buwan ng wika,

Buwan ng Wika 2017, itinataguyod ang Pambansang Pagkakakilanlan

9/07/2017 08:23:00 PM Media Center 0 Comments



Nagpakitang-gilas ang UP Integrated School Grado 3-10 sa Buwan ng Wika 2017 na may temang “Filipino; Daluyan ng Pambansang Pagkakakilanlan at Pagkakaisa” noong Agosto 15 - Setyembre 12.

Itinanghal ng Grado 7 ang sabayang pagbigkas na “Anak Pawis” ni Tito Miralles. Saling-awitan naman ng isang kanta mula sa broadway, pelikula, o musical ang sa Grado 8. Samantala, nagpakita ang Grado 9 ng Dulawit ng kantang “1000” ni Ada Tayao. Nagpamalas din ang Grado 10 ng kanilang sariling slam poetry o spoken word.

Lumahok din ang Grado 8 at 10 sa “KaraTula”, isang photography contest na nakabatay sa tema at paggawa ng tanaga bilang caption. Nakibahagi naman ang Grado 9 at 10 sa “Haraya’t Pagbasa”, isang poster making contest na nakabatay sa maikling kuwentong, “Si Lakambakod at ang mga Diwata ng Hardin” ni Eugene Evasco.

Nagwagi ang 7-Saturn sa Sabayang Pagbigkas, ang 8-Firefly sa Saling-Awitan, ang 9-Neon sa Dulawit, at ang 10-Narra sa slam poetry.

PAGSASADULA. Ipinamalas ng 9-Neon ang isang madamdaming pagtatanghal na sumasalamin sa isyu ng extrajudicial killings na nangyayari sa kasalukuyang panahon. Photo Credit: UPIS Media Center
Mga patimpalak naman sa pagsulat at pagbigkas ang inihanda para sa elementarya. Nagkaroong ng paligsahan sa pagtula sa Grado 3 at 4 habang pagsulat naman ng sanaysay ang sa Grado 5 at 6. Nagsagawa rin ng workshop sa pagkukuwento ang mga piling mag-aaral sa bawat seksyon mula Grado 3-6 bilang paghahanda sa kanilang patimpalak sa pagkukuwento.

Gaganapin ang culminating activity ng pagdiriwang sa Setyembre 12 sa 7-12 Gym ng 11:30 n.u. para sa high school at sa 3-6 Grounds ng 12:00 n.h. para sa elementarya. Pararangalan sa nabanggit na araw ang mga nagwagi sa iba’t ibang patimpalak. // nina Rad Pascual at Raymund Creencia

You Might Also Like

0 comments: