feature,
Feature: Amazing Life Cycle dahil kay Bicycle
‘Di man lahat ay marunong gumamit ng bisikleta, tiyak na alam ng lahat kung ano ito. Ang mga gumamit at gumagamit nito ay siguradong may mga alaalang naikakabit dito. Malamang ay naranasan na nilang sumemplang sa kalsada, makipagkarera kasama ang mga kaibigan, at syempre hindi mawawala ang maflat-an ng gulong at masiraan ng kadena.
Nitong Marso, inilagay ang bansa sa ilalim ng Community Quarantine dahil sa patuloy na pagtaas ng mga nagpopositibo sa COVID-19. Labis na naapektuhan ang lahat kabilang na ang mga sumasakay sa mga pampublikong transportasyon upang makapagtrabaho at kumita para sa kanilang araw-araw na gastusin. Dagdag pasakit din sa kanila bukod sa mabagal na daloy ng trapiko, ay ang mahigpit na patakaran ukol sa social distancing sa mga terminal ng pampublikong sasakyan. Sa kadahilanang ito, biglang nabaling ang interes ng masa sa paggamit ng mga bisikleta bilang solusyon sa komplikadong sistema ng transportasyon. Liban sa tulong nito bilang isang paraan ng transportasyon, nagdadala rin ito ng mga karagdagang benepisyo.
Save the pamasahe, “add to cart” muna mga mare’t pare!
Sa una talaga’y may kabigatan sa bulsa ang pagbili ng bisikleta. Ngunit kung ito ay aalagaan nang mabuti, tiyak na mas matipid ito kumpara sa araw-araw na gastos sa mga pampublikong sasakyan. Dahil dito, maaari pang ilaan ang naitabing pera para sa pagkain at gastusin sa araw-araw o pwede ring ipang-online shopping upang makabawi rin minsan sa pangarap mong mag-add to cart.
Buti pa ang bike, pinahahalagahan ang oras mo? Bakit siya, hindi?
Mapapa-”susmaryosep” ka na lang talaga sa lagay ng trapiko dito sa bansa. Mabagal, matagal, at maingay ang nakasanayan natin. Nakasusulasok na nga ‘di ba? Tapos ngayong pandemya ay umiiral ang social distancing, mas lalo nang naapektuhan ang transportation system kahit una pa lang ay palpak na ito. Sa unang tingin, parang “insult to injury” ang pagpapatupad ng social distancing sa mga pampublikong sasakyan. Pero sa sitwasyon natin ngayon, mas mabuti na ito kaysa tayo’y magkahawahan. Kapag hindi mo naman maiwasang mayamot, uminit ang ulo dahil dito, pwede kang kumalma at magpalamig muna sa pagbibisikleta. Para sa medyo malalayong lugar, kasangga mo ang gulong, kadena at pagbabalanse rito. Madaling makasisingit sa mga masisikip na daan. Mabuti na rin na ika’y umaarangkada’t pumapadyak papuntang trabaho kaysa naghihintay ng himalang makaalis agad sa pila. Maganda pa rito’y ang bike lane ay isa sa mga magiging sandalan mo sa buhay dahil mas mababa ang tiyansang mahagip ka ng mga humaharurot na sasakyan.
Na-save na ang wealth, panalo pa sa health.
Dagdag pa sa pagpapalakas nito ng ating kalamnan sa pamamagitan ng pagpadyak, binabawasan din nito ang stress na ating nararanasan. Matagal nang ginagamit ng marami ang bisikleta bilang kagamitan para sa pag-eehersisyo. Kadalasan, ang quads, glutes, calves, at hamstrings ang “target” ng pagbibisikleta. Pinagaganda rin nito ang ating postura. Bukod sa pisikal na aspeto, nakatutulong din ito sa kalusugang mental ng isang tao.
Sa pagtuon ng ating pokus sa ating dinaraanan, nababaling ang ating atensyon palayo mula sa mga bagay na nagdudulot ng stress sa atin. Iilan lamang ito sa mga dulot pangkalusugan ng pagbibisikleta na kailangang-kailangan ng karamihan sa ngayon.
Mother Earth-friendly… This is a guarantee!
Nakakairita talaga ang usok at busina ng mga sasakyan na pawang mga polusyon sa kapaligiran. Pero kapag gumamit ka ng bike... “Kling-kling!” - satisfying na nga ang tunog ng bell, nakatutulong ka pa sa kalikasan dahil wala itong CO2 emisison na maaring makasama lang sa ating ozone layer.
O, sa mga dahilan pa ba na ‘yan ‘di mo pa susubukang tingnan ang bisikleta bilang esensyal na gamit, lalo na ngayong pandemic? Marami ng benepisyo sa'yo, malaking tulong pa sa paligid mo. Simulan mo nang gamitin ang mga hita at paang ‘yan. Halina’t pumadyak-padyak patungo sa amazing life cycle with bicycle. //ni Gabby Arevalo
0 comments: