filipino,

Opinion: Indie-mand?

9/07/2017 08:54:00 PM Media Center 0 Comments






Kamakailan lamang ay idinaos ang Pista ng Pelikulang Pilipino o PPP na nilahukan ng labindalawang independent o indie films mula sa iba’t ibang genre. Nagtagal ito ng isang linggo, mula Agosto 16 hanggang 22, at ipinalabas ang mga pelikulang ito sa buong bansa. Dinagsa ito ng maraming manunuod at tagapagtangkilik na silang gumawa ng ingay sa social media kaya’t mas marami ang nagkaroon ng interes. Noong papalapit na ang katapusan ng pagdiriwang, marami ang nagnais na mapahaba pa ang screening ng mga pelikula. Dahil dito, nadinig ang kagustuhan ng samu’t saring mga manonood at napahaba ang screening time ng tatlo sa pinakasikat na pelikula sa PPP, ang Patay na si Hesus, Bar Boys, at 100 Tula Para Kay Stella.

Talagang marapat lamang na pinahahalagahan ang Filipino independent/local films katulad ng pagpapahalagang ibinibigay natin sa mainstream films. Marami na sa mga palabas na ito ang nakapagbigay-karangalan sa ating bansa sa pamamagitan ng paglahok sa mga patimpalak at pag-uwi ng karangalan mula sa mga prestihiyosong film festivals sa ibang bansa. Halimbawa, nakuha ng pelikula ni Lav Diaz na Ang Babaeng Humayo ang pinakamataas na karangalan sa Venice Film Festival noong 2016. Dahil sa mga ganitong tagumpay, mas nakikilala ang Pilipino sa kanilang husay sa pagbuo at paglikha ng mga pelikula.

Dapat ding bigyan ng kaukulang pansin ang indie films sapagkat sinasalamin ng mga ito ang kultura at realidad sa bansa. Madalas, patok ito sa panlasang Pinoy dahil ang ginagamit nilang iskrip at istorya ay sumasalaysay sa mga problema at buhay ng Pilipino. Dulot nito, nagiging bukas ang isipan ng mga manonood sa mga isyung panlipunan na hindi lubusang natatalakay sa mainstream films.

Sa kabilang banda, naipakikita rin naman ng mainstream movies ang mga nabanggit, madalas sa mas magaan at kaaya-ayang paraan. Ngunit dapat tandaan, na ang pangunahing layunin ng mainstream films ay kumita, kung kaya’t maaaring mawala ang katapatan ng mga ito sa pagbibigay ng makabuluhan at orihinal na istorya.

Hindi rin lingid sa ating kaalaman na mas kaunti ang badyet ng indie films sa produksyon. Mas nakakahanap kasi ng puhunan at resources ang nagproprodyus ng mainstream movies sapagkat mayroong malalaking studios na sumusuporta sa kanila. Tinatangkilik ang ganitong mga pelikula ng mga ordinaryong manonood dahil sa mga kilalang artista, epektibong promosyon, at mas mahabang oras ng pagpapalabas sa sinehan na hindi nagagawa ng independent films. Sa kabila ng mga salik na nabannggit, nakalilikha pa rin ng de-kalidad na pelikula ang independent filmmakers, na siyang patunay na hindi hadlang ang limitadong resources sa pagpapamalas ng talento ng mga Pilipino.

Nakatutuwang makita na sa mga nagdaang taon ay unti-unti nang nakikilala at nakikipagsabayan ang indie films sa mainstream movies, kung saan nabibigyan ito ng pansin at suporta. Dagdag pa rito, naisasama na rin ang mga ito sa lokal na film festivals, na noo’y puno ng mainstream movies tulad ng MMFF o Metro Manila Film Festival, kagaya noong nakaraang taon. Dahil sa positibong pagtanggap ng mga manonood sa mga ganitong klase ng palabas, mas lalo silang nakilala at nabibigyang-halaga.

Dagdag pa rito, ang pagtangkilik sa mga pelikulang Pilipino partikular na sa indie films, ay nakakatulong sa lokal na industriya ng pelikula sa ating bansa sa maraming paraan. Isa na sa mga ambag nito ay ang pagpapa-unlad sa mga taong bumubuo sa mga pelikula tulad ng mga artista, direktor, mga manunulat at iba pa. Nabibigyan sila ng oportunidad na maipamalas ang kanilang talento sa ibang bansa na maaaring magresulta sa mas marami pang proyekto at makapagbigay-karangalan sa Pilipinas.

Sa kabuuan, ang independent films ay dapat pahalagahan at bigyan ng suporta sapagkat malaki ang naiaambag nila sa pagsulong ng sining sa bansa. Nakakakuha sila ng papuri’t tagumpay sa iba’t ibang international film festivals. Sinasalamin nila ang kultura ng mga Pilipino, at kahit sa maliit na badyet kumpara sa mainstream movies ay de-kalidad ang mga pelikulang nabubuo ng mga tao sa likod ng bawat palabas.

Ang mga pelikulang ito ay tulad lamang din ng mainstream movies na binuo at pinaghirapan ng mga Pilipino para sa mga Pilipino. Kaya naman, ipakita natin ang ating suporta sa mga pelikulang Pinoy, mapa-mainstream man ito o indie. // nina Jo-ev Guevarra, Zach Jugo

Sanggunian:
http://entertainment.inquirer.net/201276/lav-diazs-ang-babaeng-humayo-wins-golden-lion-in-venice

You Might Also Like

0 comments: