aldric de ocampo,
Opinion: Isang Opinyon sa mga Opinyon
Madalas tayong maglabas ng saloobin tungkol sa anomang bagay na makita natin sa paligid araw-araw, mapamabuti man o masama. Likas kasi sa atin bilang mga tao ang magkaroon ng opinyon, dulot ng ating kakayahang mag-isip at kakayahang magpasya para sa ikabubuti natin.
Maaaring makita sa iba't ibang paraan ang pagpapahayag ng ating mga opinyon. Halimbawa na lang ay sa isang tsikahan sa pagitan ng dalawang magkaibigan. Maaari rin sa pamamagitan ng isang pormal na anyo tulad ng artikulong binabasa mo ngayon. Pero sa kasalukuyang panahon, dahil nabubuhay na tayo sa “Digital Age,” maaari na ring maipahayag ang mga opinyon natin sa social media.
Noong March 16, nag-post sa Twitter si Miguel Luis Valenzuela (@Boytutoy), isang alumnus mula sa Batch 2015, ng isang edisyon ng “Unpopular Opinion” tungkol sa UPIS.
Ang “Unpopular Opinion” ay isang trend sa Twitter na may simpleng layunin na malayang makapagbahagi ang mga netizens ng kanilang mga hindi popular na opinyon sa iba’t ibang bagay. Bilang isang gimmick, marami ring gumagawa ng iba't ibang edisyon nito upang lumabas ang samu't saring opinyon ng mga netizens sa nabanggit na social media website.
Noong una, ni-reretweet lang nila ito para maipahayag ang kanilang mga opinyon na unpopular, ngunit nang makalipas ang panahon, naging tampulan na rin ito ng mga rant at pahayag na may patama sa mga kinaiinisang gawain ng mga tao, tulad ng ilang palakad o pinatutupad na patakaran ng awtoridad, kahit maraming sumusunod dito. Marami ang nahikayat na magtweet dahil sa nabanggit na kalayaan at sa kawalan ng restriksyon sa trend.
Ganito rin ang nangyari sa edisyon ng UPIS. Marami ang nag-retweet na alumni at mag-aaral ng paaralan na naglabas ng kanilang mga saloobin. Minsan ang mga pinatatamaan ay iba pang mga mag-aaral, at minsan naman ay ang sistemang umiiral sa paaralan, kabilang na ang mga namamahala sa institusyon.
Gayunpaman, sa kabila ng lahat ng “rants” sa Twitter, mas mabuti kung lahat tayo sa UPIS ay makikitungo nang maayos at constructive para magkaroon ng kaukulang kompromiso sa pagitan ng mga nagtutunggaling interes.
Una sa lahat, hindi opisyal na paraan ng pagtugon sa mga isyu sa paaralan ang pagpapahayag lamang sa social media. Oo, maaaring isang personal at pribadong ideya lamang ito na ibinabahagi sa isang server na may kalayaang magpahayag ang kahit sino, ngunit maaari lang ding matabunan dito ang mga hinaing na pwede namang maresolba.
Mayroon naman din kasing iba pang mga higit na epektibong opsyon para sa pagpaparating ng mga hinaing at mungkahi sa paaralan. Isa na rito ay ang feedback form na programa ng PKA. Maaaring ilahad ng mga mag-aaral dito ang kanilang mga saloobin sapagkat ang organisasyon ng PKA ang tumatayo para sa kabuuan ng mga mag-aaral ng UPIS. Ibig sabihin, kung may isyu o nais ipatupad ang mga mag-aaral sa paaralan, kakailanganin nila itong gawan ng aksyon bilang bahagi ng kanilang responsibilidad.
Ang paglapit din sa Media Center ay isa pang opsyon para sa paglalahad ng mga isyu at mga posibleng maging tugon. Katulad na lang sa Opinion Section, may responsibilidad at obligasyon ang mga manunulat nito na ipahayag ang mga napapanahong isyu at ang kanilang saloobin tungkol dito. Hindi lamang nito natutulungang maging kritikal ang mga mag-aaral, natutulungan din nito na gawing pormal ang pagpapahayag ng mga ideya.
Ang isa pang pwedeng lapitan ay ang admin o faculty ng UPIS. May mga pagkakataon talagang kailangan na ang direkta, pero maayos at constructive, na pakikipag-usap sa mga awtoridad ng paaralan. Maaaring magpadala ng isang liham o mag-set ng appointment ang mga miyembro ng paaralan sa mga guro o namamahala upang makapaglaan sila ng panahon para matalakay ang mga isyu at mungkahi sa pagpapatakbo ng sistema.
Sa isang banda, may rason din naman kung bakit ayaw lumapit ng mga mag-aaral sa mga nasa kaukulang posisyon.
Marami rin kasi ang natatakot na mapahamak nang dahil sa kanilang saloobin. Dahil unpopular nga ang mga opinyon nila, madalas na kumokontra ang nakararaming tao dito, kabilang ang mga awtoridad. Para sa iba, naiisip nilang mas mainam na sa social media na lang ito sabihin dahil wala masyadong may hawak o nakapaglilimita sa mga sinasabi ng mga mag-aaral dito.
Kung gayon, makikita rin ang pagkakahati sa pagitan ng mga namamahala at pinamamahalaanan. Hindi dapat umiiral ang ganitong klase ng pagkakahati.
Hindi naman din sa dapat wala na ang hirarkiya, sapagkat nakatutulong naman talaga ito sa sistematikong pamamalakad ng institusyon. Ang binanggit na pagkakahati sa kapangyarihan na dapat mawala ay tumutukoy lang sa kakayahan ng bawat isa na makatayo at makapagpahayag nang malaya tungkol sa sistema.
Nasa posisyon man o wala, dapat may kapangyarihan at kalayaan ang lahat na maging bukas para sa kritikal na pagpapahayag. Dagdag pa rito, dapat nagkakaunawaan pa rin ang lahat nang walang pagkiling sa kung kaninoman kundi sa katotohanan para maging produktibo ang sistema. Kahit sa core values ng UPIS, makikita ang kahalagahan ng katotohanan sa institusyon.
Ang pagganap din ng mga awtoridad sa mga gampanin at responsibilidad nila, tulad ng pagiging transparent sa impormasyon, ay mahalaga para sa maayos na pagtugon sa mga isyu ng paaralan. Nagsisilbi itong magandang pangunahing hakbang para sa pag-iwas sa iba pang mga isyu. Bukod dito, hindi rin magkakaroon ng isyu kung sa simula pa lang ay walang nagpasimuno nito.
Sa kabilang dako, kailangan din ng mga nasa posisyon ng kooperasyon mula sa mga miyembro ng paaralan para maitala ang mga mungkahi at mga hinaing nila. Halimbawa na lang ay kung may mga aberyang napansin ang mga miyembro ng paaralan sa institusyon, mabilis itong maisasaayos kung mapababatid sa mga guro at admin nang pormal at maayos.
Kung dumadaloy nang maayos at nakararating sa magkabilang panig ng namamahala at pinamamahalaanan ang mahahalagang impormasyon, nabubuo ang isang malinaw na pagkakataon para masolusyunan nang maayos at komprehensibo ang mga isyu na ikinahaharap ng paaralan. Kung nagtutulungan tayong lahat at ginagawa natin ang lahat ng ating makakaya para sa pagpapabuti at kompromiso, mabilis na malulutas ang mga isyu na nangingibabaw sa UPIS.
Upang matiyak ang pagkamit ng tunay na pagbabago na makakabuti para sa lahat ng miyembro ng paaralan, kailangan ang isang kultura ng pakikitungo na bukas at maunawain na progresibo para sa lahat.
Guro man o mag-aaral, lahat naman tayo ay may pagkukulang. Maaaring hindi natin napapansin sa sarili kung saan talaga ito matatagpuan, pero ang ibang tao ay nandiyan para makita ito. Ito ang rason kung bakit ang kritisismo nila ay mahalaga rin sa pagtataguyod ng isang mas malawak na pananaw sa halip na isang pagninilay-nilay lang na nagdudulot ng makitid na pagtingin.
At sa huli, kung haharapin natin ang mga pagkukulang nang maayos at magiging tapat tayo sa pagsulong ng mga bagay na mas makapagpapabuti para sa ating mga sarili, magbubunga rin ito ng marami pang mga mabubuting bagay na nakatutulong din sa pag-unlad ng UPIS. //ni Aldric de Ocampo
0 comments: