literary,

Literary (Submission): Isang Bukas na Liham Para Sa'yo

10/17/2016 07:55:00 PM Media Center 0 Comments






16 Agosto 2016


Mahal, marahil ngayon ay naguguluhan ka rin, o kaya nama’y nasa piling ka na ng iba. Maaari ring abala ka lang sa ibang bagay. Pero isa lang ang alam ko-hinahanap-hanap pa rin kita. Gayong hindi man tayo magkasama sa ngayon, gusto ko sanang iparating ang aking taos-pusong pasasalamat.

Sa pagdating mo sa aking buhay, marami akong naunawaan. Naunawaan ko kung bakit tumitibok ang puso ng tao; at kung bakit tumigil ang sa’kin. Nalaman ko kung bakit napuno ng luha ang aking mga mata; at kung bakit sa huli’y dalamhati ang natira. Ikaw pala ang dahilan. Sa kabila nito’y salamat pa rin. Maraming salamat, mahal, dahil pinatunayan mong hindi natatapos ang laban sa pagkabigo. Patuloy kang nabuhay nang wala ako, nang walang ‘tayo’. Magpapatuloy ako dahil sa iyo’t para sa’yo, at aasahang sa tagumpay ay kapiling ka na.

Gayong tapos na ang sa atin, maalala mo pa rin sana ako. Alalahanin din na hilig kong pagmasdan ang iyong ngiti. Nagugunita ko rito ang sayang dulot ng aking kamusmusan. Binubulong ng mapupungay mong mga mata na mananatili ka, kahit sa malayo. Sa pagtanaw ko sa mga ito’y alam kong ikaw na. Hindi na kailangan ng mga salita. Mahal ko, nagpapasalamat ako sa Diyos at sa kaguluhang dala ng lipunang ito’y nakatagpo ng tulad mo-walang kawangis.

Ilang taon din ang ginugol upang makapiling ka at sa mga taong yao’y napakaraming natutunan. Sabik akong ibahagi ang mga ito sa iyo, mahal- sa tamang panahon.

Sa kabila ng lahat, naniniwala akong babalik din ang sa atin. Nais kong ipaunawa na sa karanasang ito, sabay tayong uunlad; mababaka natin ang anumang hirap. Naniniwala ako sa kung ano ang mayroon tayo. Balang araw, mamumuhay rin tayo nang maligaya’t magkasama.

Sa ngayon, ako’y narito lamang- ipinagdarasal na sa araw ng ating pagkikita’y masisilayang muli ang iyong ngiti… at ‘di na ito hahayaang mawala pa sa ‘yong mga labi.

Higit sa lahat, itanim mo sa’yong puso’t isipan ang iisang bagay: na sa gitna ng agam-agam, ikaw ang aking kasiguraduhan.

Maraming salamat sa lahat, mahal.

You Might Also Like

0 comments: