cedric creer,

Opinion: Filipino language and culture curriculum - isang magandang programa para sa mga Pilipino

3/27/2019 08:52:00 PM Media Center 0 Comments



Photo credit: Ria Estilón

Simula sa taong 2020, dadami na ang eskwelahan sa Alberta, Canada na mag-aalok ng Filipino language and culture program sa kanilang kurikulum. Alinsunod ito sa naging pahayag ni Premier Rachel Notley noong Pebrero 7.

Ayon sa kaniyang naunang pahayag, ang komunidad ng mga Pilipino ang isa sa mga pinakamalaking populasyon na patuloy ang mabilis na pagdami sa kanilang lugar na nakatulong sa kanilang workforce at lipunan. Ang paggawa ng isang K-12 Filipino language and curriculum raw ay makatutulong upang masiguro ang paglago ng nabanggit na komunidad.

Ang Filipino language and culture curriculum ay kasalukuyang inaalok lang sa hayskul sa nasabing lugar. Ang ilan sa mga paaralang nagpapatupad nito ay ang Calgary Catholic School District, Edmonton Catholic Schools, at Saint Thomas Aquinas Roman Catholic Schools.

Sa hiwalay na pahayag ni Education Minister David Eggen, binanggit niya ang halaga ng programa. “Providing learning opportunities for students in a variety of language programs helps youth maintain their heritage, strengthen their cultural identity and build language and literacy skills.

Strengthening language programs based on local need and demand can be an effective tool in addressing racism. In fact, this is one of the ways we’re acting on the feedback we heard, and commitments we made, in our government’s anti-racism consultations and report.”

Sa kabilang banda, ang programang ito ay hindi mandatory. Ibig sabihin, hindi lahat ng eskwelahan sa kanilang lugar ay kinakailangang magkaroon ng ganitong programa. Ang mga opisyal ng eskwelahan ay may kalayaan sa pag-aalok ng language program na sa tingin nila ay pinakakailangan ng komunidad na kanilang kinabibilangan.

Positibo naman ang naging tugon ng komunidad ng mga Pilipino sa Canada. “The official declaration of having the Filipino heritage language in the curriculum of Alberta schools is a historic gift by the Alberta government to the Filipino community. This strongly demonstrates the respect for a culture’s diversity and uniqueness through its language. Programs like this instill pride in students and their heritage, and results in active and engaged citizens,” sabi ni Dolly Castillo, isang Filipino community leader sa isang pahayag.

Kung titingnan, malaki ang maitutulong ng programang ito sa mga Pilipino sa Alberta, Canada lalo na’t may hindi bababa sa 170,000 na mamamayang bahagi ng Filipino heritage ang nakatira dito. Maganda itong hakbang upang mas mapagtibay pa ang relasyon ng Canada at Pilipinas. Ang magandang relasyong ito ay isang paraan upang masiguro nating kinikilala ang mga Pilipino sa ibang bansa.

Sana ay tuluyan itong maging mandatory upang mas lumawak ang sakop ng programa sa buong Canada. Kung mas mapapalawak ito, mas maraming Pilipino roon ang makakukuha ng benepisyo dahil magkakaroon sila ng akses sa programa. Makatutulong din ito sa mga Pilipinong ipinanganak sa Pilipinas pero lumaki sa Canada para hindi nila makalimutan ang kanilang sariling wika at kultura. Makatutulong naman ito sa mga taong may lahing Pilipino upang magkaroon sila ng kaalaman sa kanilang pagka-Pilipino. Mahalaga ito upang lalo pa nilang makilala ang kanilang sarili at ang kanilang pinagmulan.

Magsilbi sana itong inspirasyon sa ibang mga bansa upang magkaroon ng pantay na pagtrato sa ibang lahi para matugunan ang isyu ng racism. Hanggang sa kasalukuyan, hindi pa rin nawawala ang isyu ng racism sa iba’t ibang panig ng mundo. Sa pamamagitan ng programang ito, mas makikilala ang ating wika at kultura. Makatutulong ito upang mabigyang representasyon ang ating lahi ng sa gayon ay mas makilala pa tayo at mabigyan ng pantay na pagtratoi. Sana lang ay magpatuloy pa ang programang ito dahil isa ito sa mga hakbang tungo sa pagkakapantay-pantay. //ni Cedric Creer

You Might Also Like

0 comments: