faber castell 0.7,

Literary: Hangganan

9/08/2017 09:29:00 PM Media Center 0 Comments



Umikot ang mundo, Iniwan ang sarili para sayo.

Ilang taon ang ginugol, kahihintay, kaaabang sa isang bagay na walang kasiguraduhan. Tumaya at sumugal sa isang patimpalak na ang inaasahang premyo ay ikaw. Natali sa mga salitang “baka”, “malay mo” at “oo siguro” gusto ka rin niya, kaya kumapit ka lang. Nakulong sa mga dapat gawin at dapat ginawa, dahil sa tingin ng lahat iyon ang tama.

Hindi inisip ang mararamdaman, sinubok na makuntento na mapasaya ka sa bawat araw na ika’y makakasama. Paulit-ulit bawat taon, nasanay na lang hanggang sa mamanhid na at mapagod.

Nagising isang araw sa isang katanungan na wala ba akong karapatang masuklian?

Marahil oo paminsan-minsan nakikita, nararamdaman, pero sapat ba? Gusto ng lahat ng tao na intindihin ka, puro ikaw, puro kapakanan mo lang. Sa aki’y wala nang natira.

Namulat ang mata, tumigil sa pagtaya.

Pasensya ka na kung bigla-bigla. Pasensya na kung padalos-dalos.

Kikilalanin ko muna ang sarili, aalamin kung ano ba talaga ang ninanais at susubukan muna ang mga bagay-bagay.

Malaya ka at Malaya ako. Isang mundong nakapatay ang mga ilaw at kamera para sa kinagigiliwan nilang “dream lovestory” nating dalawa. Isang mundong malayo sa panghuhusga kung saan hindi tayo nalilimita sa mga gusto nilang makita.

Oo, Marahil,Siguro nanghihinayang ako. Hindi maiwasang isipin na sa hinaharap ay pagsisisihan ang mga desisyong ito. Ngunit mas manghihinayang ako kung patuloy akong magpapakulong sa isang bagay na “hindi tayo” pero dapat nananatiling may “ikaw at ako”.

Susuong sa isang mundong walang kasiguraduhan. Lalabanan ang takot na mawalan.

At

Kung muling pagtatagpuin ng panahon, sa hindi inaasahang lugar, oras o pagkakataon, lagi mong alalahanin na sa puso ko’y nag-iwan ka na ng marka at kahit kailan malabong makalimutan ka.

Kaya siguro,

Hanggang sa muling pagtibok ng puso,
Hanggang sa muling pagtaya ko.
Hanggang sa muling pagkikita.
Salamat at
Hanggang Dito na lang muna,
Ako

You Might Also Like

0 comments: