya po asahan natin dahil manonopolyo nila yung bigas lalo na, lalo nang tataas,” sabi ni Danilo Ramos mula sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas sa isang panayam ni Mariz Umali sa programang Brigada.
Agrikultura ang isa sa mga pangunahing sektor ng ekonomiya sa bansa. Matagal nang kinikilala ang Pilipinas pagdating sa agrikultura dahil ito ang pangunahing pinagkukunan ng kabuhayan sa bansa. Pero sa kasalukuyan, kailangan na itong bantayan dahil sa patuloy na paghina ng agrikultura sa bansa. Mas madalas at mas maraming produktong agrikultural na ang inaangkat natin kaysa ini-export. Mahalagang maibalik sa dati nitong kalagayan ang agrikultura sa bansa dahil ito ang pangunahing kabuhayan ng maraming Pilipino at naging parte na rin ito ng ating kultura. Ito rin ang sektor na bumubuhay at nagpapakain sa milyun-milyong Pilipino sa bansa.
Subalit kung titingnan ang kasalukuyang kalagayan ng ating mga magsasaka, sino pa ba ang maghahangad na sumunod sa yapak nila? May tao pa kayang gugustuhing maging magsasaka sa lipunang ito gayong mababa lang ang tingin nito sa kanila? Ito na ba ang magiging ugat sa tuluyang pagkalimot at pagkawasak ng kulturang nagmula pa sa ating mga ninuno?
Nawa’y maging daan ang mga hinaing ng mga magsasaka upang pag-isipang muli ng ating pamahalaan ang pagpapatupad ng batas na ito lalo na't nagpapahirap lamang ito sa mga magsasaka imbes na makatulong sa kanila. Dapat ay makapag-isip at gumawa ng mga tiyak na kilos ang gobyerno para matugunan ang kakulangan sa bigas nang hindi nadadamay ang kabuhayan ng mga magsasaka.
Halimbawa, dapat tugunan ng gobyerno ang pangangailangan ng mga magsasaka tulad ng mga binhi, pataba, at lupa. Marami pa rin kasing magsasaka ngayon ang walang sariling lupa at nakikisaka lamang sa lupa ng mga panginoong may lupa (PML).
Hindi rin sapat ang pautang ng gobyerno sa mga magsasaka. Ang mas magandang gawin nila ay magbigay ng mga subsidiya para mabawi ng mga magsasaka ang kanilang puhunan. Mas mahihirapan sila kung papautangin lang sila ng gobyerno dahil kailangan pa rin nila itong bayaran kumpara kapag subsidiya ang binigay ng pamahalaan.
Samakatuwid, kung hindi maaaksyunan kaagad ang isyung ito, hindi malabong mamatay ang sektor ng agrikultura sa ating bansa. //nina Eloisa Dufourt, Christine Caparas, at Cedric Creer
0 comments: