filipino,

Literary: Dear Mr. Photographer

9/29/2017 08:02:00 PM Media Center 0 Comments





Dear Mr. Photographer,

Kung meron mang isang tao na aking maipagmamalaki, ikaw yun. Ikaw lang ang nag-iisa kong tagakuha ng mga pinagsaluhang magagandang alaala.

Natatandaan ko noong una tayong nagpunta sa Starbucks nang magkasama, tuwang-tuwa ako sa mga corny mong jokes. Habang ako’y nakatawa, naka-ready na ang camera mo. Ako ang ginawa mong model sa bawat lugar na ating pinuntahan. Hindi ako nahiya sa’yo na ipakita ang tunay kong kulay. Hindi ako natakot na baka husgahan mo ako o baka naman maturn-off ka. Ikaw ang naging dahilan ng bawat ngiti sa aking kamera. Walang mintis ang iyong mga kuha sa ating dalawa.

Sa tuwing tayo’y nagkakaproblema, ipinapakita mo lang sa akin ang mga masasayang panahon na nagtatawanan at nagyayakapan tayo. Kaya ang away at kalungkutan ay napapalitan ng tila isang matamis na halik. Nagtagal tayo, mas matagal pa sa inakala ko. Ngunit ang kuha mong mga litrato ay unti-unti nang lumalabo. Hanggang sa nabalitaan kong kinailangan mong magpahinga dahil sa iyong karamdaman.

Dumalaw ako sa’yo, dala-dala ang mga litratong kuha mo. Unti-unti kong pilit na ibinalik ang masaya nating nakaraan. Unti-unti kong pinaalala sa’yo na ako ang iyong nag-iisang modelo, ang nag-iisang babae na iyong minahal at pinangakuan. Araw-araw kitang binantayan sa ospital. At kung dati’y ikaw ang aking photographer, ngayon ako naman ang magiging photographer mo. Ikaw naman ang modelong aking paborito.

Kukuhanan kita sa bawat pagkakataon na tayo pa’y magkasama… hanggang sa huling sandali, maipagmamalaki kong ikaw ang nag-iisa at pinakamalapit sa puso kong tagakuha sa kamera.

Nagmamahal,

Ang nag-iisa mong modelo

You Might Also Like

0 comments: