Eloisa Dufourt,
Ang lifestyle check ay isang gampanin ng mga nasa Office of the Ombudsman kung saan sinusuri nila ang mga Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN). Ito ay isang pampublikong dokumento kung saan nakalista ang mga ari-arian at kabuuang salapi na natatanggap ng isang opisyal ng gobyerno. Kanila itong sinusuri upang matiyak na ang mga pampublikong opisyal ay nakasusunod sa batas.
Opinion: Pagtigil sa Lifestyle Check?
Photo Credits: Yel Brusola
Ang lifestyle check ay isang gampanin ng mga nasa Office of the Ombudsman kung saan sinusuri nila ang mga Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN). Ito ay isang pampublikong dokumento kung saan nakalista ang mga ari-arian at kabuuang salapi na natatanggap ng isang opisyal ng gobyerno. Kanila itong sinusuri upang matiyak na ang mga pampublikong opisyal ay nakasusunod sa batas.
Ayon sa panayam ni Ombudsman Justice Samuel Marites sa Rappler noong Setyembre 22, ipinatigil na raw niya ang pagsasagawa ng lifestyle check sa simula pa lamang ng kanyang termino noong 2018. Ito ay dahil hindi naman daw mapatutunayan ng lifestyle check kung nangungurakot ba ang isang opisyal o hindi.
“There is a government employee who earns about 50,000 a month who lives in a very small house who eats twice a day or tries to save his money so that he can buy his dream car. So now, nakapag-ipon na itong empleyadong ito, tamang-tama, mayroong sale, either ‘yung BMW na siyang kaniyang pangarap na sasakyan. So nagkaroon ng sale, may promo, zero interest, low down payment. Tamang-tama nakapag-down siya sa BMW, kayang-kaya niyang bilhin o hulugan buwan-buwan. Masasabi ba nating he’s living beyond his means? I don’t think so. Probably he must have distorted values, he must have distorted priorities. So, sino tayo para sabihin na 'bakit ‘yan, ang mga bags ay Louis Vuitton?' So ano ho ang pakielam natin sa buhay ng may buhay kung hindi naman siya nagnanakaw?” Iyan ang pahayag ni Ombudsman Marites na naiulat ng 24 Oras noong Setyembre 22.
Ang pagsasagawa ng lifestyle check ay isang mahalagang gampanin na hindi dapat itinigil. Mayroon itong malaking papel para sa mga pampublikong opisyal dahil ito ang magiging sukatan kung sila ba ay sumusunod sa batas na makikita sa ating Konstitusyon, sa Artikulo XI, Seksyon 17:
"SEK. 17. Ang isang pinuno o kawaning pambayan, sa pag-upo niya sa tungkulin at sa limit ng panahong maaaring itadhana ng batas, ay dapat magsumite ng pinanumpaang deklarasyon ng kanyang mga ari-arian, pananagutan at netong kabuuan ng ari-arian. Sa kalagayan ng Pangulo, Pangalawang Pangulo, mga Kagawad ng Gabinete, ng Kongreso, ng Kataas-taasang Hukuman, ng mga Komisyong Konstitusyonal at ng iba pang katungkulang Konstitusyonal, at mga pinuno ng Sandatahang Lakas na may ranggong heneral o pamandila, ang deklarasyon ay dapat isiwalat sa madla sa paraang itinatadhana ng batas."
Bukod pa rito, makikita sa parehong artikulo sa Seksyon 1, ang isa sa mga pangunahing layunin ng SALN. Ito ay ipaaalam sa mga mamamayan kung anong uri ng pamumuhay mayroon ang mga opisyal sapagkat pinagkakatiwalaan natin sila ng ating salapi at ng isang mahalagang gampanin — ang paglingkuran ang bayang pinamumunuan nila.
"SEKSYON 1. Ang pagtitiwala ng bayan ay angkin ng katungkulang pambayan. Ang mga pinuno at mga kawaning pambayan ay kinakailangang mamalaging nananagutan sa mga taong-bayan, maglingkod sa kanila na taglay ang pinakamataas na pakundangan, dangal, katapatan, at kahusayan, manuparan na taglay ang pagkamakabayan at katarungan, at mamuhay nang buong kapakumbabaan."
Sa artikulo ring ito ng Konstitusyon nag-ugat ang RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, kung saan nakasaad na ang mga pampublikong opisyal ay dapat mamuhay nang simple lamang. Ito ay ang pag-angkop ng kanilang sinusuweldo sa kanilang ginagastos at hindi dapat magpakalabis sa luho.
Mababalikang sinabi ni Ombudsman Martires na may isang empleyado ng gobyerno na bumili ng BMW na kotse o kaya ay nagmamay-ari ng maraming Louis Vuitton na bag, malayo sa pagiging simple ang ganitong uri ng pamumuhay. Sadyang kilala ang mga produktong ito bilang luho dahil sa presyo ng mga ito. Kung isasaalang-alang pa ang kanilang suweldong Php 50,000.00, hindi ba’t talagang namumuhay sila nang labis sa kanilang makakaya? Dagdag pa rito ang kanyang panayam mula sa Rappler na hindi naman daw mapatutunayan sa lifestyle check kung nangungurakot ba ang isang opisyal o hindi. Kung babalikan ang mga nasa batas, napakalaki nang maitutulong nito upang maiwasan ang pangungurakot. Ang pagsasagawa ng lifestyle check ang titiyak na ang mga opisyal ay namumuhay nang tapat at ganap na naglilingkod sa bayan.
Karagdagan pa rito, napatunayan na ng SALN ang kapangyarihan nitong magpatanggal ng opisyal sa kaniyang kinalalagyang posisyon. Halimbawa ay ang impeachment ng dating pangulo na si Joseph Estrada. Naging ebidensya laban sa kanya ang mismong SALN niya dahil sa misdeclaration o maling pagpapahayag nito. Ang isa pang halimbawa ay ang impeachment din ng dating Supreme Court Chief Justice na si Renato Corona kung saan hindi natagpuan sa kaniyang SALN ang ilan sa kanyang mga ari-arian.
Malinaw na hindi dapat itinigil ng Ombudsman ang kanilang tungkulin na suriin ang mga SALN. Ang SALN ay makatutulong upang masusing makita ng mga mamamayan kung karapat-dapat at mapagkakatiwalaan ba sa tuwid na pamumuno ang mga nakaupo at ang iboboto natin sa gobyerno.
Sa huli, dapat magpatuloy lamang sa pagsasagawa ng lifestyle check ang Ombudsman, sapagkat una, ang pagtigil nito ay labag sa batas ng ating bansa. Pangalawa, nakatutulong ang SALN sa pagsusuri ng mga nasa gobyerno at ito ay nagsisilbing malakas na ebidensiya sa kanilang pamumuhay. Kung sa kabila ng napatunayang kapangyarihan ng lifestyle check sa panghuhuli ng mga tiwaling opisyal ay ayaw pa rin itong ituloy ni Ombudsman Martires, dapat na siguro nating itanong kung bakit ayaw niya itong gawin. Hindi kailanman mapagtatakpan ang napakalaking gampanin ng lifestyle check sa ating panahon hanggang sa susunod pang mga henerasyon ng mga mamumuno sa ating bansa. //ni Eloisa Dufourt
0 comments: