filipino,

Literary: Ikuwento Mo kay Papa Gong

11/24/2018 08:39:00 PM Media Center 1 Comments




Nobyembre 14, 2018


PAPA GONG
Poging Tagapagsalaysay
Diliman, Quezon City


Dear Papa Gong:

Tandang-tanda ko pa noong mga panahong madalas akong pinupuntirya ng aking mga kaklase dahil sa kapansanan ko.

Lagi akong pinipintasan, Papa Gong. Asar dito, tawa roon. Wala po akong magawa kundi maupo sa aking wheelchair at makinig sa matatalim nilang salita na humihiwa sa aking damdamin.

May isang pagkakataon pa nga noon na kinailangan kong humingi ng tulong mula sa bespren ko. Nagpatulong ako sa kaniya na itulak ‘yung wheelchair patungo sa pisara ‘pagkat oras ko na para magtanghal sa reporting. Dahan-dahan niya akong itinulak sa harap ngunit bigla akong itinumba noong hindi nakatingin si Ma’am Prudence dahil tumawag ‘yung loverboy niya. Nagulat na lang siya kung bakit ako biglang nakahilata sa sahig. Nagtawanan ang buong klase habang kitang-kita ko sa pagmumukha ng traydor kong kaibigan ang mala-Hudas niyang ngiti. Nagdagsaan na naman ang mga halakhak ng mga huwaran kong kaklase.

Minsan ko na ngang kinuwestyon ang Diyos kung bakit Niya pa ako binigyan ng polyo. Sana kinuha Niya na lang ang aking tainga imbis na mga paa.

“Magtataekwondo ako!” bungad ko sa kalagitnaan ng klase.

Lahat ay nagsitinginan at muling humalakhak.

“HAHAHAHA, nanay mo,” asar ni Jerome.

“Tagain ‘yang binti mo ng axe kick,” dagdag ni Susan.

Tinitigan ako na para bang isang baliw. Nagdagsaan pa ang kanilang pambabatikos hanggang sa tuluyang lumuha ang aking puso.

Umuwi akong naghihinagpis at binitiwan sa harap ni Ama ang mga salitang: “Magtataekwondo po ako!”

Napahinto siya sa pagluluto at bigla na naman akong kinilabutan.

“K,” sabi niya.

At simula noon, Papa Gong, muli akong nabuhay.

Nagsimula akong mag-ensayo kahit na sobrang hirap. Siyempre, hindi mawawala ang maiingay na bulong sa tuwing nasisilayan akong nakaupo sa wheelchair at nakadamit pantaekwondo. Masakit man sa pakiramdam, pero mas masakit sa paa. Ngunit sa lahat ng ito, Papa Gong, kinaya ko.

Dumating ang araw ng aming pakikipagtunggali. Medyo kabado, pero sinugod ko pa rin ang entablado nang nakangiti. Laking gulat ng lahat noong nakita nila akong papalapit sa harapan. Hindi pa rin mawala-wala ang kanilang mga nakakunot na noo, malalakas na bulong, at manghang-manghang mga mukha.

Matapos ang ilang sandali, nagkatitigan kami ng kalaban kong si Takiki. Tinitigan ko ang kaniyang mga mata ngunit hindi matumbok ang nararamdaman—kung natatawa ba siya o natatakot sa akin. Hindi ko namalayan na sinesenyasan na pala ako ni Coach Warlak na kumilos kung hindi malilintikan ako.

Sumugod si Takiki.

E, gumulong naman ako.

Hindi ako sigurado, Papa Gong, kung puwede ba ‘yung ginawa ko pero bumigay agad ang paa ko, e.

Umilag si Takiki sabay tinadyakan ang baywang ko. Muntikan na akong tumili pero pinilit ko pa ring tumayo. Lumundag muli ako nang parang balyena bago ilabas ang aking special move. Pumapalya nga sa paa ngunit malakas naman ang likod at mga braso. Itinaas ko ang aking dalawang paa habang nakapatong naman ang ulo sa sahig.

Tapos nag-headspin ako at kinonekta ang aking paa sa dibdib ng kalaban.

Kitang-kita ko ‘yung shock sa mukha niya, Papa Gong. Napahinto ang oras sa puntong ito at ninais kong kausapin ang isipan ng lahat ng nakatingin: “At huwag na huwag niyo na ako muling mamaliitin!”

Kaso nga lang, bigla niyang inangat ang kaniyang binti at binira ang ulo at paa ko.

“AHHHHHH!!” bulyaw ko.

Sobrang sakit kaya gumapang na lang ako papunta sa aking wheelchair. Hindi rin mapalagay si Takiki sa nagawa niya sa akin.

Pagkakataon ko na uli ito.

Iibahin ko naman ang aking approach. It’s now or never.

BANG!


Lumipas ang ilang segundo at idinilat ko ang aking mga mata. Laking gulat ko rin mismo nang nakita kong nakatayo na ang lahat ng mga tao, di makapaniwala, at gulat na gulat sa aking pagpapakitang-gilas! Nabaling ang aking tingin sa ibaba, Papa Gong, at napansing nakahandusay na ngayon si Takiki sa sahig.

Panalo ako! Napatumba ko siya! Sa wakas, napatunayan ko sa lahat na hindi ako lumpu-lumpuhan!

Pagkatapos ay bigla akong sinugod ng mga opisyal at diniskuwalipika ‘pagkat hinagisan ko ng wheelchair si Takiki.

‘Ayun, Papa Gong! Napatunayan kong hindi ako mahina at ako lamang ang may kapangyarihang magpasya sa layunin at mithiin ko sa buhay, at walang karapatan ang ibang tao para ipagkait ito sa akin.


Nagmamahal,


JEFFERSON TRICLOSAN

Batang May Cliche na Istorya

You Might Also Like

1 comment: