filipino,

Literary (Submission): Sa Wakas

9/08/2017 09:43:00 PM Media Center 0 Comments



Ang unang bugso ng mga emosyon ay tulad noong una kong namalayan na mahal na kita. Naaalala ko ang iyong magagandang mata, itim na buhok, at matamis na ngiti. Sila ang unang sumalubong sa akin noong una tayong magkita, at dumagdag pa ang malambot na pagbalot ng liwanag ng araw sa iyong mukha.

Nagmistula kang anghel at ‘di kita malimutan. Hindi ko naman inakalang ikaw ang magbabago sa lahat ng alam ko sa buhay. Noong nagtagpo ang ating mga landas ay tumaob na pala ang aking mundo sabay nang pagkabuo nito.

Isang segundo. Isang segundo lang ang kinailangan ko upang malaman na nahulog na nga ako sa’yo.

Naaalala ko ang tibok ng aking puso, bumilis ito noong nakita kita. ‘Di pa rin ako makapaniwala hanggang ngayon na totoo pala ang sabi-sabi ng mga tao: “’Pag nakita mo na ang taong mahal mo, babagal ang takbo ng mundo at tanging siya lang ang makikita mo.”

Sa isang segundong iyon, huminto ang paligid ko. Wala akong narinig kundi ang mabilis na tibok ng puso ko, at sa kwarto na puno ng mga tao ikaw lang ang aking tanging nakita—para bang ang araw ay sumikat lamang para sa’yo. Natapos ang isang segundong iyon at bumalik na ang ingay at ang mga tao sa paligid natin.

Pagkatapos ko itong maranasan, para bang nakaahon ako mula sa malalim na karagatan, hinahabol ang hininga at nanginginig dahil sa dami ng emosyong biglaang bumagsak sa aking mga balikat. Saka ko lang napagtanto, na totoo at buo ang nararamdaman ko para sa’yo.

Natatandaan mo ba noong hinawakan mo ang aking kamay nang matagal at mahigpit, habang nanunuod tayo ng nakakatakot na pelikula? Naramdaman mo ba na kumalma ang puso ko dahil alam kong naroon ka sa tabi ko?

Siguro mahirap kasing magkimkim ng damdamin, lalo na kung unang beses itong naramdaman, kaya agaran kitang kinausap at sinabi ko sa’yo na mahal kita. Mahal kita, iyon ang totoo. Hindi ko kailangang marinig kung maibabalik mo ito kasi para sa akin ang mahalaga’y malaman mo na may taong nagmamahal sa’yo, ano man ang gawin mo. Pero siguro ‘di ka naniwala dahil hindi ko nagawang sabihin sa’yo ito nang harapan. Ang totoo, ayaw ko lang namang makita mo akong umiiyak, dahil ayaw kong maramdaman mo na may mali kang ginawa. Pangako, hindi ko pinagsisihan na ikaw ang minahal ko dahil kahit ‘di mo ito ibinalik ay naging masaya ako.

Pero nakikita ko na ngayon, na sobrang makasarili ng desisyon kong umamin sa’yo. ‘Di lang puso ko ang nawasak, kundi pati ang pagkakaibigan natin. Hindi ko ito masyadong pinag-isipan. Hindi ko pinag-isipan ang mga susunod na gabing hindi mo na ako kakausapin tungkol sa iyong araw dahil ayaw mo na akong masaktan.

Patawarin mo ako dahil winasak ko ang pagkakaibigan nating dalawa. Ngayon ko lang namalayan na kakayanin kong maging kaibigan mo lang, basta’t kinakausap mo pa rin ako tulad ng dati.

At katulad noong unang hampas ng alon ng pagmamahal ko sa’yo, nilunod din ako ng kalungkutan ko. Hindi ko matandaan kung kalian ako sinampal ng katotohanan sa mukha, pero ang natatandaan ko ay kung gaano ito kasakit.

Naalala ko ang magaganda mong mga mata, ang itim mong buhok, ang matamis mong ngiti, at ang distansiya sa pagitan nating dalawa. Nakakatawa nga ito dahil ika’y malapit, isang braso lang ang pagitan mo sa akin, pero pakiramdam ko ang layo natin sa isa’t isa. Kapag hinawakan ko bang muli ang iyong kamay, mahigpit pa rin ba ang iyong pagkapit sa akin parang noong una?

Sinayaw muli kita. Natagalan ako nang onti, hinahanap ko kasi ang tamang panahon na hindi manginginig ang aking mga paa. Hindi ko naman inakala na mabagal ang kantang nasaktuhan natin pero hinayaan ko na lang kasi kanina mo pa inaantay na tanungin kita. Hinayaan kong tumibok ang puso ko para sa’yo. Hinayaan kong malunod sa mga alaala na binigay mo sa akin habang minamahal kita. Pinipigilan ko ang mga luha ko dahil ayaw kong mag-alala ka. At noong sa tingin ko’y kumalma na muli ang puso ko, binulungan muna kita bago ako lumayo.

Salamat dahil nandiyan ka pa rin kahit nasira ko na ang pagkakaibigan nating dalawa. Salamat dahil ‘di mo ako nilayuan at dahan-dahan ka sa bawat salita at kilos upang ‘di ako mas lalong mahulog para sa’yo. Ngunit patawarin mo ako. Nahulog pa rin ako dahil ikaw ang pinili ng puso ko.
Pagkatapos ng mga gabing iniiyakan ka, mga araw na sinusundan ang anino mo, mga panahong sumasakit na ang batok ko sa kakalingon para lamang makita kahit ang isang hibla ng buhok mo, pinili kong pakawalan ka na.

Itatago ko na lang ang mga emosyong ito sa pinakasulok ng utak ko at gagawa ng mga bagong alaala.

Ngayon na ang huling beses na iiyak ako para sa’yo. Kasabay nito, isinusulat ko na ang lahat ng ito sa huling pahina ng mga pangarap ng tayong dalawa.

You Might Also Like

0 comments: