filipino,

Literary: Sa Huli

10/30/2020 06:37:00 PM Media Center 0 Comments




Ang balat ko’y nakadikit sa matigas at malamig na aspalto. Matinding sakit at paghihirap ang tanging nararamdaman ko ngayon. Parang may nakapatong na napakabigat sa aking dibdib.

Sobrang sakit ng aking katawan lalo na ang kanang parte ng aking tiyan. Hindi ko malilimutan ang pakiramdam ng pagtarak ng matulis na kutsilyo rito, ang unti-unting pagbaon nito mula sa aking balat papunta sa aking kalamnan, napakasakit at napakahapdi.

Ramdam na ramdam ko ang init ng pag-agos ng dugo sa parteng ito. Kahit nanghihina ay dali-dali ko itong tinakpan gamit ang aking kamay, baka sakaling mabawasan man lang ang pagdurugo.

Sinusubukan kong magsalita para humingi ng tulong ngunit walang kahit anomang salita ang lumalabas sa aking bibig. Sobrang tahimik ng lugar na ‘to at ang dilim ng gabi kaya’t tila imposibleng makahingi pa ako ng tulong. Unti-unti na akong nawawalan ng pag-asa.

Gusto ko pang mabuhay, hindi ko pa pwedeng iwan ang pamilya ko, hindi ko pa natutupad ang mga pangako ko sa kanila. May mga pangarap din ako para sa aking sarili na hindi ko pa naabot. Ngayon pa ba mangyayari ‘to, kung kailan unti-unti nang natutupad ang mga pangarap ko sa buhay? Sobrang malas ko naman kung ganoon. Bente-sais anyos pa lang ako, gusto ko pang magkaroon ng sariling pamilya at bahay at lupa, pero ngayon, sa tingin ko ay imposible nang mangyari ang lahat ng ito...

“Hanggang dito na lang ba talaga?” tanong ko sa aking isipan.

Bakit ganito ang tadhana? Natutuwa ba silang paglaruan ang buhay ng tao? Isinusumpa ko ang tadhana!

Parang pelikula na naglaro ang mga alaala sa aking isipan, mula pagkabata hanggang pagtanda. Ang masasayang ngiti ng aking mga magulang at kapatid ang tumatak sa ’king isipan. Paano na sila? Naramdaman ko ang mainit na luha sa sulok ng aking mata papunta sa aking sentido, hindi ko na mapigilan ang aking sarili. Halo-halong emosyon ang aking nararamdaman, lungkot, takot, at galit.

Nalulungkot at naaawa ako sa aking sarili, bakit kailangan ko maranasan ang mga bagay na ito?

Ano ang mangyayari sa pamilyang maiiwan ko, sina Mama at Papa? Ayokong may mangyaring masama sa kanila dala ng emosyon kung hanggang dito na lang nga talaga ako. Hindi ko kayang makitang umiiyak sila Mama at Papa. Naiisip ko pa lang ay parang pinipiga na ang aking puso.

Paano na si Ana? Nangako ako sa kanyang pagtatapusin ko siya ng kolehiyo para maabot niya ang kanyang mga pangarap. Hindi na nga ako makapaghintay na maging isa siyang ganap na chef. Sabi niya pa’y magluluto siya ng masasarap na putahe na talagang ako lang ang makatitikim. Hindi ko tuloy maiwasang matawa at maiyak sa isiping ito. Matitikman ko pa kaya ang mga luto niya?

Mamamatay na ba talaga ako? Natatakot ako, ano ba ang mayroon sa kabilang buhay? Takot pa akong mamatay, hindi pa ako handa.

Gusto ko pang mabuhay, hindi ko pa sila kayang iwan. Hindi ko matanggap na ito ang tadhana ko. Sa dinami-rami ng tao sa mundo, bakit ako pa?! Ano ba ang nagawa kong mali para maranasan ang lahat ng ito? Hindi pa ba sapat na ako’y naging mabuting anak at kapatid sa aking pamilya?

Alam kong masama pero nagagalit ako sa Diyos, isa ba itong parusa? Sadya bang ginawa niyang maikli ang buhay ko?

Dala yata ng emosyon, dahan-dahang uminit ang katawan ko. Hawak ko pa rin ang saksak sa aking tagiliran, ngunit ayaw pa ring tumigil ng dugo sa pagdaloy palabas ng aking katawan at lumalaon ay lalong sumasakit at humahapdi ang aking nararamdaman. Nanghihina na ako, nauubusan na ako ng dugo, at sa tingin ko ay mawawalan na ako ng malay.

Lalong bumibigat ang aking paghinga, ngunit wala na akong nararamdaman na kahit anong sakit. Namamanhid na ako. Naramdan ko ang matinding pagtibok ng aking puso, parang gusto nitong lumabas mula sa aking katawan, at lalo akong nanghina sa aking nakita. Dugo! Umubo ako ng dugo! Napatingin na lang ako sa madilim na langit.

“Hindi ko na kaya…”

Parang kanina lang ay ang saya-saya ng pamilya namin. Kasama ko sila sa isang restawran. Dahil nakatanggap ako ng promotion sa trabaho ay naisipan ko silang i-treat. Hindi ko alam, ‘yun na pala ang magiging huling alaalang kasama ko sila. Kung hindi lang sa kamalasang holdaper ang drayber ng taxi na nasakyan ko… Hindi sana mangyayari ang lahat ng ‘to.

Unti-unti nang bumibigat ang mga talukap ng aking mga mata. Kahit gusto ko itong imulat ay hindi ko na magawa at nanlalabo na ang aking paningin.

Kahit nahihirapang makakita ay hindi ako nabigong maaninag ang isang aninong papalapit. Aninong napakaitim at hugis tao, unti-unti nitong tinatahak ang daan papunta sa akin. Alam kong masyado na akong nanghihina para makaramdam pa ng takot pero hindi ko maiwasang kilabutan.

“Si Kamatayan na yata, sinusundo na ako,” huli kong sambit sa kawalan, gamit ang natitira kong lakas.

Dama ko ang kakaunting luhang kumawala sa aking mata. Kung ito na nga ang katapusan ng aking buhay, ano pang magagawa ko?...

Sa huli, tuluyan na ngang pumikit ang aking mga mata at para akong nilamon ng antok na sa tingin ko ay hindi na ako magigising pa.

You Might Also Like

0 comments: