filipino,

Literary: Itulak ang Pinto

10/30/2020 07:10:00 PM Media Center 0 Comments




Itinulak papasok ang pinto
Ng dating masiglang club na pang-disco
Na ngayo’y pintuan ng isang kainan
Iba na sa aking natatandaan
Subalit hindi pa rin malilimutan
Ang bangungot nitong iniwan

Dati’y pagsapit ng kadiliman
Ang mga tao’y naghihiyawan
Sila’y nagsisipagsayawan
Hanggang may apoy na bumalot
At mga ngiti’y pinalitan ng takot

Nagkagulo, nagkandarapa
Nagsigawan, nagtakbuhan
Mga tao’y hinarangan
Ng pintuang mala-pader na hindi mabuksan

Kumpol-kumpol ang mga posporo
At isa-isang nasunog hanggang maging abo
May ilang nakatakas bago magka-gulohan
Subalit hindi nakaligtas ang karamihan
Nang sila’y sugpuin ng kapit ni kamatayan


Ngayon tila nagbabalik ang alaala ng nakaraan
Habang nakatayo ako sa dating pinaroroonan
Sana’y akin nang kalimutan
Para itong bangungot ay aking maiwanan


Nang maitulak ang harang sa pintuan
Sumapit ng kadiliman
Tila hindi pa rin nawawala
Ang presensya ng mga kaluluwa

Kung sa umaga’y walang ingay
Sa gabi’y nagbabalik buhay
Umaalingawngaw ang damdamin
Ng mga aninong binubulong ang huling sigaw
Itulak ang pinto
Itulak ang pinto
Itulak ang pinto

You Might Also Like

0 comments: