Eunoia,

Literary: Paglabo

10/30/2020 07:59:00 PM Media Center 0 Comments




“Ngiti na! Kuhanan lang kita, isa lang! Teka, teka okay sige... 1, 2, 3! Ayos! O, isa pa! Sige, 1, 2, teka lang may paparating, umalis ka muna. Teka, sabi ko umalis ka muna! May kotse Hann-”

-at dumilat na ang aking mga mata.

Kinabahan ka ‘no? Ako rin. ‘Yan lang naman ang huli kong narinig bago matapos ang aking panaginip. Kahit hindi ko maintindihan, parang ang tindi ‘no? Parang pelikula lang ang dating. Hindi ko maalala ang simula ng panaginip, pero ang alam ko lang, mula noong matapos ang aking kaarawan, ganyan na palagi ang eksena sa aking panaginip.

Tatlong araw na ang nakalipas mula nang ipinagdiwang ko ang aking ikalabinlimang kaarawan. Tulad ng mga karaniwang bata, pangarap kong sa Enchanted Kingdom ito ganapin. Masaya akong tinupad ng aking mga magulang ang hiling kong ito. Buong araw akong naroon kasama ang aking mga magulang at kaibigan. Nang matapos ang araw, naramdaman ko ang bilis ng kabog ng aking dibdib na tila ba sasabog sa halo-halong emosyong aking nararamdaman — saya dahil nakasama ko ang aking mga mahal sa buhay, nerbiyos dahil sa pagsakay sa mga rides at laro sa parke, at lungkot dahil kinalaunan ay natapos din ang kaarawan ko.

Tinitingnan ko ngayon ang mga litratong kinuha namin, at masaya ako dahil sariwa pa sa aking isip at damdamin ang lahat ng pangyayari. Nakita ko ang aking nag-iisang solo picture. Nakatayo ako sa gitna ng daan habang nakataas ang aking dalawang braso at bakas ang kasiyahan sa mukha. Napangiti ako.

Pinagmamasdan ko pa ang ilang litrato nang narinig kong tumunog ang aking telepono. May reminder na lumabas na mayroon akong lakad ngayon. Agad akong gumayak. Bago tuluyang lumisan, siniguro kong nakasara ang aming mga bintana at pinto dahil umalis ang aking mga magulang at walang maiiwan sa bahay. Malapit lang ang aking pupuntahan kaya hindi na rin ako nagdala ng maraming gamit. Pamaypay para sa init ng panahon at telepono lamang ang aking bitbit.

Nang makarating ako roon, nagtaka ako dahil sa labas pa lang ng aming tagpuan ay napakarami ng tao! Ang pagkakaintindi ko ay kaunti lamang kaming imbitado, ngunit hindi naman dapat ako magreklamo dahil hindi naman ako ang nagplano nito, kaya ngumiti na lamang ako at pumasok na. Pagpasok, agad kong naramdaman ang lamig ng simoy ng hangin.

“Bakit malamig, eh napakainit sa labas at siksikan pa rito sa loob?” tanong ko sa sarili.

Inikot ko ang aking paningin sa buong silid upang makita kung marami lang talagang electric fan at aircon. May kalakihan ang lugar ngunit sa dami ng tao ay nagmukha itong maliit. Inangat ko ang aking paningin, at nakitang may isang aircon sa kaliwang dingding.

“Tama ang aking hinala, pero ganoon ba kalakas ang iisang aircon na iyan para ginawin ako nang todo?” sa isip-isip ko.

Tiningnan ko naman ang mga bisita. Napansin kong halo-halo ang kanilang emosyon; may tulala, tahimik, umiiyak, nakangiti, nagtatawanan, nagdadalamhati, at galit. Hindi ko tuloy mawari kung ano ang dapat kong iasal. Masaya ba ang okasyon na ito? Malungkot? Hindi ko alam kung paano makikibagay, kaya tumayo muna ako sa tabi ng pinto at patuloy silang pinagmasdan.

Nanatili lamang ako roon dahil masikip at ayokong makipagsiksikan. Hindi ko alam kung nandito na ang aking mga kakilala dahil hindi ko matanaw ang looban ng lugar dahil sa dami ng tao, kaya naghintay na lamang akong may makakilala sa akin.

Habang nakatayo, napansin ko ang lakas ng amoy ng dalawang babae sa aking harapan.

“Napakabango nila! Naligo ba sa pabango ang mga ‘to?” puna ko pa.

Inamoy ko ang manggas ng aking damit ngunit wala akong maamoy. Hindi ako ganoong kabango, hindi rin naman umaalingasaw sa baho. Wala talagang amoy, neutral kumbaga.

Nakatalikod sila sa akin, kaya hindi nila alam na nandoon ako. Mukhang kaedad ko sila at sigurado akong nakita ko na sila noon dahil pamilyar ang itsura nila sa akin, pero binalewala ko na lang at muling tumingin sa aking paligid. Hindi nagtagal ay narinig kong sinambit ng isang babae ang aking pangalan. Hindi ko naman ugali ang makinig ng usapan ng iba, ngunit dahil alam kong pangalan ko ang nabanggit, bahagya akong lumapit at pinakinggan ang kanilang pinag-uusapan.

“Napakabata pa niya, ano? Sayang naman,” wika nung isa.

“Anong napakabata? Magkaedad lang naman kami, kung makapagsalita siya parang ang layo ng agwat ng edad namin,” bulong ko sa aking sarili.

Tinuloy ko ang pakikinig.

“Oo, sa isang iglap lang, nawala na lahat,” sagot sa kaniya ng kausap niya

Anong nawala? Nakapagtataka na pinagsasasabi nila iyon tungkol sa akin, kaya umatras ako upang makapag-isip. Naramdaman ko ang pagkunot ng aking noo habang pilit na nag-iisip ng sagot sa aking mga katanungan. Ano ‘yun? Bakit ganoon?

Tuluyang sumimangot ang aking mga labi nang makarinig ako ng malakas na pag-iyak ng isa sa mga tao sa harapan. Pakiramdam ko ay inistorbo ng pag-iyak na iyon ang aking pag-iisip, ngunit nangibabaw ang aking pagtataka, kaya sinubukan kong dungawin ang pinanggalingan ng tunog ng pag-iyak, at napagtanto kong sa bandang harapan ito ng silid. Nahaharangan sila ng maraming tao, kaya nakipagsiksikan na ako. Nagkaroon na ng maliit na espasyo sa harapan kaya naging madali rin naman ang pagdaan.

Pagpunta ko sa harapan, nakita ko ang isa sa aking kaibigan! Siya pala ang umiiyak! Lalapitan ko na sana, ngunit may lalaki nang nagpapatahan sa kanya na nakaupo sa kanyang tabi. Tinawag ko na lamang ang pangalan niya nang malumanay, ngunit hindi niya pa rin ako narinig, kaya sinubukan ko na lalong makalapit.

“Hanna… bakit…” narinig kong sambit niya sa aking pangalan habang nakasandal sa balikat ng lalaking nagpapatahan sa kaniya.

“Huy! Nandito na ako. Anong bakit?” kalabit ko sa kanya, ngunit mas nangibabaw ang lakas ng kanyang pag-iyak at hindi niya na ako napansin.

“B-Bakit mo kami iniwan, Hanna…. M-Masaya naman tayo noong kaarawan mo diba?” sabi niya.

“Oo naman! Huwag ka na umiyak, nandito na ako,” sagot ko. Nanghihina akong makita ang aking kaibigan na umiiyak, ngunit hindi niya ako sinasagot kaya labis pa rin ang aking pagtataka.

Nang lumakas ang kanyang paghikbi, nakita kong may pilit sumisingit sa dami ng mga tao upang makapunta sa amin. Nang makarating ang taong iyon sa harap, napagtanto kong ang aking ina pala iyon! Dali-dali siyang lumapit sa aking kaibigan at pinakalma siya.

“Gano’n talaga, anak… Wala tayong magagawa, ‘yan ang itinadhana para sa kanya…” aniya habang naluluhang niyakap ang aking kaibigan.

Narinig kong humingi ng patawad ang aking kaibigan sa aking ina tungkol sa kaarawan ko. Tila ba nagsisisi siya na ipinagdiwang pa namin iyon. Aniya, kung hindi raw kami pumunta ng EK, hindi mangyayari ito. Hindi raw ako masasagasaan at kumpleto raw sana kaming uuwi sa kani-kaniyang tahanan.

Hindi ko man labis na maintindihan kung ano talaga ang nangyari, hindi ko na napigilan ang pagbagsak ng aking mga luha. Pinasadahan ko ng tingin ang aking paligid, umaasang makakuha ng sagot sa labis na pagkalito, nang makita ko ang karatula sa haparan.

“In Loving Memory of Hanna..”

Nabagsak ko ang aking pamaypay at telepono at nanlamig ang aking balat. Hindi ko na naituloy ang pagbabasa ng buong karatula. Ano ito? Bakit mayroon akong sariling karatula? Burol ba itong pinuntahan ko? Burol ko? Bumigat ang aking dibdib na para bang may nakadiin dito at nanginig ang aking katawan.

Bahagya akong lumapit sa kahong nasa ibaba ng karatula. Sa bawat hakbang, unti-unting lumabo’t nawala ang hulma ng aking katawan; mula paa hanggang hita, hita hanggang kamay, at kamay hanggang braso. Sa wakas ay tila naliwanagan na ako habang papalapit sa kahon. Ngunit nang maaninag ko ang mukha sa loob, naramdaman kong lumabo naman ang akin, hanggang sa tuluyan na akong nawala.

You Might Also Like

0 comments: