filipino,

Literary: Ang Tunay na Ako

5/28/2021 06:22:00 PM Media Center 0 Comments





Maskara
“Ang dami na namang likes ng recent Instagram post ko,” sabi ko habang may ngiting tagumpay sa labi.

Kaka-post ko lang ng litrato kanina. Siguro wala pang isang oras ang nakakalipas, lagpas isang libo na ang natamo kong likes.

Hindi naman sa pagmamayabang, ngunit mayroon akong lagpas apat na libong followers sa Instagram. Madalas akong mag-post ng aking mga litrato dito. Mapa-OOTD man ‘yan o selfie, damang-dama ko ‘yung saya kapag sunod-sunod na dumarating ang mga notification mula sa mga nagla-like ng posts ko. Kaya madalas sa isang araw ay nakakadalawa hanggang tatlong post ako sa aking account.

At ngayon, naghahanda ako muli upang kumuha ng panibagong litrato kong ipo-post ko mamaya. Suot ang aking bagong fitted dress na talaga namang humuhubog sa hugis ng aking katawan. Katapat ang salaming mas matangkad pa sa akin, nagsimula na akong kumuha ng mga litrato. Nang masiyahan na ako sa mga litrato ko, inihanda ko na ‘tong i-edit para i-post.

Hindi kagandahan ang hugis ng aking katawan at kondisyon ng balat ko, pero dahil sa kakayahan ng pag-eedit, madali kong nababago ang itsura ko sa larawan. Gamit ang mga photo editing apps, nababago ko ang hugis ng aking katawan, mas ginagawa ko itong sexy. Dahil sa ganoong paraan mas maraming nagla-like ng posts ko at dumarami ang followers ko. Sa tulong din ng kolorete, natatakpan ko ang aking ‘di kagandahang balat, marami kasi akong acne scars, kaya lagi akong gumagamit ng kolorete sa mukha upang matakpan ang mga ito.

Dahil sa pag-eedit at patong-patong na kolorete, tiyak ako na matutuwa ang aking mga follower. Basta maganda at makinis na mukha, samahan mo pa ng magandang hubog ng katawan, siguradong maraming likes ang ang larawang iyon.

Nang matapos na ako sa pag-eedit ng aking litrato, agad ko itong pinost sa Instagram account ko. Tulad ng sa aking inaasahan, ilang minuto pa lamang ang nakakalipas, mayroon na agad itong isang daang likes at iilang komento na nagsasabi na ang ganda ko sa litratong ‘yun. Kahit na ang iba dito ay hindi ko kilala, nakakaramdam pa rin ako ng saya dahil pinupuri nila ako.

Nawala ang ngiti ko nang mabasa ko ang isang komento.

“Sus, puro edit/filter lang naman ‘yan. Sa IG ngayon, puro pakitang tao na lahat. Mga nagkukunwari at peke. Malamang pag nakita niyo siya sa personal, ‘di niyo makikilala. Nakasusuklam, mapanlinlang ka.” komento ng taong di ko naman kilala.

Agad ko namang tiningnan ang account ng nagkomento, kakaunti lang ang followers nito pero pina-follow niya ako.

“Nag-follow ba siya para lang magsulat ng ganitong komento sa post ko?” inis kong sabi.

Dahil sa inis, agad kong bli-nock ang nagkomento nito, at inalis ang komento niya. Baka mamaya kung ano ang isipin ng iba kong followers at sumang-ayon sila sa nagkomento.

Realidad
Upang hindi maisip ang nabasa kong komento, tumayo ako upang kumuha ng maiinom.

Nang tumayo ako para pumunta sa kusina, nadaanan ko ang aking salamin na nakasabit sa pader. Napahinto ako at lumapit dito. Pinagmasdan ko nang maigi ang aking mukha. Puno ito ng tigyawat, hindi makinis. Napunta naman ang tingin ko sa aking katawan. Hindi ako gaanong kapayat kagaya ng mga nakikita ko sa Instagram. May mga peklat sa aking mga binti, may mga stretch mark, hindi ako sobrang puti, at ang pinakaayaw ko sa lahat, hindi hugis hourglass ang aking katawan. Bumalik sa aking isipan ang mga salitang sinabi nung nagkomento sa aking larawan.

Nakasusuklam at mapanlinlang. ‘Yan ang mga salitang kanyang ginamit. Aamin ko, nasaktan ako sa kanyang mga sinabi. Wala naman sa aking intensyon na manlinlang ng kahit sino.

Binuksan ko uli ang aking telepono upang tingnan ang kanyang komento. Ngunit napahinto ako nang makita ko ang aking larawan. Makinis ang aking mukha at puno ng kolorete, maganda ang hugis ng aking katawan, at hindi kita ang mga marka sa aking mga binti.

Halos hindi ko na makilala ang aking sarili. Ibang-iba ang aking itsura sa personal.

Tumingin uli ako sa salamin. Napahawak ako sa aking mukha at bigla na lang naluha. Hindi ko na alam kung ano ang tunay kong mukha o ang tunay kong katawan. Ginaya ko ang mga nakikita ko sa social media, ginaya ko kung ano ang sa tingin nilang kaaya-ayang mukha at perpektong katawan. Wala namang mali sa aking ginawa diba? Binago ko ang aking itsura upang umayon sa kung ano ang gusto nila. Marami akong natamong mga papuri dahil sa aking itsura, maraming followers at likes. Ngunit bakit ganito ang aking nararamdaman? Bakit parang may mali? Dapat masaya ako dahil gusto nila ako, gusto nila ang kanilang nakikita. Sa mata ng iba ako ay perpekto. Pero sa nakikita ko ngayon sa salamin, napakarami kong pagkukulang, napakarami kong mali.

Tama ang nasa komento, nakasusuklam ako. Kung ako ay makikita nila sa personal, hindi nila ako makikilala.

Isa lang ang aking nasabi habang humahagulgol sa iyak.

“Nakakahiya ka.”

Lumipas ang ilang linggo mula noong tumigil muna ako sa pagkuha ng mga larawan at pagpo-post sa Instagram. Hindi ko kayang baguhin muli ang aking itsura. Ni hindi ko na kayang tingnan ang aking sarili sa salamin. Hindi ko na rin alam kung sino ako.

Matagal na akong walang kasama sa bahay, ngunit ngayon ko lang naramdaman ang ganitong lungkot. Wala man lang sa followers ko ang naghahanap sa akin. Hindi ba sila nalulumbay dahil wala ako? Akala ko ba gusto nila ako?

Muli akong nalungkot at nanlumo. Sinubukan kong ibaling ang aking atensyon sa iba sa pamamagitan ng pag-scroll sa ibang social media apps.

“Ay, ito Facebook! Baka makahanap ako rito ng mga nakakatawang post,” aniya ko.

Pagbukas ko ng Facebook ay hindi nakakatuwang posts ang bumungad sa akin kundi isang larawan ng babae. Hindi ko kilala kung sino siya, hindi naman siya artista o sikat na personalidad. Isa lang siyang ordinaryong tao. Ngunit maraming natamong likes at reaksyon ang kanyang post. Tinignan ko ang kanyang post at nakita ko ang kanyang larawan na nagpapakita ng kanyang mukha at katawan. Makikita sa larawan ang mga stretch marks sa kanyang hita, ang kanyang mukha ay hindi makinis at wala itong mga kolorete sa mukha, at hindi hugis hourglass ang kanyang katawan. Kahit na ganun ang itsura niya, siya ay nakangiti.

Masaya siya at masaya rin ang mga tao para sa kanya. Napahanga ako sa kanyang i-pinost. Nagpakatotoo siya sa sarili niya at sa lahat. Hindi gaya ko na namuhay sa kung ano ang gusto ng iba o kung ano ang sa tingin ng lipunan na kaaya-aya.

Napangiti ako habang pinagmamasdan ang kanyang larawan. Mas lumaki ang aking ngiti nang mabasa ko ang kasabihan na nakasulat sa caption ng kanyang post, “You are imperfect, permanently and inevitably flawed. And you are beautiful.”Amy Bloom

Humanga ako sa kaniyang tapang at kumpiyansa sa sarili. Hindi niya binigyang importansya ang kung ano man ang sasabihin ng iba. Dahil sa post na iyon, nag-iba ang pananaw ko sa aking sarili.

Tinanggap ko lahat ng wala ako at pinahahalagahan ko kung ano ang meron ako. Wala naman talagang perpekto sa buhay. Nagkakaroon lamang ng mga pamantayan sa kung ano dapat ang hitsura o pamumuhay ng isang tao dahil sa binubuong pamantayan ng lipunan. Napagtanto ko rin na ang mga kolorete at mga filter ay ginawa upang tulungan tayong magkaroon ng lakas ng loob sa sarili ngunit dapat tandaan na hindi ito permanente. Ang tunay na kagandahan ay hindi nasusukat sa pisikal na itsura, ito ay nababase sa panloob na kabutihan. Ang pagiging totoo sa sarili at sa iba at ang pagkakaroon ng lakas ng loob at pagmamahal sa sarili, iyon ang mga katangiang nagpapatunay sa kagandahan ng isang tao. Isa ako sa mga nagtago sa ilalim ng maskara, ngayon, oras na upang maging totoo ako sa aking sarili at sa iba.
 
Binuksan ko ang aking telepono at kinunan ang sarili ng litrato. Wala akong suot na kolorete at filter sa mukha. Hindi ko rin ito i-eedit o babaguhin. Sa aking paningin, ako ay maganda at sapat. Pinindot ko ang Instagram at pinost ang litratong iyon. Panahon na upang makita nila ako. Walang edit, walang pagbabago sa mukha, at walang panlilinlang. Panahon na upang makita nila ang tunay na ako.


You Might Also Like

0 comments: