filipino,
Literary: Kalachuchi
May 28, 2021
Mayo na naman pala, paparating na naman ang paborito kong araw na taon-taon kong inaabangan. Ang anibersaryo ng ating pag-ibig, ang araw kung saan tumubo ang binhi ng ating kwento. Narito ako ngayon sa tindahan ng mga bulaklak upang mamili ng aking ipanreregalo sa ating selebrasyon. May mga rosas, liryo, dasyanas, santarita, at samu’t saring uri ng mga bulaklak, ngunit sa lahat ng kagandahang naidudulot nito, ang mga kalachuchi pa rin ang hindi ko malimutan. Oo nga pala, ganitong araw rin noong ika’y aking nakilala. Hindi ko maiwasang maalala ang araw ng unang beses na pagkikita natin sa tuwing nakikita ko ang bulaklak na ito. Buwan din ng Mayo no’n, matindi ang sikat ng araw na tumatagos sa maninipis na dahon ng mga puno. Napakatahimik ng lahat, tanging kaluskos ng mga dahon, huni ng mga ibon, at nginig ng mga kuliglig lamang ang bumabalot sa aking pandinig. Nagmamadali akong tumatakbo patungo sa eskwelahan sapagkat tinanghali ang pagbangon ko. Alam kong kaunti na lamang ang natitirang oras para makaabot sa aking unang asignatura ng araw na ‘yon ngunit hindi ko maiwasang huminto upang pagmasdan ang isang babae na nagpupulot ng mga bulaklak ng kalachuchi sa daanan.
May 28, 2013
Tila bumagal ang pagtakbo ng oras nang masilayan ko ang iyong mga ngiti. Maputi ang iyong balat, manipis ang mga mata, at may malarosas na mga labi. Pinagmasdan ko ang marilag mong pag-iral habang ika’y nagpupulot ng mga bulaklak sa sementadong daan. Sumasabay ang liwanag ng iyong mga ngiti na tila hinahamon ang sinag ng araw. Nang umihip ang hangin ay natanggal sa pagkakatirintas ang iyong buhok, agad mo itong inayos muli at inipitan ng bulaklak ang iyong panali. Para bang inaangkin mo ang pangalan na Kalachuchi na sintulad ng iyong maputing balat na bumabagay sa ‘yong dilaw na panali sa buhok. Sa saglit na ‘yon, alam kong may kakaiba sa aking naramdaman. May kiliti sa aking dibdib at tila nahawaan ito ng init ng tag-araw. Napagtanto ko na kasabay ng paghulog ng mga dahon sa ating paligid ay agad na rin akong nahuhulog sa presensyang iyong taglay. Nang malaman ko na ikaw pala ang bagong lipat sa aming section, ay agad na humubog ng ngiti ang aking mga labi. Siyempre hindi na ako nagpatumpik-tumpik pa, agad na akong nagpakilala at hindi nagtagal ay naging malapit tayong magkaibigan.
June, 2013 - April, 2014
Ikaw ‘yung tipong mahiyain, tahimik at mahinhin sa paningin ng lahat, ngunit lumalabas ang iyong pagiging kwela sa tuwing tayo’y nagkakausap. Sa mga simpleng bagay na ito, hindi ko namalayan ang pagdaan ng araw sapagkat puno ito ng ating mga masasayang alaala. Tuwing tayo’y magkasama at gumagawa ng kung ano-ano, tila bang gumagaan ang lahat. Mapa-science project, thesis, o kahit anong problema pa ang bumabagabag sa aking isip ay aking nakakalimutan basta’t kasama kita. Naaalala ko rin ang mga simpleng sandali na tinuturing ko’ng date kung saan naglalakad lang tayo sa ating paboritong kalsada habang pinagmamasdan ang paborito mong puno ng kalachuchi. Pinakagusto ko ang ating mga simpleng kwentuhan sa tuwing mag-aabang tayo ng masasakyan pauwi galing eskwelahan. Kahit nakakangawit tumayo, kahit walang kakwenta-kwenta, o kahit buong araw pa akong makinig sa iyong mga kwento, hinding hindi ako magsasawang pakinggan at maaliw sa mga ito. Ito’y dahil pinakamaganda ang iyong ngiti kapag ika’y nagkukuwento sa akin ng mga bagay na kinagigiliwan mo. Sa bawat araw na dumadaan ay lalong lumalalim ang aking pagtingin. Oras-oras ay nabibighani sa iyong ganda, minu-minuto’y pinagmamasdan ko lamang kung paano mo kinukulayan ang aking mundo. Bawat segundong kasama kita’y katumbas ng mahabang pahinga. Unti-unti kong napagtanto na gusto na nga talaga kita, ikaw ang nais makasama sa lahat ng alaala. Ang tanging tanong na lamang ay pupulutin mo rin ba ako tulad ng pagpulot mo sa mga kalachuchi noong araw na ‘yon.
May, 2014
Ilang buwan ang nakalipas at Mayo na muli. Tila ito ang pinakamabilis na taon ng aking buhay ngunit hindi nagtagal, dumating na ang selebrasyon ng ating pagtatapos, ang graduation ball. Sa kalaliman ng gabi, maingay ang paligid at maliwanag ang bulwagan na puno ng mga makikintab na dekorasyon. Ngunit sa kabila ng lahat ng 'to, ikaw pa rin ang pinakaumagaw ng aking atensyon. Kulay puti ang iyong bestida na may mga palamuting dilaw at alahas. Hinigpitan ko ang paghawak sa'king biniling kurpinyo na may disenyong kalachuchi na balak ibigay sa'yo at naglakad nang mabagal patungo sa iyong kinatatayuan. Habang papalapit ay nakatitig ako sa'yong mga mata na inaaninag ang mga ilaw. Ito na ang tamang pagkakataon, tamang oras upang sabihin ang aking nararamdaman. Sa pagbuka ng aking mga labi ay kumislap ang aking kinatatakutan, na hindi mo kayang maibalik ang aking nararamdaman. Muling pumasok sa aking isip ang ating masasayang alaala, maging ang unang beses nating pagkikita, ayokong mawala ang mayroon sa atin. Nasakal ako sa mga salita at hindi ko alam kung ano ang aking sasabihin. Ngumiti na lamang ako at pinuri ang iyong suot habang nakatago ang kurpinyo sa aking likod, at naglakad papalayo. Ngunit kasabay nito’y narinig ko na lamang na may ibang lalaki na pala ang kumuha ng iyong kamay para sa huling sayaw ng gabi. Gumuho ang aking mundo, malumbay akong bumalik sa aking lamesa. Aking nasilayan na may babaeng nakaupo sa aking upuan. Kulay ube ang kaniyang bestida na may dekorasyong puting lila. Katulad ko ay malumbay rin ang kaniyang presensya na para bang isang halamang nalanta na bumabagay sa kulay ng kaniyang damit. Natanong at naikuwento namin sa isa't isa ang dahilan ng aming mungot at nagpatuloy ang aming pag-uusap hanggang sa matapos ang huling sayaw. Tinawanan na lang namin ang aming mga sarili, at para bang guminhawa kahit papano ang malumbay na gabi ng aming selebrasyon.
May 28, 2021
Alas-kwatro na pala.
Kailangan ko nang mamili ng bulaklak na ibibigay sa’yo. Sa isang sandali ay dinampot ko ang pumpon ng Kalachuchi. Ngunit binitiwan ko na rin ito agad at kinuha ang mga puting lilang katabi ng mga ito. Bagaman pareho ang kulay ng dalawang bulaklak na ito, puti at dilaw, hindi ito ang dahilan bakit pinili ko ang mga puting lila. Pinili ko ito dahil ito ang simbolo ng bunga ng aming pagsasama.
Pinili ko siya. Kasama siya’y patuloy kaming sumibol sa paglipas ng panahon. Tila isang buto na tumubo at naging puno, nanatili kami upang suportahan at tulungan ang isa’t isa. Kinailangan namin ang isa’t isa.
At katulad na lamang ng isang puting lila, namulaklak ako sa piling niya.
0 comments: