athousandMCwords,

Literary (Submission): Ang Sinisigaw ng Katahimikan

10/28/2016 10:13:00 PM Media Center 0 Comments






Magkasama tayong dal'wa sa malamig na batong upuan
Hapon na
Kailangan mo nang umuwi
Pero sabi mo sa tatay mo may project ka pa sa art
Kahit ang pinipinta mo lang naman
Ay mga di mawaring hugis
Gamit ang watercolor
Na sa'yong mga mata’y tila walang kulay

Wala akong masabi
Wala ka ring imik
Tahimik
Sa pang-ilang ulit
Babad na naman tayo sa makabasag-tengang katahimikan
Binging-bingi na ako

Walang salitang lumalabas sa bibig mo
Na mas madalas naman ay mga hinaing mo sa buhay ang isinisigaw
Hahawakan ko sana ang kamay mo
Kasi alam ko na
Di ko na kailangang tanungin
Hindi ka okay
‘Di tayo okay
Pero nilayo mo ang mga daliri mo
Na tila napaso ka sa balat ko
Kahit dati nama'y hinahanap-hanap mo ang init nito

Walang nangyayari
Walang nagsasalita
Pero parang ‘yun pa ang maraming sinasabi
Ang katahimikan
Sa pag yuko mo pa lang
Sinasabi mo nang pagod ka na
Sa bawat hawi ng buhok
Sinasabing makikinig pa
Sa mahina kong tinig
At sa paulit-ulit ko nang binabanggit

Di na natin kailangan ng mga salita
Kasi alam na nating dalawa
Kung ano yung sasabihin ng isa’t isa
Mga gasgas na dahilan
Mga desisyong di pinag-isipan
Mga pagpapatawad na labag sa kalooban
Lahat ng ito paulit-ulit na lang

Umalis ka
At iniwan ako
Sa panghuling pagkakataon
Hindi ko masabing paalam
Kasi alam mo na ang lahat
Hindi ko masabing ingat
Dahil ako ang nagdudulot ng kapahamakan
Di ko masabing patawad
Kasi luging-lugi ka na
Di ko masabing mahal kita
Dahil hindi na
Hindi na ulit

At ngayo'y mag-isa ako
Nagpipinta ng mga di mawaring hugis
Gamit ang sarili kong tila walang kulay, walang sigla
Di sinasabi ang dapat sabihin
Di inamin ang dapat aminin
Walang imik
Nakayuko
At nalulunod sa ingay ng katahimikan at kawalan

You Might Also Like

0 comments: