jouska,

Literary (Submission): Ako, Para Sa'yo

10/14/2016 08:51:00 PM Media Center 0 Comments





Ang dagat, para sa isda
Ang puno, para sa ibon
Ang langit, para sa mga panahon
Ang sapatos, para sa paa
Ang salamin, para sa mata
Ang papel, para sa mga tula
Ang isip, para sa alaala
Ang eroplano, para sa mga alapaap
Ang bawat segundo, para sa mga sulyap

Ang mga salita, para sa isa’t isa
Ang pagpigil sa nadarama mo, para sa kung anong meron kayo
Ang paalam, para sa pag-alis
Ang paghihintay, para sa muling nagbabalik

Ang mga panaginip, para sa kung wala ka
Ang ngiti, para sa kasiguraduhang di ka mawawala
Ang puso, para sa totoong minamahal
Ang isip, isara kung handa kang magsugal
Ang luha, para sa oras ng pagkabigo
Ang pagmamahal, na nagsasabing ‘di naman magbabago
Ang pag-asa, para sa pusong sumusuko na
Ang paglimot, para sa mga alaalang hindi maganda
Ang tibok, lumalakas para patunayang kaya pa
Ang saya, para sa araw na sabihin niyang “mahal na kita”
Ang sikap, para matupad ang mga inaasam
Ang pagod, pawis at tuwa, para makaabot sa huling paalam,
Ang paghihiwalay, para sa nawasak na pusong nagmahal
Ang pag-alis, para sa realidad na ang lahat ng ito’y bawal
Ang hagulgol, para sa mga gabing hindi mo malimutan
Ang antok, na mag-aalis nito sa iyong isipan,
Ang tulog, para mawala ang realidad at mabuo ang panaginip
Ang umaga, para ipaalala na lahat ito’y kathang-isip lamang pala
Ang oras, para maghilom ng sugat, alaala at kasawian
Ang pag-ibig, para ibulong sa aking muli ang iyong pangalan.
At ang tadhana, para tayo’y mapaglapit at ako’y para sa iyo.

You Might Also Like

0 comments: