filipino,

Literary (Submission): Okay Lang

11/24/2018 09:14:00 PM Media Center 0 Comments




"’Uy! Kita tayo mamayang uwian, ha? May kuwento ako sa 'yo," sigaw mo habang tumatakbo na papunta sa klase, suot-suot ang ngiting abot-tainga.

Hay. May kuwento ka na naman. Hindi na ako magugulat kung tungkol na naman 'yan sa simpleng chat niya sa 'yo kagabi pero kilig na kilig ka pa rin. Palagi namang ganoon, wala nang pinagbago.

Magkukuwento ka ng tungkol sa kaniya habang nakikinig lang ako. Nakangiti mo pang inilalahad ang lahat ng pinag-usapan ninyo tapos magkukunwari naman akong masayang nakikinig. Tapos ikukuwento mo ulit na sobrang saya mo kasi matapos ang matagal na pagiging torpe mo, nakakausap mo na siya ngayon.

Hindi pa natatapos ang istorya mo roon. Inisa-isa mo pa kung paano mo siya liligawan. Samantalang ako naman, nagbibigay pa ako ng suggestions kung paano ka manliligaw. Papalakasin ko pa ang loob mo at susuportahan ka sa lahat ng mga gagawin mo. Kahit sa loob ko, durog na durog na ako sa mga ginagawa ko.

Pagkatapos mo, ako naman ang pipilitin mong magkuwento. Itatanong mo pa kung sino ang gusto ko. Wow. Hindi ko alam kung matatawa ako o ano. Pero, alam mo 'yon? Hindi ko rin alam kung insensitive ka ba o sadyang manhid ka lang talaga. O baka magaling lang talaga ako magtago ng nararamdaman. Ilang beses ko na yatang pinaparamdam sa 'yo na gusto kita pero tingin mo lang talaga sa lahat ng ginagawa ko para sa 'yo ay bilang kaibigan lang. Kapatid. Best friend. Gano’n lang. At hanggang doon na lang yata 'yon.

Okey lang. Masaya ako para sa 'yo.

Masaya ako para sa 'yo kasi masaya ka. Kahit na hindi ako ang dahilan.

Masaya pa rin naman ako kasi na-appreciate mo lahat ng effort ko bilang kaibigan mo at bilang tao. Hinding-hindi mo ako nakakalimutang pasalamatan.

Masaya pa rin naman ako kasi pinagkakatiwalaan mo ako—sa lahat ng bagay. Wala kang itinago na kahit ano sa akin. Kumbaga, lahat ay kinukuwento mo.

Masaya pa rin naman ako kasi palagi ka ring nandyan para sa akin.

Iyon naman ang layunin ng magkaibigan, di ba? Kaya kahit masakit, masaya pa rin ako kasi magkaibigan tayo.

You Might Also Like

0 comments: