filipino,

Literary: Tungkulin

11/24/2018 08:24:00 PM Media Center 0 Comments




“Hay! Aym Sheena pram BA Saykology. Nays to mit yo,” tamad kong pagbigkas ng itinurong pagpapakilala sa akin bukas sa iskul.

“Ayusin mo naman, Sheena. Baka pagtawanan ka niyan bukas sa klase. Dapat ‘Hi! I’m Sheena from BA Psychology! Nice to meet you.’ Mali naman bigkas mo, e!”

“Ate naman! Psychology ang course ko! Bakit kailangang magaling mag-English?! Puwede namang makipagkilala kahit sa Filipino, ha?!” Napabuntonghininga ako.

Aba! Psychology ang course ko, bakit kailangang English lahat!? Marunong naman akong mag-English, nakakaintindi, pero hindi ako magaling magsalita. Dahil sa inis ko, inayos ko na ang mga gamit ko. Bahala na bukas. Puwede naman akong magpakilala sa komportableng wika.

Kinabukasan, maaga akong pumasok sa iskul suot-suot ang napakaayos kong uniporme. Plantsado ito at sinigurado kong disente akong tingnan dahil ito ang unang araw ko sa unang taon ko sa kolehiyo. Dumiretso na agad ako sa aming klasrum. Umupo ako sa tabi ng bintana at inantay ang aming propesor sa una naming klase.

“Good morning! I am Ms. Calderon, I will be your teacher for Communication 131. I believe my students are good at speaking and writing, am I right?”

“Yes, Ma’am!” ang sagot ng buong klase.

“Good. So let’s start by introducing yourselves in front of the class.” Kinabahan ako. Ito na naman, parang hindi na nawala ‘to sa kahit anong klase ko, a!

“Let’s start. You go first.” Sabay turo sa babaeng maganda sa bandang harapan ko. Sa itsura niya, halatang may dugo siyang banyaga. Kulay tsokolate ang buhok, asul ang mga mata, may matangos na ilong, at maliit na labi. Grabe, may foreigner akong kaklase!

“Mahgahndang omaga! Aym Amber Brent galing sa Canada! Aym, ugh... di magaling mag-Tuhgahlog. But I’m doing my best! I really want to learn!” Sa itsura ng mga tao sa room, halatang lahat ay nakikinig sa kaniya. Lalo na ‘yung mga lalaki na halos madikit na ang mata sa kaniya. Manghang-mangha rin sila sa pagsubok nitong magsalita ng wikang Filipino. Banyaga kasi, e.

“Very good, Miss Amber,” wika ng guro ko sabay ngiti kay Amber.

Matapos magsalita ay pinalakpakan siya. Ako naman ‘yung sumunod sa harap at nagsalita. ‘Wag kabahan! Prinaktis ko ito kahapon.

Sumunod naman ‘yung kaklase ko sa likod ni Amber. Moreno, matangkad, at may kalakihan ang katawan. Noong una ay di siya makasalita. Tiningnan lamang namin siya hanggang sa pagpawisan na siya sa mukha.

“Ma’am… ay kent… ay kent Ingles. Hehe,” sabi niya na halatang nahihiya.

“It’s fine. Go ahead. Ipakilala mo lang ang sarili mo,” ngiti ni Maam.

“Aym Dyino. Aym prom Batangas. Ay want study. Tenk yu.”

“Magaling!” wika ni Ma’am sabay palakpak.

Nalito ang mga kaklase ko. “Hindi ba this is Communication 131? We should communicate well in English, di ba?”

“How come they accepted someone who doesn’t even know how to introduce himself?”

Nagbulungan ang buong klase. Habang si Gino ay nasa harap, halatang nahihiya.

“’Yan. Diyan tayo magagaling, e, ‘no?” inis na sabi ni Ma’am sabay lakad papunta sa harap ng klase.

“This is Communication 131, not English 131. Hindi niyo kailangang mag-English para masabi o maihayag nang epektibo ang nais n’yo. Nandito kayo para matuto. Paano kayo matututo kung ‘yung mga kapatid n’yo ay lalait-laitin n’yo? Tandaan n’yo na ang bawat isa sa atin ay may ginagampanang tungkulin. Ako, tungkulin kong turuan kayo at kayo bilang mga estudyante, tungkulin n’yong matuto at tulungan ang bawat isa.”

Patuloy pa niya, “Hindi lang Ingles ang batayan ng talino. Bakit ang banyaga di n’yo nilalait dahil sa kakulangan ng kaalaman sa wikang Filipino? Bakit n’yo pipiliting mag-Ingles ang tao kung isa siyang Pilipino? At hindi dahil mas marunong kang mag-Ingles sa iba ay mas matalino ka na sa kaniya.”

Natahimik ang klase.

“Sige, Gino ulitin mo. Puwede kang magsalita sa kahit anong gusto mong wika.”

“Ako po si Gino. Isa akong mag-aaral mula sa Batangas. Nag-aral ako dito dahil naniniwala akong dapat sumubok ng bago para matuto. Sa katunayan, iskolar lang ako dahil mataas ang mga grado ko dati. Di kasi namin kayang bayaran ang matrikula rito. Hindi man ako ganu’n kagaling mag-Ingles, makakaasa kayong gagawin ko ang lahat para matuto dahil iyon ang nais ko para makatulong ako sa pamilya ko at sa bayan,” sabi niya sabay ngiti.

Pumalakpak ako kasabay ng iba kong mga kaklase. Totoo nga ang sabi ni Ma’am, magkakapatid tayo, tayong mga Pilipino at Pilipinas ang tahanan natin. Bakit mo nga ba pagtatawanan ang kapatid mo sa mismong tahanan ninyo? Bakit hindi tulungan nang sa gayon umunlad kayo pareho? Simula noon, inidolo ko na ang aking guro.

You Might Also Like

0 comments: