filipino,
Sa gitna ng nararanasang pandemya, hindi naging hadlang ang sitwasyong ito upang ibaba ng Departamento ng Edukasyon ang abiso ng pagsisimula ng klase nitong ika-5 ng Oktubre 2020. Ngunit sa pagbubukas nito, maraming mga mag-aaral at mga magulang ang nag-aalala kung paano sila makasusunod sa tinatawag na Distance Learning na inilunsad ng ahensya.
Opinion: Pag-aaral sa Gitna ng Pandemya
Photo Credit: Yel Brusola
Sa gitna ng nararanasang pandemya, hindi naging hadlang ang sitwasyong ito upang ibaba ng Departamento ng Edukasyon ang abiso ng pagsisimula ng klase nitong ika-5 ng Oktubre 2020. Ngunit sa pagbubukas nito, maraming mga mag-aaral at mga magulang ang nag-aalala kung paano sila makasusunod sa tinatawag na Distance Learning na inilunsad ng ahensya.
Ang Distance Learning ay ang pamamaraan ng pagtuturo kung saan mayroon pa ring nagaganap na interaksyon sa pagitan ng guro at mga mag-aaral na magkalayo ang lokasyon mula sa isa’t isa. Ito ay may apat na uri: ang modular, online, home schooling at blended. Ang modular na pamamaraan ng pag-aaral ay ang pagbibigay ng guro ng mga nakalimbag na materyales na naglalaman ng mga aralin, pagsasanay, o pagsusulit. Ang pamamaraang online ay ang pagtuturo o ang pagbibigay ng mga gabay sa pag-aaral sa pamamagitan ng paggamit ng internet. Sa home schooling naman, ang mga magulang ang nagsisilbing guro o kaya ay isang hired tutor. Panghuli, sa blended learning, maaari itong maging kombinasyon ng minsanang face-to-face classes, digital (offline modular), online (synchronous at asynchronous), at home-based learning (offline modular, Educational TV and radio at printed modules).
Nakiisa rin ang University of the Philippines Integrated School (UPIS) sa implementasyon ng Distance Learning para sa kasalukuyang akademikong taon. Dito ay may tinatawag na synchronous at asynchronous classes.
Ang synchronous classes ay paminsan-minsan lamang na isinasagawa, kung saan ang guro ay nakikipagkita sa kanyang mga mag-aaral sa pamamagitan ng mga online meeting platforms. Kasama rin dito ang pagkakaroon ng recorded meetings sa bawat klase upang maaari pa ring balikan ng mga mag-aaral ang naging talakayan kahit na wala itong maayos na koneksyon sa internet. Sa katunayan, malaki ang naitutulong nito lalo na at madalas ding nagiging problema ng mga mag-aaral ang pumapalyang internet connection.
Samantala, sa asynchronous classes nagaganap ang tinatawag na self-paced learning. Ito ay kung saan manonood ang mga mag-aaral ng mga lecture videos o magbabasa ng mga modyul na nai-post ng kanyang guro sa isang online class platform at pagkatapos ay sasagutin niya ang mga pagsasanay na naihanda para rito.
Kung ating susuriin, marami ngang opsyon ang mga mag-aaral pagdating sa Distance Learning. Ngunit sa kabilang banda, hindi pa rin ito garantiya na makasusunod ang lahat sa kanila.
Ang isa sa mga dahilan ay ang kawalan ng maayos na kagamitan para sa online classes. Ayon sa datos ng DepEd, mahigit 24.5 milyon lamang ng mga mag-aaral ang nakapasok sa elementarya at hayskul ngayong akademikong taong 2020-2021. Mas mababa ito ng labindalawang porsyento (12%) kumpara sa nakaraang taon. Sa isang survey ng “Save The Children International”, kawalan ng kagamitan para sa Distance Learning ang pangunahing dahilan kung bakit tinatayang nasa sampung milyong bata sa buong mundo ang hindi mag-aaral ngayong taon.
Bilang karagdagan, hindi lamang ang mga mag-aaral ang apektado ng umiiral na sitwasyon kundi maging ang mga guro. Ayon pa sa DepEd, bagaman mahigit 87 porsyento ng kanilang mga guro ang may sariling laptop o desktop sa bahay, hindi naman isinama sa datos kung ilan sa kanila ang may maayos na koneksyon ng internet, up-to-date na software, at kung ilan sa mga kompyuter na ito ang gumagana pa. Sang-ayon kay Max Montero, pinuno ng Alliance of Concerned Teachers sa Western Visayas sa isang panayam ng Philippine Daily Inquirer, karamihan daw sa mga kompyuter na ito ay kailangan na ng update sa technological features. “Many of these computers that were acquired through loans are outdated,” sabi niya.
Ang ikalawang suliranin ay ang kawalan ng maayos na koneksyon ng internet. Kilala ang Pilipinas bilang isa sa mga bansang may pinakamabagal na internet speed sa buong mundo. Ayon sa Speedtest Global Index, ang Pilipinas ay may mobile internet download speed na 15.06 megabits per second. Ito ay mas mababa sa global average na 26.12 Mbps.
Bilang tugon sa mga nabanggit na suliranin, nagdagdag ng mga poste ng signal ang mga Telco Companies upang mas mapalawak at mapabilis ang internet connection sa Pilipinas. Kung susumahin pa ang sitwasyon, mas mainam din kung papayagan ang mga paaralang nasa lalawigang walang internet connection pero wala rin namang kaso ng COVID-19 na magdaos ng face-to-face classes. Ito ay upang hindi na kakailanganin pang sumagap palagi ng internet connection ang mga mag-aaral at mga guro o bumili ng gadyet. Ngunit kung may sapat na pondo ang lokal na pamahalaan, maaari itong bumili ng mga gadyet na maipahihiram sa mga mag-aaral at mga guro, gayundin ay matugunan ang pangangailangan para sa libreng wifi.
Ang ikatlong usapin ay ang financial stability ng mga guro at mga magulang. Ngayong panahon ng pandemya, mahigit 4.6 milyong mga Pilipino ang nawalan ng trabaho. Saan sila kukuha ng salaping ipambibili ng mga load, gadyet o kaya printer? Hindi ba’t mas uunahin nila ang pangunahing pangangailangan ng pamilya tulad ng gamot at pagkain? Sa darating na 2021 National Budget, inaasahang makakukuha ng 606.5 bilyong piso ang DepEd. Panawagan ng Alliance of Concerned Teachers, mas mabuti raw kung maglalaan pa ng mas malaking badyet para sa edukasyon lalo na’t nasa online learning mode ang karamihan sa mga paaralan. Dagdag pa rito, nais din ng grupo na sagutin ng gobyerno ang mga posibleng magiging gastusin para sa mga COVID-19 tests at pagpapagamot, pati na ang kanilang sick leave. Iminumungkahi rin nila ang pagkakaroon ng 1,500 pisong allowance para sa mga mag-aaral na walang kakayahan na bumili ng gadyet at load.
Kinakailangan talagang maglaan ng sapat na pondo para sa mga inaasahang pagkakagastusan ng mga guro, lalo na sa panahon ng pandemya kung saan ay may malaking posibilidad na mahawaan sila ng peligrosong sakit. Ang pagbibigay ng tulong-pinansyal ay malaking bagay para sa kanila sapagkat karapatan din nila bilang mga manggagawa at frontliner na magkaroon ng proteksyon sa pampinansyal na aspeto lalo na’t sila ang pangunahing katuwang ng mga magulang na pumapanday sa karunungan ng mga mag-aaral.
Maraming problema ang kinahaharap ng ating mga guro at mga mag-aaral ngayong panahon ng pandemya na karamihan ay nag-uugat sa mga pampinansyal na aspeto. Gayunpaman, hindi sana ito magiging hadlang kung paiiralin ang pagtutulungan at paiiralin ang pag-unawa sa kalagayan ng bawat isa. Higit sa lahat, dapat ay sadyang ilaan ng pamahalaan ang nararapat at makatuwirang pondong pang-edukasyon at isaalang-alang mabuti ang kasalukuyang sistemang nararanasan ng mga paaralan sa ating bansa. //ni Kathleen Cortez
0 comments: