barcode,

Literary: Sa Gitna ng Ulan

12/02/2016 09:07:00 PM Media Center 0 Comments






HAMOG
Kumukulimlim na. Ang init ng simoy ng hangin ay lumalamig at ang mga ulap na nagpapahiwatig ng pagbagsak ng inipong ulan tulad ng aking mga mata nagbabadya na rin ng pagbagsak ng mga luha.

Kasabay ng paghamog ay aking pag-iisa. Kakatapos lang naming mag-usap. Siguro’y iyon na ang huli dahil nagpaalam na ako, kasabay ng pagdilim ng kalangitan. Pinipigilan ko ang pagtulo ng aking mga luha habang inaabot ko ang liham na ginawa ko dahil hindi ko kayang sabihin ang mga salitang ‘paalam’ at ‘salamat’ sa kanya.

Hinahanap ko pa ang sarili ko. Binubuo ko pa ang puso ko. Inaayos ko pa ang isip ko. Ayokong umiyak ngunit anong magagawa ko? Mabigat na sa damdamin. Nakasalubong kita. ‘Di na napigilan ng mga mata. Salamat at nandyan ka pa rin.

AMBON

Umaambon na naman. Mukhang maya-maya lang, uulan na. Hassle pa naman pumunta ng canteen kapag ganitong panahon, pero para sa pagkain at dahil sa kagutuman, walang ambon-ambon.

Nasa third floor pa lang ako, nang makita kitang mag-isa at nagmumukmok sa isang tabi. Sinamahan muna kita. Baka kailangan mo ng makakasama o mapagkukuwentuhan. Alam mo namang nandito lang ako para sa 'yo. Alam kong nandiyan ka rin para sa akin, kapag ako ang nangailangan.

Nanatili muna ako sa iyong tabi. Hanggang sa maubos ang luha sa iyong mga mata na sinasabayan ng pag-ambon ng langit. Hanggang sa maubos ang nag-uumapaw na kalungkutan na iyong nararamdaman. Hanggang sa masabi mo na lahat ng bumabagabag sa iyong isip. Hanggang sa maging okay ka na, sasamahan pa rin kita.

ULAN

Ilang araw na simula noong araw na ‘yun, pero ‘di ko pa rin makalimutan. Sino bang makalilimot sa ilang buwan na tinapos ko lang sa ilang mga salita? “Ayoko pang tapusin pero ‘di ko na kaya.” Laging binubulong ng puso ko sa akin.

Lumalakas ang bawat pagpatak tubig sa kalangitan. Bumuhos ang ulan. Umiiyak na ang langit at ako’y nananaghoy rin. Tumingala ako sa langit baka sakaling mapigil ang pagtulo ng luha sa aking mga mata. Subalit sa bawat pagpatak ng ulan mula sa kalangitan sa aking mukha, tila mga alaala rin itong nagbabalik sa aking gunita. Hindi ko maiwasang maalala lahat. Mga pangakong napako, mga sorry na paulit-ulit sinabi. Nasasaktan ako pero pinipilit kong maging masaya. Pero hindi ko pala kaya.

Inisip ng lahat okay na ako pero hindi. Akala ng lahat masaya na ako pero hindi. Nalilito ako dahil noong araw na iniwan ko siya sinamahan mo ako. Dinamayan mo ako noon sa panahong ako’y lumuluha. Kasama kita sa araw na iyon. Pinakikinggan mo ang aking mga paghikbi kahit na kahit na alam mong ikaw ang siyang mababasa ng ulan ng pangungulila para lamang hindi ako malunod sa aking mga luha.

At ngayon natatanaw kitang mag-isa, sa gitna ng ulan. Hindi ko alam kung papayungan kita. Nandito ako, nandyan ka, pero siya pa rin ang nasa isip ko. Naguguluhan ako.

BAGYO

Ilang linggo na ang lumipas mula noong sinamahan kita sa iyong pag-iisa, hanggang sa ngayon na nakikita na kitang masaya. Nararamdaman ko nang hindi mo na ako kailangan dahil okay ka na.

Habang ako'y nag-iisa, hindi ko mapigilang pagmasdan ang mga nagdidilim na ulap. Kay sarap pakinggan nang pagpatak ng ulan sa damuhan, kasabay nang pagkulog at pagkidlat sa kalangitan. Parang tinig mo sa gitna ng kaingayan ng ating silid-aralan, sa iyo pa rin ang palaging nais kong pakinggan. Ito na ang palagi kong hinahanap sa bawat oras ng katahimikan.

Nakatingala na sa langit at biglang napatanong, "Bakit ko nga ba hinayaang masanay ang sarili na palagi siyang nandiyan para sa akin?" Ngayon, pati ang loob ay tuluyan na ring nahulog. Tulad ng pagkahulog ng patak ng ulan sa naiwang bakas ng paa sa putikan. Tulad ng bakas na iniwan ko sa aking puso, nang pinili kong lumayo kaysa mas mapalapit pa sa iyo.

Nakikisama ang panahon sa akin. Tila mayroong bagyo sa pagitan ng ang aking puso at isip. Hahayaan ko bang tuluyang malunod sa pagragasa nitong damdamin? O hahayaan ko na lang bang payungan kita hanggang sa ako ang magdusa? Hindi ko na alam ang gagawin.

ALIMUOM

Matagal na rin kitang kaibigan. Sobrang close nga natin dati. Araw-araw na magkasama. Kaso biglang hindi na tulad ng dati at alam kong kasalanan ko dahil simula noong nakilala ko siya binalewala kita. Pero kahit na ganoon nandyan ka pa rin sa tabi ko na pwede kong sandalan kahit anong oras.

Amoy ko ang alimuom pagkatapos ng ulang hindi naman lumakas. Linggo na rin ang lumipas noon nang ang habagat ng kalungkutan ang nag-udyok sa akin upang magpaalam na sa kanya. Nangungulila pa rin ako sa kanya. Pero sa parehong panahon na iyon nandoon ka lang at hindi ka umalis kailanman sa tabi ko. Noong ang lahat ay nagpapahiwatig na naman ng pagbagsak, nasa tabi kita. Noong akala ko ay uulan na naman, naramadaman ko ang alimuom.

Ramdam ko na ang alimuom, ang init na nagmumula sa lupa matapos ang naudlot na ulan at alam ko na rin na nandyan ka. Ramdam kita, ang alimuom sa nagdaang ulan sa aking buhay. Nararamdaman ko na ang init ng pagmamahal, ang init ng mga yakap mo kahit hindi nakabalot ang mga kamay mo sa akin. Ramdam ko ang pag-asa sa iyo, na sa bawat pagtatapos ng ulan ay may bahaghari.

BAHAGHARI

Sa wakas, umaliwalas na ang panahon, kasabay ng pag-aliwalas ng iyong isipan. Sa wakas, sigurado ka na. Nakita mo na ang bahagharing magbibigay ng kulay sa binagyo mong mundo. Dumating ang pinakahihintay mo dahil dumating na siya. Malaya ka na mula sa alaala ng iyong nakaraan. At kung sino man ang bagong magpapasaya sa ‘yo, sana’y mahalin ka niya nang kung paano ka dapat mahalin. Ito na ang iyong pagkakataong maging masaya, huwag mo nang balewalain pa.

At sa wakas, nakita ko na rin ang bahaghari dahil nakita mo na ang sa iyo.

You Might Also Like

0 comments: