Binibining Marikit,

Literary: Nagulumihanan

5/28/2021 06:16:00 PM Media Center 0 Comments




“Tapos ayun! Umuwi na kami ng tropa HAHAHA laptrip lang talaga ‘tong araw na ‘to!”


“Ah haha ang saya naman.”
“Heather, okay ka lang ba? May problema ba?”

“Wala naman, inaantok lang. Matutulog na ako ha? ”

“Sige. Good night, mahimbing sana ang tulog mo ngayong gabi. Mahal kita!”
Seen 11:11 pm


Lumipas na naman ang isang araw na hindi ako nagpakatotoo sa sarili ko, na hindi alam ni Andre ang tunay na nararamdaman ko.

Sa ilang taon na pinagsamahan namin na puno ng pag-asa, pangako, at pagmamahalan, mga aral na nagpatibay at bumuo sa aming pagkatao, mga pagsubok na magkasama naming nalagpasan at mga karanasang nagpatatag sa aming relasyon...

Sinong mag-aakalang unti-unti akong bibitaw?

Napakaramot ko, ano? Hindi ko man lang maamin sa kanya at sarili ko na hindi na kami — ay, ako lang pala — hindi na ako tulad ng dati. Hindi na ako yung Heather na gustong laging tinatawagan at kinukwentuhan tungkol sa kanyang lumipas na araw, na gustong sinusuyo matapos magtampo, na gusto siyang makasama saanman magpunta, na hinahanap-hanap ang piling niya.

Ngayon, para bang ayaw ko na. Bigla na lang napundi ang sparks naming dalawa. Napakasakit makita na ibinibigay nung tao ang buo niya sa’yo habang ‘di mo man lang maibalik kahit maliit na bahagi nito. Kung matindi ang sakit na dala nito sa akin, paano pa sa kanya? Paano pa siyang walang ibang ginawa kundi mahalin ako? Hindi ba’t karapat-dapat lamang na ipaglaban ko pa ito, para sa kaniya at para sa samahang aming nabuo? Hindi dapat si Andre ang sasalo ng sakit na dulot ng problemang pinapasan ko.

Ngunit, paano naman ako? Magsusuot na naman ba ko ng maskara para takpan ang tunay na nilalaman ng dibdib ko?

Hanggang kailan ko pa ‘to titiisin… Hanggang kailan ko pa ‘to patatagalin…


12:00 am
Pagdilat sa umaga, pagpikit sa gabi, patuloy kong winawari kung ano ba ang dapat kong gawin. Susundin ko ba ang utak na gusto pang lumaban? o ang pusong ‘di na kaya ang sakit na nararanasan?


12:51 am
Sa gitna ng tahimik at mahimbing kong pag-idlip, may mahinang boses na tila bumubulong sa aking tainga. Sinasabing, “Hoy utak, mag-isip ka naman! Hahayaan mo na lang ba na parating mahirapan itong si Heather?”

Napabaling ako sa kabilang direksyon nang makarinig naman ako ng bagong bulong, “Ano sa tingin mong ginagawa ko, Puso? Pag-iisip ang tanging silbi ko sa mundo! Hindi ko naman ginustong mahirapan itong si Heather, kung alam mo lang paano ko tinatatak sa kaniyang isip ang mga rason….” unti-unting humina ang boses.


1:43 am
Sa paglalim ng gabi, pinipilit ko ang sarili na dalawin ng antok, ngunit hindi nakatutulong ang mga boses na ito. Muli, nakarinig na naman ako ng sagot, “Nasasaktan na siya! Hindi mo ba nakikita kung paano at kung gaano kalaki ang kaniyang pinagbago? Naalala mo ba noong napakasigla pa ni Heather?” tanong ng maliit na boses.

Napaisip ako sa kaniyang tanong. Isang alon ng kalungkutan ang biglang humampas sa akin nang bumalik sa akin lahat ng aming pinagsamahan. Malinaw pa ring nakapinta sa aking isipan ang imahe ng mga matatamis naming alaala. Kahit ang maliliit na detalye na dinagdag niya para muling magkakulay ang mundo ko tuwing ako’y nalulugmok, naaalala ko pa. Ang dugo’t pawis niyang paghihirap para maipakita sa aking pamilya na ako ang ‘painting’ na iingatan at aalagaan niya, naaalala ko pa. Ang mga pagkakamaling binago at binura niya, naaalala ko pa. Ang buong pagkatao niya, naaalala ko, at hindi ko na yata malilimutan pa.

“Kaya nga gusto ko pang kumapit, Puso. Sa lahat ng isinakripisyo niya para sa akin, hindi niya deserve masaktan. Ayokong bitawan na lang basta-basta kung anong mayroon kami dahil malayo na rin ang aming narating nang magkasama. Biruin mo, limang taon kaming nagmahalan at nagkapatawaran? Hindi, hindi ko ‘to maaaring sukuan. Hindi ganoon kadali iyon.”

Bahagya akong naluha. Klaro naman ang sinisigaw ng aking utak, nauunawaan ko ang mga dahilan nito, ngunit bakit ko pipilitin ang aking pusong lumaban pa kahit ayaw ko na?


3:07 am
Hindi ko na alam ang gagawin. Bawat segundo ng araw-araw, nakakaisip ako ng iba’t ibang dahilan-- mga panibagong rason para bumitaw na nang tuluyan, pati mga rason para patuloy pang lumaban. Sa pagbagsak ng aking luha, napaigting na naman ang aking pagkalito, ang aking pagtimbang sa dalawang desisyong parehong may kapalit. Ngayong nalulumbay, sumisikip lang lalo ang aking dibdib na para bang gusto nitong kumawala at ipaalala sa’kin na “Hindi marunong magsinungaling ang puso, Heather.”

Ngunit, sa bahagyang itaas, may biglang lumitaw na tanong sa aking isipan, “Mahal mo, hindi ba?”

Oo, mahal ko siya...








ngunit mas mahal ko ang sarili ko.

Tila ba lumiwanag ang aking madilim na silid. Luminaw ang nanlalabong isipan, gumaan ang mabigat na kalooban. Napagtanto ko na ang sagot sa aking katanungan. Bumangon ako sa pagkakahiga, pinunasan ang aking mga luha at huminga nang malalim. Kalmado kong kinuha ang selpon, binuksan muli ang kaniyang mensahe, at nag-type.




“Andre, may kailangan akong sabihin.”
Sent 5:55 am

You Might Also Like

0 comments: