Chanel No. 5,
Inspired by Haunting of the Bly Manor
Literary: Agos
Sa tapat ng aming mumunting tahanan, may isang lawa at isang babae. Nagwawalis siya sa gilid habang hinuhuni ang himig na inaawit dati ng kanyang ina. Tumigil siyang saglit, tumingin sa langit, bumuntong-hininga. Kasinliwanag ng kanyang mukha ang umaga. Kumikinang ang kanyang mga mata sa ilalim ng sinag ng araw. Nakaputing bestidang pinalamutian ng perlas na kuwintas sa leeg.
Luntian, dilaw, pula, mga kulay ng mga dahong winawalis niya, mula sa mga punong mayayabong sa paligid ng lawang may malinis at malinaw na tubig.
Pagkatapos magwalis ay didiretso sa kusina. Magluluto, ibubuhos ang buong puso sa palayok. Sasalubungin siya ng kanyang irog, may dalang rosas na mga bulaklak. Ngingiti, titingin sa mga paa, sinusubukang itago ang nagkulay-rosas niyang mga pisngi. Babalik sa kalan at ihahain sa kanyang kasintahan ang putaheng kanyang pinaghandaan.
Sa aming tahanan, sumilip ako sa bintana, at natagpuan ko sila. Nagtatampisaw sa lawa, nagbabasaan, nagtatawanan, na parang walang ibang nakakakita sa kanila. Maya-maya'y tumigil sila, at natagpuan ko sila, nagsasayaw. Hawak ng ginoo ang kamay ng binibini, hinalikan bago ipatong sa kanyang dibdib. Sabay silang umiindayog, sumasabay, sa ritmo ng kantang hinuhuni ng binibini.
Sa aming tahanan, sumilip ako sa bintana, at doon ko nakita. Dalawang taong nababalot ng pagmamahal, at ligaya, dalawang taong walang kinatatakutan.
Sa tapat ng aming mumunting tahanan, may isang lawa. Maganda ang sinag ng araw, nagbibigay liwanag, nagbibigay pag-asa. Sa gilid ako nagwawalis, ng mga dahong nalaglag galing sa mayayabong na puno. Hinuhuni ang awit na hinuhuni rin ni Nanay. Titingin sa langit, bubuntong-hininga.
Paglipas ng oras, pagtirik ng araw, tanghalian na. Papasok siya sa kusina, dala-dala ang pumpon ng mga rosas na bulaklak na paniguradong pinag-ipunan niya. Ngingiti, titingin sa mga paa, sinusubukang itago ang nagkulay-rosas kong mga pisngi. Babalik sa kalan, mas lalawak ang ngiti sa aking pagtalikod, at saka ihahain ang putaheng kanina ko pa pinaghandaan.
Sa lawa, doon kami nangingisda, maya-maya, hindi ko namalayang unti-unti na niya ako binabasa. Sinubukang sumalok ng tubig at ibinato ito sa kanya, hanggang sa tuluyan na kaming nagtampisaw, sa mainit-init na tubig ng lawa.
Inabot niya ang aking kamay, marahang hinalikan, at inilagay sa kanyang dibdib. Tumingin sa kanyang mga mata, tila ba nalulunod ako. Bumuntong-hininga. Wala na akong hihilingin pa. Ngumiti ako sa kabila ng luhang nagbabadya, humuni ako upang pigilan ang luha, at dahan-dahan niya akong inianod, sa ritmo ng kanta.
May isang babae sa lawa. Sa pag-aagaw at paghahabulan, ng araw at buwan, liwanag at dilim, dapit-hapon. Naroon siyang nakatayo.
Sa tapat ng aming mumunting tahanan, may isang lawa at isang babae. Tumititig sa langit, pinupunasan ang luha. Bumuntong-hininga. Pumasok sa bahay, dumiretso sa silid, at sinalubong ng namumugto niyang mga mata, ang mga pagod na mata ng irog niyang nakahiga, maputla, at nangangayayat na.
Sinubuan ng sopas, hawak na ang kutsara, nginitian siya ng kanyang irog, ngumiti rin siya sa kabila ng luhang nagbabadya. Gamit ang buo niyang lakas, tumayo ang binata, inabot ang parehong kamay ng binibini. Mahigpit itong hinawakan, matagal itong hinalikan. Pumikit ang babae, hindi na napigilan ang luha. Inilagay niya ang kanyang kamay sa dibdib ng kanyang irog, sa kabila ng luha, humuni siya, at sabay silang nawala, sa tunog, sabay nawala, sa ritmo ng kanta.
Sa aming mumunting tahanan, doon ko nakita. Dalawang taong nababalot ng pagmamahal, sa kabila ng lungkot, dilim, at sakit. Dalawang taong walang kinatatakutan, kundi ang mawalay sa isa’t isa.
Sa tapat ng aming mumunting tahanan, sa tapat ng lawa, nakatitig ako sa kalangitan. Nag-aagawan ang araw at buwan, liwanag at dilim. Pinunasan ko ang aking luha, kung pwede lamang sana akong humiling.
Dumiretso sa kwarto, sinalubong ng namumugto kong mga mata, ang mga pagod na mata ng irog kong nakahiga, maputla, at nangangayayat na. Sinubuan ng sopas, hawak na ang kutsara, nginitian niya ako, nginitian ko siya sa kabila ng luhang nagbabadya.
Gamit ang buo niyang lakas, tumayo siya. Inabot niya ang pareho kong kamay. Mahigpit itong hinawakan, matagal itong hinalikan. Pumikit ako, hindi na napigilan ang luha. Inilagay ko ang aking mga kamay sa dibdib ng aking irog. Itinikom ko ang aking bibig, pinigilan ang hikbi. Sa kabila ng luha, humuni ako, hinuni ang awit na hinuhuni rin ni Nanay, bago siya sumakabilang-buhay.
Dahan-dahan niya akong isinayaw, at sa huling pagkakataon, gamit ang buo niyang lakas, sabay kaming pumikit, sabay kaming nagpadala, nagpaanod, sa ritmo ng kanta.
May isang babae sa lawa. Sa paglamon ng gabi sa araw, at sa pagpalit ng dilim sa liwanag, naroon siya nakatayo.
Sa tapat ng aming mumunting tahanan, may isang lawa at babaeng mag-isa. Tumakbo siya papalapit sa tubig, sumigaw. Sumigaw sa tubig, sinigawan ang langit. Puno ng sakit, luksa, luha. Lumuhod sa malamig na tubig, sa lawang nangingitim sa gitna ng mga punong naglalagas. Sumigaw muli. Umiyak. Nang umiyak. Nang umiyak. Hanggang naubusan ng boses, naubusan ng luha.
Sa tapat ng aming mumunting tahanan, sa pagsilip ko sa bintana, doon ko nakita. Naroon pa rin siya, ang babaeng mag-isa. Isang babaeng malungkot, isang babaeng nagluluksa. Isang babaeng wala nang kinakatakutan, kahit pa kamatayan.
Ihiniga ko na siya, pagkatapos niya akong isayaw. Tinitigan niya ako, buong puso, ngumiti siya. Hinawakan ang aking kamay at bumulong ng “Mahal kita”.
Kinumutan ko siya sa kanyang pagtulog, hawak ko pa rin ang kamay niya, humagulgol. Umiyak. Nang umiyak. Nang umiyak.
Tumakbo ako papalabas ng aming mumunting bahay. Dumiretso sa lawa. Sumigaw. Sa tubig, sa langit. Isinisi sa kalangitan ang lahat-lahat nang binawi niya sa akin. Lumuhod ako sa tubig, humagulgol. Hinayaang dalhin, anurin ng tubig ang aking sakit, luha, at pagluluksa.
May isang babae sa lawa. Tuluyan nang nilamon ng gabi ang araw, wala nang liwanag, natira ang kadiliman. At sa gitna ng dilim at lungkot ng gabi, naroon siyang nakaupo.
Malalim na ang gabi, walang makikita kundi ang repleksyon ng buwan sa tubig kung saan nakaupo ang binibining nakaitim na bestidang pinalamutian ng perlas na kuwintas sa leeg. Hinayaan niyang mabasa ang kanyang suot, ang kanyang sarili.
Naubusan na ng dahon ang mga puno. Isang malaking kahoy na lamang na may sanga, nakaugat sa lupa. Lahat ng daho’y nalaglag na. Umitim na ang tubig lawa, tila tinanggap ang dilim sa loob ng binibini. Lahat ay nagbago, ngunit naroon siya’t nakaupo, nagpapaanod, humuhuni.
Napakapit ako sa bintana. Walang ibang nasa isip kundi ang takot para sa babaeng nakikita.
Malalim na ang gabi, walang makikita kundi ang repleksyon ng buwan sa tubig kung saan ako nakaupo. Nakaitim na bestidang galing pa sa libing, pinalamutian ng perlas na kuwintas sa leeg na bigay niya pa sa akin. Hinayaan kong mabasa ang aking suot, ang aking sarili.
Naubusan na ng dahon ang mga puno. Isang malaking kahoy na lamang na may sanga, nakaugat sa lupa. Lahat ng daho’y nalaglag na. Umitim na ang tubig lawa, tila tinanggap ang dilim ng kalooban ko. Lahat ay nagbago, ngunit narito ako nakaupo, nagpapaanod, humuhuni.
Walang ibang nasa isip kundi ang tangi kong kinakatakutan. Kaya kong magpatalo kay Kamatayan, ngunit hindi ko kayang makipaglaro kay Pighati. At lubos na mas maliwanag ang lumisan, kaysa sa walang katapusang pagluluksa, paghihinagpis, at pagdadalamhati.
Tumayo ako. Isang babaeng ubos at walang laman kundi lungkot at sakit.
Mula sa lawa, sinilip ko ang bintana kung saan ako laging sumisilip, mula pagkabata.
Mula sa lawa, sinilip ko ang bintana kung saan ako laging sumisilip, mula pagkabata.
Mula sa lawa, sinilip ko ang bintana kung saan ako laging sumisilip, mula pagkabata.
Tila naalala ko bigla, ang batang ako. Ang batang akong sumisilip sa bintana, wala pang alam, ngunit may nakikita.
Humuhuni pa rin, dahan-dahan akong naglakad, palalim nang palalim sa tubig, sa lawa.
Sinilip ko ulit ang bintana, naroon pa rin ako.
At nang niyakap ng tubig ang aking katawan
Sabay kaming nagpadala.
Sabay kaming nagpaanod.
At dahan-dahan kaming nawala.
0 comments: