literary,

Literary (Submission): Taguan

10/14/2016 09:38:00 PM Media Center 0 Comments






Tirik ang araw, taguan ang nilalaro.
Ano nga ba itong pilit itinatago?
Ika'y pabalik na, at ito akong patungo.
Sa larong ito, sino nga ba ang talo?

Sa mga biruan, isang pagkakaibigan ang nabuo,
Ngunit hindi inaasahang mahuhulog sa iyo.
Takot at pangamba sa isip ko ngayo'y gumugulo,
Kung aamin ba ako'y matatanggap mo?

Sa simpleng asaran, lahat ay nagsimula,
Ngunit, aba! Kikilos pala si Tadhana.
Kung sakaling ika'y magtapat ng nadarama,
Masasabi ko bang ako'y handa na?

Handa na ba akong muling lumakad,
Tumayo sa aking pagkakadapa
At tumungo sa aking pupuntahan:
Sa lugar kung saan walang kasiguraduhan.

Siguro hanggang dito na lang muna ako.
Pagmamasdan ka mula sa malayo.
Makukuntento sa kung anong meron tayo,
Maghihintay na baka sakaling mapansin mo.

Hanggang dito na lang siguro muna,
Masasanay din siguro ako sa’ting distansya.
Tadhana na marahil ang magtatakda
Kung ano ang kahihinatnan nating dalawa.

Sa taguang ito, pareho tayong talo.
Wala sa atin ang mananalo.
Pagkat pinapaikot-ikot lang tayo ng ating mundo,
Ngunit kasalanan nga ba na mahulog sa ‘yo?

You Might Also Like

0 comments: