alyssa avila,

UPIS, kampeon sa Patinikan sa Panitikan

3/20/2019 08:20:00 PM Media Center 0 Comments



TAGUMPAY. Tinanggap nina Alliyah Suyo (dulo, kaliwa) at Gabrielle Santiago (ikalawa mula sa kaliwa), kasama si G. Carlo Pineda bilang tsaperon, ang mga gantimpala sa kompetisyon. Photo credit: G. Carlo C. Pineda

Nagwagi sa “Patinikan sa Panitikan” sina Gabrielle M. Santiago at Alliyah Faith D. Suyo ng University of the Philippines Integrated School (UPIS) noong Marso 5, 2019, sa Ayala Malls Cloverleaf, Quezon City.

Inorganisa ng Adarna House ang naturang inter-school literature quiz bee na nasa ikalawang taon ngayon upang hikayating magbasa ang mga estudyante at hamunin ang talas at galing ng isipan nila tungkol sa panitikan at mga manunulat na Pilipino.

Kinatawan ng paaralan sina Santiago at Suyo, mula sa 9-Iron, na binasa bilang paghahanda ang mga librong inirekomenda ng Adarna House tulad ng mga klasikong “Noli Me Tangere” at “El Filibusterismo,” mas bagong inilathalang young adult novels gaya ng “Woman in a Frame” at “Jumper Cable Chronicles,” at ilang artikulo mula sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA).

“Kapag alam niyo po ‘yung sagot, masaya, pero ‘pag di po alam, nakaka-frustrate, kasi ‘yung iba pong sagot kailangan super exact. Kung nagkulang lang po kayo ng 0, kunwari, dimension 48, kailangan po dimension 048, mali na po agad ‘yung unang sagot,” sabi ni Suyo. Nakatutuwa at nakakakaba ang karanasan, dugtong niya, dahil pinagkatiwalaan sila ng mga guro na mayroon silang kakayahang makipagsapalaran dito.

Unang nagsagawa ng eliminations na nilahukan ng 24 na piling mag-aaral mula Grado 7-10 (dalawang kinatawan sa bawat seksyon) sa UPIS Audio Visual Room (AVR) noong Pebrero 11.

Matapos manguna sa eliminasyon, nakaharap nina Santiago at Suyo ang mga pares ng estudyante na kinatawan mula sa 24 na kalahok na paaralan sa Metro Manila at Region 4-A sa semi-finals noong Marso 5.

Sa final round sa parehong araw na top 5 schools ang kasali, nagapi nila ang De La Salle University–Laguna Campus, Del Pilar Academy, Assumpta Technical High School, at Divine Light Academy.

Bilang mga kampeon, bawat isa sa kanila ay nag-uwi ng plake, laptop, flash drive, pocket wifi, cash prize na Php 10,000, mga pagkain, at mga libro. Ginawaran din ang paaralan ng isang plake at mga aklat.

Ito ang unang pagkakataong sumali ang UPIS sa naturang paligsahan. //nina Alyssa Avila, Yel Brusola, at Pamela Marquez

You Might Also Like

0 comments: