barbara,
Isa akong bente pesos. Ipinanganak ako noong 2010. May pirma ako ng presidente noong panahong iyon, pero hindi ko na mabasa ang pangalan niya ngayon. Lukot-lukot na kasi ako at may ilang sulat pa sa aking mukha.
Noong ako’y unang inilabas, kasama ko pa ang aking mga kapatid. Mula kina MC201974 hanggang sa akin, si MC201994.
Ang una kong alaala ay nang may narinig akong sumigaw ng, “Ninong Emman! Mano po!” at inilabas ako mula sa pitaka.
“Bentong! Ang laki mo na, ah. O, ito, pamasko ko sa ’yo.” Ibinigay ako ni Ninong Emman kay Bentong.
Tuwang-tuwa si Bentong nang matanggap niya ako. Isa kasi akong panibagong disenyo kaya napakaganda ng ngiti niya. Hindi ko na nga kamukha ang aking mga lolo’t lola, ibang-iba na ako sa kanila.
Maingat akong itinupi ni Bentong at itinago sa kaniyang bagong Spiderman wallet. Bagama’t mag-isa lang ako roon, masaya ako dahil napasaya ko si Bentong.
“O, binigyan ka ni Ninong Emman mo ng aginaldo. Baon mo na ‘yan sa pasukan, ha,” narinig ko mula sa loob ng wallet habang isinasara ito ni Bentong.
“Ha? Hindi mo na ‘ko bibigyan?” malungkot niyang sinabi. Tumawa lang si Ninong Bentong. At isinara na niya ang wallet.
Natatandaan ko pa noon nang ipagmalaki ako ni Bentong sa kaniyang mga kamag-aral. Napakalutong ko pa noon at bago ang mukha. Manghang-mangha ang mga bata sa akin at habang ako ay iwinawagayway ni Bentong, bigla akong napangiti. Ito pala ang ibig sabihin ng may napapasaya kang iba.
Nagkawalay kami ni Bentong noong bigla siyang magutom. “Ano ba ‘yan. Magagastos ko na ang bente ko,” sabi niya. Ipinambili niya ako ng isang pakete ng biskuwit, isang bote ng softdrinks, at ang sukli ay mamisong tsitsirya. Kahit na nagkawalay kami, naiwan ko namang masaya si Bentong.
Nakaalis lang ako uli sa tindahan ni Aling Vicky noong ipansukli niya ako sa isang babae. Ilang linggo rin kasi ako sa loob ng kaniyang kaha de plastik, binibilang niya araw-araw, kasama ng mga iba pang bente. “Hay nako, ‘Day. Nagpabarya ka lang ‘ata, e. Shampoo lang pala ang bibilhin mo, isandaan ang pera mo,” sabi niya sa bumibili.
“Pasensya na, Aling Vicky. Pamasahe ko rin kasi ‘to papasok,” sagot ng babae. At di kalaunan ay pinagpasa-pasahan ako sa loob ng dyip. Naiwan naman ako sa kahong lalagyan sa harap ng drayber.
Sa loob ng ilang taon, papalit-palit ako ng sisidlan, palipat-lipat ng may-ari. Naranasan kong masulatan ng cell phone number noong magpa-load si Kuya Junjun. Ginawa akong eroplano ni Markus. Ipinambili ako ng ulam ni Linda. Ipinangyosi ako ni Jhenna. Hindi na ako naalis sa mausok, maingay, at magulong bayan. Hindi ko alam kung ano ang pangalan ng lugar pero alam ko, nakasulat iyon sa akin. Hindi ko naman binasa dati, iba kasi ang iniintindi ko. Ngayon, hindi ko na maaninag ang nakasulat.
Isang araw, may nakasama ako sa isang itim na pitaka. Si LH719199. Kulay asul siya. Malutong at walang bahid ng tupi.
“Magandang araw po,” sabi ko. Mukha kasi siyang galanteng pera.
“Magandang araw din,” tugon niya. Palakaibigan naman pala.
Ilang araw din ang inilagi namin sa pitakang iyon. Kinuwentuhan niya ako ng kaniyang naging buhay. Kalakhan pala nito ay nasa isa siyang metal na lalagyan. Hindi katulad ng kaha de yerong puro kalawang ni Aling Bebs sa karinderya. Malaki ang kaniya, kasama ang kaniyang mga kapwa asul. Isang libo pala ang tawag sa kanila. Itinanong ko kung kilala niya sina Junjun, Linda, o Jhenna. Sabi niya, hindi. Pero nakilala na niya si Mr. Harry, si Ms. Margaux, at si His Excellency. Hindi ko kilala ang mga ‘yun. Hindi na lang ako nagsalita kasi parang nakakahiya.
Pagkaraan ng ilang araw ay inilabas na siya. “Nurse, ito lang po ang kaya naming i-down payment para ay Anna, ‘yung may dengue sa ER,” sabi ng naglabas sa kaniya. Naaninag kong may hawak ding ibang pera si Ate Lita, ang may-ari ng pitaka, pero siya lang ang asul. Isinara na niya ang pitaka bago pa ako makarinig ng kahit ano.
Sa pagdaan ng panahon, parami nang parami ang aking nakakasama, lalo na kapag ako ay inaabot sa iba. Medyo masaya at marami akong kausap at nakakasalamuha. Pero nakalulungkot lang na hindi ko na ulit nakita si LH719199. Sana ay okey lang siya.
Ngayon, ako ay nasa dyip ulit. Nasa loob ng kahang kahoy. Iniabot na ako ni Manong Drayber sa nagbayad ng singkuwenta.
“Delia, kumusta na nga pala ang anak mo?” tanong ng nag-abot sa akin.
“Ah, si Bentong? Ayos naman. ‘Ayun, awa ng Diyos, huling taon na niya ng hayskul,” sagot ng pinag-abutan. Isinaksak niya ako sa kaniyang coin purse at saka ito isinara.
Si Bentong! Pakolehiyo na! Nako, ang bilis nga naman ng panahon.
Sabik na sabik ako na muling makatagpo si Bentong. Ang tagal na nu’ng huli kaming magkita. Sana naaalala pa niya ako kahit may ilan nang punit ang aking gilid.
Hindi ako mapakali sa loob ng pitaka. Nakakadismaya lang na wala akong marinig mula sa loob. Pero hindi nagtagal ay inilabas ako muli ni Aling Delia. Sinabi niya, “Ito na lang ang pera ako. Pasensya na, anak.” Inabot na niya ako kay Bentong! Sana matuwa siya ulit!
“Bente? Ma naman, ano’ng mabibili ko dito?” dismayadong sagot niya. “Alam n’yo namang nagtaas na ulit ‘yung pamasahe sa dyip, e. Baka nga hindi pa ako makauwi sa lagay na ‘to. At saka ubos na rin ang pera ko pangkain. Nagtaas na naman kasi sa canteen.”
“Pasensya na, anak. Kulang na rin kasi ang pambayad natin sa kuryente, e. Kaya tipid-tipid tayo.” Napabuntonghininga si Bentong. Hindi yata siya masayang makita ako. Hindi na yata ako sapat.
Tiningnan ni Bentong ang kaniyang nanay. Binusisi ni Aling Delia ang kaniyang pitaka, wari’y nagbabakasakaling may maidadagdag sa kaniyang ibinigay. “Anak, may katorse pa dito sa pitaka ko, kunin mo na,” sabi niya sabay abot ng barya.
Pinigilan ni Bentong ang kamay ng kaniyang nanay. “’Wag na, Ma. Gagawan ko na lang po ng paraan.”
Pumasok siya sa kaniyang kuwarto at naupo sa kama. Tinitigan niya ako. Hindi ko mailarawan ang kaniyang mukha. Para siyang maiiyak, parang sisigaw. Bagama’t hindi niya ako nilukot, para siyang galit. May hinugot siya mula sa ilalim ng kaniyang kama, isang lata. Itinupi niya ako nang tatlong beses at saka isinilid dito. Naramdaman kong itinulak niya ito pabalik. Dahil may awang pa rin ang ibabaw ng lata, narinig ko ang kaniyang sinabi: “Kahit wala munang kain.”
Nagtaka ako. Ayaw na niyang kumain? Di ba paborito niya ‘yung biskuwit? At saka softdrinks? At saka mamisong tsitsirya?
“Aba, iba ang sinabi niya ngayon, ah,” wika ng aking katabing kapwa bente. Nakatupi rin siya at malumanay ang kaniyang boses.
“Bakit, ano ba ang palagi niyang sinasabi?” tanong ko. Nais ko rin kasing malaman kung bakit tila dismayado siyang makita ako.
“‘Magka-college ako,’” sabay-sabay na sabi ng mga bente na nakasalansan sa loob ng lata.
Literary (Submission): MC201994

0 comments: