filipino,

Literary: Mood Tracker

11/24/2018 08:52:00 PM Media Center 0 Comments




05/02/18

Masaya : Bigyang-halaga ang kagandahan ng mundo.

Nakita ko ang mga kulay ng mga bulaklak, naramdaman ang init ng araw, nakisayaw sa simoy ng hangin at parang nahahawakan ko na ang mga ulap na tila mga bulak ang anyo. Magaan ang aking pakiramdam. Parang lahat ng anyo ng kapahamakan ay kaya ko nang harapin. Sobra-sobra itong kasiyahan ko, sana maulit ito muli.

05/28/18

Nasasabik : Ipaalala na ako’y totoo.

Parang kidlat mula sa mga dumaraang bagyo, tila umiikot at pinararamdam ang bawat de-koryenteng tinig sa aking mga kamay at paa. Di mapigilang pagngiti ng mga labi na abot-tainga na.

Maramdaman ang pagtibok ng puso at pagtulin ng paghinga dahil hinahabol ang bagay na nagpapasaya sa akin.

06/05/18

Umiibig : Buhay ako.

Dumadagundong na pagtibok ng puso para sa mga tao sa paligid ko. Parang di nauubusang sisidlan ng pagmamahal para sa pamilya at kaibigan ang aking puso. Hindi ko maitimpla kung ano ba ang mas marami, pero ang alam ko’y umaapaw ang pag-ibig na ito para sa lahat ng tao. Ang dala nito’y kasiyahan, lubos at dalisay ang intensyon. Nais ko lamang pasayahin kayo at maging totoo dahil mahal na mahal ko kayo at marapat lang na makatanggap kayo ng katotohanan mula sa taong nagmamahal sa inyo.

07/27/18

Nabigo : ‘Wag kalimutang tao lang din ako.
Mahal ko ang mga magulang ko. Mahal ko sila. Alam kong mahal ko sila, alam kong hindi ako dapat
humihingi ng kapalit, pero labis ba kung ang pagtanggap ninyo ang aking tanging hilingin? Kahit kaunting pag-unawa lamang? Masyado bang mabigat kung hingin ko ‘yon muli? Sumosobra na ba ako kung nais ko lang namang tingnan nila ako sa aking mga mata at hingin ang kanilang mga pagtingin na hindi sila nandidiri? Anak pa rin naman ninyo ako, hindi ba? Hindi ko lang maunawaan kung bakit kailangan kong magmakaawa sa inyo na tanggapin kung sino talaga ako. Hindi ko maintindihan. Sinusubukan ko, itaga pa sa bato, na unawain kayo, na unawain kung bakit hindi ninyo ako matanggap. Mahal ko kayo, pero tao lang din naman ako, ngunit patawad kung hindi ko na kakayaning suotin ang maskarang nakangiti tuwing hinaharap kayo dahil sobrang sakit. Ang mga taong sinasabi na mamahalin nila ako kahit anong mangyari ay tinalikuran din ako sa huli.

07/30/18

Nalulungkot : Naging masaya ako, kaya siguro ganito.

Nawala na ang mga kulay ng bulaklak, ang init ng araw ay naglaho at ang pumalit dito ay ang lamig ng isang nakasusuklam na bagyo. Walang kibo ang hangin, at ang mga ulap ay lumayo na sa aking mga kamay. Ganito ba ang pakiramdam ng pighati? Narito pa rin kayo ngunit pakiramdam ko ay parang nawala na rin kayo sa aking tabi. Gusto ko lang naman na hindi na magsinungaling sa inyo kasi magulang ko kayo, ngunit mukhang mas nanaisin niyo pa na itago ko sa inyo ang totoo kong pagkatao. Importante ba ang hinaing ng iba? Natatakot ba kayo kung paano ako tatratuhin ng mga hindi ko kakilala? Kung ganoon, maaari niyo ba akong pakinggan? Gusto ko lang naman na malaman niyo na kakayanin ko, kasi ang kailangan ko lang naman ay matanggap ako ng mga taong gusto kong maging parte ng buhay ko. Patawarin niyo sana ako kung hindi ko kayo kinikibo, gusto ko lang po kasi talagang maunawaan kung ano ba talaga ang takot ninyo.

09/05/18

Nalilito : Tanungin ang sarili, sino na nga ba ako?

Pangalawang beses ko na 'tong sinabi sa mga magulang ko, ngunit tulad din ng dati, ilang taon nang nakararaan, hindi nila ako pinansin at sinabing nalilito lang ako. Ano na ang magagawa ko? Kahit anong pilit ko parang ayaw naman nila—ng panahon, ng kapalaran, ng mundo—na mangyari ito. Ilang paninigurado pa ba ang kailangan kong gawin? Ilang beses ko pa ba kailangang pilitin ang sarili ko? Hindi nila gusto kung saang daan ko gustong ihakbang ang mga paa ko, pero sinasabi nila sa harap ng ibang tao na kung ano ang gusto ko, maaari kong gawin. Pero pag sinara na ang mga bintana't pintuan, pag tinakpan na ang mga ito ng kurtina, ang maririnig ko'y ang kanilang pagkadismaya at pagtanggi. Tama bang ipagpatuloy ko pa rin ito, kahit na nadidismaya sila? Kung mahal naman talaga nila ako, mauunawaan naman nila ako, di ba? Kung hindi ngayon, siguro sa susunod na mga taon. Di ba?

????

Takot pero iibig (muli) : Alalahanin na magiging maayos ang lahat.

Alam ko na hindi kami mananatili sa ganito—nakatira sa isang bahay ngunit parang libong milya ang layo sa isa't isa. Masisira rin ang mga pekeng ngiti at pagtawa, balang araw di ko na katatakutan ang sarili kong pamilya, balang araw di na nila iisipin ang sasabihin ng ibang tao. Balang araw, maglalaho rin itong ubod ng laking pader na biglang lumitaw sa pagitan namin. Titibagin ito ng pagtitiyaga at pag-unawa. Ipaiintindi ko na ako pa rin naman itong anak nila, sadyang nagkaroon lang ng sariling mga pangarap at kagustuhan sa buhay na iba sa nais nila. Takot ako sa sarili kong pamilya, pero walang mangyayari kung di ko ito haharapin. Sana ako'y inyong maunawaan at mahalin muli dahil ang pagmamahal ko sa inyo'y di nagbago. Nabahiran man ang ating relasyon ng takot at pagtatampo, pero di ibig sabihin na di ko na kayo mahal. Ma, Pa, hiling ko lamang na sana ako’y inyong pakinggan.

You Might Also Like

0 comments: