filipino,

Literary: Pares

11/24/2018 08:48:00 PM Media Center 0 Comments




Sabay palagi sa tuwing naglalakad
Madalas pa ngang naghahabula’t nag-uunahan
Hinding-hindi mapaghihiwalay
Magkasangga na sa panghabambuhay.

Sa tuwing tag-araw
Magkasama nating sinasalubong ang bawat umaga
Kasabay ng pagdama sa mahalimuyak na ihip ng hangin
Habang tayo’y nakahiga sa malambot na damuhan.

Sa tuwing tag-ulan
Tayo’y galak na galak tumalon sa mga sanaw
Aliw na aliw sa mga tilamsik ng tubig
At tayo’y uuwi nang basang-basa sa tuwa.

Palagi tayong magkatuwang
Patag man o bako-bako ang daan
Pilit nating lalagpasan
Hawak-kamay tayong naglalakbay.

Ngunit nabago ang lahat
Simula nang ika’y nawala
Pagmulat ko’y ako na lang mag-isa at wala ka na
Hindi ako mapalagay.

Hinanap ka ngunit di nakita
Sino na ang makakasama ko sa pang-araw-araw?
Hindi ako sapat kung walang kapareha
Hindi makukumpleto ang tayo kung walang ikaw.

Nakalimutan ko nang kalimutan ka
Dahil sa iniwan mong masasayang alaala
Di ba sabi mo, tayo’y tila tsinelas?
Ang bumubuo sa isa’t isa,
Ang iyong kanan sa bawat mong kaliwa.

You Might Also Like

0 comments: