filipino,

Literary: Pagkatapos Magsimula

12/02/2016 09:38:00 PM Media Center 0 Comments






Alas-sais na naman ng umaga
Babangon, maliligo at magsisipilyo;
Isasara ang mga butones bilang paghahanda sa isa na namang araw ng paghihibla
Ng mga pinangakong pangarap pagkatapos magtapos.

Alas-siyete, unang bahagi ng araw
Magsisimula na naman ang pag-iingay
Papasok na ang guro, patatahimikin ang klase at sisimulan ang sermon
Kung paano dapat mag-isip, kumilos maging magsalita.

Alas-otso, bakit pagod na agad ako?
Pangalawang araw ko pa lamang dito ngunit gumagapang na sa paghihingalo,
Hindi ng dibdib, kundi sa tambak na gawaing ipapasa sa maghapon
Alas-nuwebe.
Alas-diyes.
Alas-onse.

Alas-dose na ng tanghali
Naglalagablab ang init ngunit kumakatok ang antok
Kain, tulog, aral, paghahanap sa mga ka-grupo
Isang oras ng pahinga naging isang oras ng pagkahapo

Ala-una, parang ‘di ko na kaya
Pero ang pagsusulit kailangan pang ipasa.
Bumabagsak na ulo, kasabay pa ‘ata ang aking grado.
Saan ako dadalhin ng grado ko rito?
Alas-dos.

Alas tres, tatakbo sa susunod na klase
Sa ikaapat na palapag, hahabulin ang oras
Magsasalita sa harap, kailangang magsikap
Para sa ipinangakong pangarap.

Alas-kwatro, ang huling dako para sa araw ko
Panoorin ang pagkumpas
Ng oras na tila ba taon kung lumaon pagkat napakabagal
Napakabagal ng lahat.
Alas-singko.
Alas-sais.

Alas siyete na ng gabi, sa wakas oras na para sa sarili.
Ngunit bakit sila kumakatok
Nag-aalok ng mga bagay na kapag hindi mo sinunod, parusa ang inabot.
Mga bagay na gusto nila at nangangakong para daw sa kabutihan ko.

Alas-otso na at wala pa rin akong nagagawa.
Hindi tinatamad ngunit sadyang walang gana
At sa hindi ko malamang paraan, unti-unti ng naglalaho ang aking kinabukasan
Napalitan na ng pangarap ng iba, nauna na ‘yung kanila.
Alas-nuwebe.
Alas-diyes.
Alas-onse.

Alas-dose, gising ang diwa at mulat ang mata
Patay na ang isip ngunit sa loob ko’y may pag-aalala pa.
Kung mauulit na naman ba ang sigawan-
Na akong may utang sa aking mga magulang,
Na akong estudyante na kailangang pumasa,
Na nawawala na raw ako sa landas,
Na walang patutunguhan ang aking pangarap,
Na kailangan kong sundin ang sinasabi nila,
Na dapat masunod sila,
Dahil sila ang aking mga magulang.

Ala-una, tahimik na.
Hindi ko pa sinasabi ang mga sinumpaang numero
Na sumusukat sa aking kakayahan,
Sa mga nagawa ko,
Sa kung hanggang saan lang ang kaya kong abutin,
Ang mga numero na nagsasabi kung naabot ko ba ang mga pangarap na
Para sa akin daw, pero sa kanila naman talaga.
Alas-dos.

Alas-tres, natapos lahat ng gawain.
Kulang na sa tulog, kaunti lang ang nakain.
Ilang taon pa ang dadaan bago matapos ang nakababagot na siklo.
At papatak na naman ang alas-sais.
Babangon, maliligo at magsisipilyo;
Isasara ang mga butones bilang paghahanda sa isa na namang araw ng paghihibla
Ng mga pinangakong pangarap pagkatapos magtapos…

At alas-siyete, unang dako ng araw.
Magsisimula na naman ang pag-iingay.
Papasok na ang guro, patatahimikin ang klase, at sisimulan ang sermon
Kung paano dapat mag-isip, kumilos, magsalita
Alas-otso, pagod na naman ako
Alas-nuwebe, alas-diyes, alas-onse, alas-dose –

Ganito.
Sa loob ng anim na taon, ganito.
Alas-siyete hanggang alas-siyete, hindi mapunit-punit na siklo.
Pagod sa paggising hanggang sa pagtulog,
Walang karamay hanggang mahulog,
Kahit na dumadagundong ang dibdib sa nagpupuyos na damdamin.
Walang dapat makaalam.
Dahil kailangan.
Hindi para sa’kin kundi para sa mundo,
Ang siklo.
Ang simula ng mga pangarap pagkatapos magtapos,
Ang walang katapusang pagkapagod.

Ang simula na nagtapos sa simula.
Ang simula, hanggang sa simula.

You Might Also Like

0 comments: