athousandMCwords,

Literary: Mas Gusto ko ang mga Tula

10/28/2016 09:29:00 PM Media Center 0 Comments






Pangungusap (png.)
Grupo ng mga salita
May isang tiyak na kahulugan
Kadalasang diretso ang pagkakasabi at pagkakasulat
Nagtatapos sa isang tuldok

Tula (png.)
Grupo ng mga talinhaga
Walang katapusan ang mga kahulugan
Malikhain at may damdamin
Walang katapusan

“Mahal kita.”
Isang pangungusap na sinabi mo sa akin
“Mahal rin kita…”
Isang tulang sinambit ko sa iyo

Para sa iyo ang “tayo” ay isang pangungusap
Iisa ang kahulugan iisa ang patutunguhan
Mahal kita. Tapos. Tapos sa isang tuldok
Wala man lang paliwanag kung bakit ito nagtapos
Wala man lang pasabi na matatapos na ito

Para sa akin ang “tayo” ay isang tula
May ritmong kaaya-aya, matalinhaga,
Mahal kita… may karugtong pa… mahal kita dahil…
Di ito nagtatapos sa isang tuldok
Pero ang bawat salita nito ay may paliwanag

Mahal pa rin kita…
Dahil para sa akin ang “tayo” ay isang tula
At ang mahal kita ay di matatapos
Kahit na tinapos mo na ito sa isang tuldok
Kahit na wala ka na

You Might Also Like

0 comments: