athousandMCwords,

Literary: Tinakbuhang Kasaysayan

10/28/2016 09:09:00 PM Media Center 0 Comments






Kapag kinausap mo siyang muli,
‘Wag kang magugulat kung ang una niyang babanggitin sa iyo’y;
“Sino ka?”

Kapag kinausap mo siyang muli,
‘Wag mo ng asahan ang nakasanayang,
“Kamusta ka?”

Kapag kinausap mo siyang muli,
Tanggapin mong ‘di na niya sasabihing,
“Mahal kita.”
Tanggapin mong masasaktan ka.

Alam kong sa dulo, doon ka magsisimula
At mahaba ang daan na iyong lalakbayin,
Walang kalsadang nakalaan para sa mga kwentong tinakbuhan na ng mga alaala.
Gaano man kahaba ang tulay na ilatag mo para maipaalala sa kanya ang lahat,
Mauubusan ka ng mga salita.

Bago ka pa man makarating sa kanya,
Siguradong malayong-malayo na
Ang inyong mga pangako sa isa’t isa
At mahihirapan ka lamang sundan
Ang anino ng kanyang katahimikan.

Ngunit ‘wag kang susuko.
Maubos mo man ang buong diksyunaryo,
Patuloy kang kumuha ng bagong transkripto.
Ipaalala mo ang ginhawa, ang matamis na ligaya
ng mga salitang “Nakauwi ka na ba?"
          “Kamusta ka?”
               at “Mahal kita”.

Ipaalala mo ang kakaibang saya
Sa pagsambit ng masasayang alaala ninyong dalawa.
Madehado ka man sa laban,
Manatili ka dahil mahal mo.

Ipaalala mong minsan siyang naniwala
sa pangako ng walang hanggan.
Bago pa man
          yaong gabing nagkaroon ng banggaan.
Bago pa man
          yaong gabing tinakbo mo siyang duguan.
Bago pa man yaong oras
          na kinausap ka ng doktor at sinabing,
“Malala ang sugat sa kanyang isipan.”
Bago pa man
          yaong araw na bigla ka niyang nakalimutan.
Bago pa man yaong segundong
          tinakbuhan siya ng kasaysayan.

Ipaalala mo ang lahat sa kanya
Pagkat ‘di mo na mauulit pa –
Ang mga pagkakataon ninyong dalawa;
Ang mga lumisang alaala.

You Might Also Like

0 comments: