crescencia,

Literary: Sincerely

9/08/2017 09:23:00 PM Media Center 0 Comments



May hangganan ba ang kalayaan ng isang tao?

Malaya bang pinipili ng binhi kung saan siya sisibol?

Malaya bang pinipili ng ulan kung kailan siya titila?

Malaya ba tayong pumipili?

Malaya bang pumipili ang puso?

Hinga nang malalim
Diretso ang tingin
Naroon lamang siya

Maraming bagay na kusang dumarating sa atin nang walang pahintulot— hindi napipili ng ina ang kanyang anak, at hindi rin ng anak ang kanyang ina. Mayroong mga bagay at mga taong hindi natin inaasahan ngunit magiging bahagi sila ng buhay natin, kahit panandalian lamang.

Masuwerte ang mga taong malayang nakakapili ng gusto nila, dahil mahirap pumili nang malaya kung nadaraig tayo ng takot. Madalas nadadala tayo ng takot at napipilit tayo nitong hindi magsalita sa mga sandaling sana’y nagsalita tayo. Pero minsan, ang takot sa sasabihin o iisipin ng iba ay higit na mabagsik. Madalas ang takot na ito ang pumipilit sa ating gawin ang isang bagay dahil lamang sinasabi ito ng iba. Minsan tuloy malabo na ang pagitan ng anong palagay mo at anong palagay nila.

Paano kasi kung hindi ko pa talaga alam ang pipiliin ko? Pwede bang hindi muna pumili?

Bakit nga naman hindi?

Halata ang alinlangan
Sa kanyang pagtingin
Ganoon ka rin

Paano nga kaya iyon, kung hindi naman talaga malinaw ang isang bagay sa pagitan ninyong dalawa pero parang mas malinaw pa ito sa iba? Paano kung hanggang ganoon lang talaga kayo? At paano kung, tanggap na naman pala ninyo iyon sa isa’t isa?

Paborito talaga ng tao ang magmadali, ano? Nakakatawa palang isipin, na minsan kulang na lang ay akalain nating wala nang bukas.

Bakit kaya?

Nagsasayaw tulad noon—
Marami ang nagbago
Sa inyong dalawa

Ngunit mas kakaiba
Dahil tila ngayon
Ay muling nagsisimula

Bakit minsan pakiramdam ko parang kailangan pumili ako agad, parang dapat alam ko na ang gagawin ko? Talaga bang nauubos na ang oras ko, ang pagkakataon ko? Paano kung hindi lang talaga iyon ang tamang pagkakataon? At paano kung hindi talaga kami ang ipinagkataon?

Talaga bang sayang kung mangyari ang hindi mo inaasahan? Talaga bang dapat ikalungkot ang mga bagay na binibitawan? Paano kung ang bagay na pinanghahawakan natin ang tanging balakid sa pagpili nang malaya?

Hindi ba’t, lalo na sa mga mahahalagang bagay ay hindi naman talaga basta-basta ang pagpili nang tama? Hindi naman agad napipili ng bata kung ano ang gusto niyang maging paglaki. Hindi naman agad napipili ng isang tao kung sino ang mamahalin niya habambuhay.

Ganoon nga siguro talaga ang hamon ng realidad, ang matiyak sa sarili mo kung ano ba talagang gusto mo at piliin iyon. Sa huli, ang mahalaga ay pipili ka.

Nakakatuwang isipin na sa paglipas ng mga taon ay umabot sa ganito ang mga sinusulat ko, mga bagay na sa unang tingin ay waring mababaw pero may taglay din palang bigat. Kahit pala sa mga paksa tulad ng pag-ibig ay marami tayong natututunan tungkol sa iba, at lalo na tungkol sa ating mga sarili. Ngayon, ipinagpapasalamat ko lamang ang pagkakaibigang nabuo natin sa mga nagdaang taon. Napapangiti pa rin ako sa tuwing naaalala ko ang nakakatuwang kuwentuhan, asaran, at ang ating naging magandang samahan. Pagdating naman doon, para sa akin ay wala pa ring nagbabago— magkaibigan pa rin tayo. :)

Ngayon, ang hiling ko lamang para sa ating dalawa ay sana patuloy tayong matuto sa marami pang bagay sa mundo. Sa pagkakataong ito, piliin na nating maging mas matatag. Piliin nating hindi na matakot na kilalanin pa ang ating mga sarili habang tinatahak ang kuwento ng buhay.

At higit sa lahat, piliin nating maging malaya.

Hinga nang malalim
Hakbang nang pasulong
At magpatuloy na
Ngumiti sa buwan
Salubungin ang bukas
Batiin ang umaga

You Might Also Like

0 comments: