filipino,

Literary: BL

10/30/2020 06:05:00 PM Media Center 0 Comments




Ang hirap na ayaw mong kilalanin ang iyong sarili.

Ang hirap kapag alam mo sa iyong sarili na iba ka,

ngunit dahil gusto mong maging “normal” ay hindi pwede.

Dahil sa mga bagay na ‘di ko makontrol, ako ay palipat-lipat ng tahanan.

Sa dami ng aking napuntahan ay ‘di ko na alam kung saan ako nanggaling.

‘Di ko ginugusto ngunit kailangan,

Ako ay isang binatang ligaw.

Bakit ba ako nabubuhay sa sumpang ito?

At bakit kailangan ko pang mahulog sa isang tulad mo?

Nagbago ang lahat noong ika’y magpakilala sa akin.

“Ako nga pala si Claudio, ikaw?”

“Aquilino.”

“Ikinagagalak kong makilala ka Aquilino.”

Nang makilala kita ay tumibok ang puso ko nang napakabilis.

Simula noon, isip ko’y ikaw ang laman,

sa agahan, tanghalian, at hapunan.

Araw-araw ay nagkikita tayo,

at tuwing nangyayari iyon, sumasaya ako,

at kitang-kita ko na sumasaya ka rin.

habang tumatagal, ika'y mas napapalapit sa akin.

Mas lumalambot ating mga hawak at kapit,

At dumarami ang mga ‘di natin maiwasang matatamis na titig.

‘Di naglaon ay tinanong ko sa aking sarili.

***

Ano ang nangyayari?

Hindi kaya’y nahuhulog na sa kanya?

Hindi maaari, hindi pwede.

Layuan mo na siya.

***


Pakiramdam ko’y nag-aaway ang aking isip at puso,

dahil ‘pag itinuloy natin ito’y delikado

ang aking kasiyahang pansarili,

o ang ating ikabubuti?

Ang binatang ligaw

ay naging binatang lito.

At isang araw, sinubukan kitang iwasan,

Ngunit ‘di ko nagawang tiisin ka,

Tinutulak ako ng aking puso sa iyo,

At ako naman ay nagpaubaya,

Lumapit ka nang kinakabahan

At nagtapat ka ng iyong nararamdaman,

puso ko’y mas bumilis ang pagtibok.

Ako’y napatigil.

***

Gusto niya rin ako,

Ano ang aking gagawin?

Hindi pwede ‘to.

Para sa ikabubuti namin.

Sumpa, itigil mo ito.

Hindi ito tama.

Normal ako.

Humingang malalim at-

***


At muli kong naalala.

Ang mga mata ko’y nagsimula nang manlisik.

Dahan-dahang nawala sa aking sarili.

Ngunit naririnig pa rin kita.

“Aquilino, ayos ka lang?”

“Claudio, lumayo ka sa akin.”

Tumakbo ako papalayo, ngunit sinundan mo ako.

Naririnig ko ang iyong boses na tumatawag sa pangalan ko.

Hanggang sa kumagat ang dilim, sinundan mo pa rin ako.

Sa dami ng nasa isip ay ‘di ko na namamalayan kung ako’y nasaan,

Nang ako’y tumigil ay nasa gubat na masukal.

Napaliligiran ako ng mga naglalakihang puno,

at kinain ng dilim sa ilalim ng mga ito.

Pagod na pagod, ngunit naririnig pa rin kita.

Ang boses ko’y nagsimulang gumaralgal.

“Tigilan na natin ‘to, Claudio, tama na.”

“Bakit?”

“Gusto rin kita.”

“Iyon naman pala, anong problema?”

“Gusto ko lang mamuhay nang normal.”

“Anong ibig mong sabihin? Walang problema sa’yo, hindi ka naiiba, hindi tayo naiiba.”

“Umalis ka na, Claudio.”

“Huwag mong iisipin ang sasabihin ng iba, isipin mo lamang ang magpapasaya sa’yo.”

“Pero Claudio-”

“Hindi mo kailangang ikahiya ang sarili mo, Aquilino.”

“Hindi mo naiintindihan.”

“Mas mabigat kung itatago mo at mas mahirap kung ‘di mo tatanggapin.”

“Claudio…”

At nagdilim ang paningin ko.

Nagising na lamang ako sa labas ng bahay.

Pumasok ako’t nagbihis nang dumating ang dyaryo.

Tamang-tama, mag-aalmusal na ako.

Kinuha ko ito

At laking gulat ko nang makita ang harapan.

Larawan mo kasama ang mga salitang:

“Binata, lasug-lasog."

Nagawa ko na naman pala.

Bukas na bukas ay lilipat na muli ako,

hindi ito gawi ng isang normal na tao.

Ngunit tama ka Claudio,

‘di ko dapat ikahiya ang sarili ko.

Ako lamang ito, wala nang iba.

Mas mararapatin kong tanggaping isa akong

Binatang Lamang-lupa.

Patawad sa iyo,

at sa sumpang itinago ko.

You Might Also Like

0 comments: