Amsterdam,

Literary: 1000 KM

5/28/2021 05:08:00 PM Media Center 0 Comments




25 KM

Sa puntong ito, nagkakalyo ang aking talampakan dulot ng paulit-ulit nitong pagtatagpo sa sementong mainit at magaspang. Gayumpaman, ramdam kong malayo pa rin ako sa aking pupuntahan. Nanatili akong musmos na paikot-ikot at naliligaw.

Habang palakad-lakad nang walang direksyon, paulit-ulit kong itinatanong sa aking sarili kung saan ba ako patungo at kung hanggang kailan kaya ako mananatiling ligaw ngunit walang sinuman ang naroon para sagutin ako. Habang tumatagal, lalo akong nababahala sa nakabibinging katahimikan dulot ng pag-iisa sa gitna ng kawalan. Unti-unti ring naglalaho ang aking sigla dahil wala namang ibinubunga ang pagtatanong at paglalakad ko. Sinubukan kong pigilan ang pagtulo ng luhang namuo sa aking mga mata noong maisip kong habambuhay na akong mananatiling isang paslit na hindi alam kung saan tutungo.

Gayon na lamang ang gulat ko nang bigla kang sumulpot sa tabi ko. Tila napawi ng matamis mong ngiti ang mga pangamba ko. At sa iyong mapupungay na mata naman, nakita ko ang aking sariling nakangiti na rin. Marahan at malambing din ang iyong boses nang tinanong mo ako kung nais ko bang sumama sa iyo. Ipinangako mo sa akin noon na ituturo mo sa akin ang daan at hindi mo ako iiwan hanggang sa maabot natin ang dulo━ang ika-isang libong kilometro ng kalsadang ito.

Wala akong pag-aalinlangan noong sumagot ako ng “oo” sa iyo. Bilang tugon mo naman sa aking “oo,” iniluhod mo ang isa mong tuhod upang isuot ang hawak mong mga sapatos sa mga kinakalyo kong paa. Naiilang at nahihiya man akong tanggapin, dali-dali kong isinuot ang mga sapatos na iyon. Nayupi nang kaunti ang dila nito pagkasuot ko at medyo kinapos na ang haba ng mga sintas kaya hindi ko na naitali nang maayos ang mga ito pero balewala lang sa akin ang maliliit na bagay na iyon dahil sa unang pagkakataon sa buhay ko, hindi ko na kailangang tiisin ang init at gaspang ng semento. Abot sa magkabilang tainga ang ngiti ko noong nakita kong may sapin na ang aking mga paa. Lalo pang napuno ang aking puso ng tuwa nang mapagtanto kong hindi na ako naliligaw ngayong kasama na kita.

198 KM

Mahigit isang daang kilometro na akong tumatakbo. Mahigit isang daang kilometro na akong ‘di napapagod. Siguro kasi ngayon, hindi na ako nakayapak. Hindi ko na kailangang isipin kung ano ang makukuha ng mga paa ko sa susunod na hakbang━kung pawis ba, dumi, o mga sugat.

Ramdam ko ang bilis ng mga padyak ko at pagtama ng hangin sa aking mukha. Habang tumatagal, mas lalong bumibilis ang bawat hakbang ng mga paa ko at bawat tibok ng aking puso. Pakiramdam ko’y muli akong nabuhay dahil sa’yo.

Hindi ko na kailangang mangamba kasi nandito ka na. Hindi na ako nag-iisa. May kasabay na ang mga paa ko sa bawat paghakbang nito sa semento. Sa pagdating mo, nagkaroon ako ng rason para magpatuloy kaya alam kong kakayanin ko hanggang isang libong kilometro.

254 KM

Makalipas ang ilang sandali, may iba na akong nararamdaman. Unti-unti nang bumibigat ang aking mga binti at nanunuyot ang lalamunan ko dulot ng pagkahingal. Humahaba na rin ang pagitan ng bawat hakbang na nagagawa ng mga namamanhid kong paa.

Subalit sa kabila ng pagbagal ng aking takbo, naroon ka pa rin sa aking tabi at hindi mo ako iniiwan. Maya’t maya ang panghihikayat mo sa aking magpatuloy, huwag sumuko, at tiisin ang pagod. Kahit hindi na puno ng sigla at liksi ang bawat hakbang natin, binigyan mo pa rin ako ng rason upang hindi tumigil.

Matapos ang ilang saglit, nadapa ako. Dahil ayokong mapahiya sa’yo, sinabihan kitang mauna na at hahabol na lang ako. Gayumpaman, hindi mo pa rin ako iniwan. Inialay mo ang iyong kamay upang may umakay sa akin habang tumatayo. Tinanong mo kung ayos lang ako at sinabi mo sa akin na ayos lang sa’yo kung babagalan natin saglit ang ating takbo para muling makapag-ipon ng lakas. Sinabi ko sa sarili ko noon na napakaswerte ko naman dahil may taong handang maghintay, magpasensya, at tumulong sa akin. Naisip ko noon na napakaswerte ko naman sa’yo.

386 KM

Kalauna’y tila bumibilis ang oras sapagkat ang distansiyang natatakbo ko noon ng sampung segundo ay hindi ko na matakbo sa loob ng isang minuto.

Dahil sa distansiyang namumuo sa pagitan natin ngayon, umuusbong na ang takot at pangamba sa puso ko. Natatakot akong maiwan at nangangambang hindi ka na lumingon. Higit sa lahat, natatakot akong hindi na muling makasabay sa iyo at hindi mo mamamalayan iyon. Hindi ko na mawari kung ano ang tumatakbo sa iyong isipan━kung nagpapatuloy ka lang sa pagtakbo dahil alam mong susunod naman ako o kung nagpapatuloy ka lang sa pagtakbo dahil napapagod ka nang lumingon sa direksyon ko. Maging ang mga paa mo ay hindi ko na rin masabayan. Ngayon, bukod sa paghahabol ko ng hininga, pati ikaw ay tila kailangan ko na ring habulin dahil nasa harapan na kita at wala na sa aking tabi. Hindi ko alam kung bumibilis ang pagtakbo mo o baka sadyang bumabagal lang ako.

Alam ko namang hindi mo ako iiwan kahit pa gaano ako kabagal pero sisikapin kong makasabay sa bilis ng iyong pagtakbo. Kailangan nating magpatuloy sa pagtakbo para makarating sa ating paroroonan: ikaw, papunta sa ika-isang libong kilometro at ako naman, patungo sa’yo.

553 KM

Unti-unti, nagkaroon ulit ako ng mga alinlangan. Tinanong ko sa aking sarili kung bakit nga ba ako naglalakbay nang kasama ka gayong mabigat na ang aking katawan, hindi na komportable ang mga paa ko sa sapatos na ibinigay mo sa akin, at hindi ko na masundan ang mga yapak ng iyong paa. Pakiramdam ko, muli ko lamang pinapagod ang sarili ko sa paglalakad gaya noong una mo akong madatnan.

Sa ikalawang beses na nadapa ako, hiniling ko sa’yo na huminto muna tayo saglit. Pagkatayo ko, nagpasalamat ako sa’yo dahil hindi mo ako sinukuan sa kabila ng hirap at pagod nating dalawa. Ipinaliwanag ko rin sa’yo na sa kabila ng bawat tulong, panghihikayat, at pang-aaliw na ibinigay mo sa akin, hindi ko na ninanais na magpatuloy pa sa paglalakbay na ito kasama mo. Tutal, sa tinagal naman ng ating pagsasama, malayo na ang narating natin at naging masaya na rin tayo kahit papaano. Kasabay nito, tinanggal ko ang mga sintas ng mga sapatos na ibinigay mo sa akin upang mahubad ko na ang mga ito at maibalik na sa’yo.

Bago ko tuluyang matanggal ang mga sapatos, hinawakan mo ang aking mga kamay. Sinabi mo sa akin na bumibigat din ang iyong katawan at nauubusan ka rin ng hininga ngunit sa kabila nito, pinipili mo pa rin akong makasama dahil sa pangako mo. Sabi mo, hindi talaga madaling tahakin ang isang libong kilometro ngunit kung masasaktan at mapapagod ka lang din naman, mas may kabuluhan at saysay ang paglalakbay kung kasama mo ang isang tulad ko.

Sabi ko sa sarili ko noon, napagod nga ako at ilang beses din akong nadapa pero naroon ka lagi upang hikayatin akong bumangon at huwag sumuko. Kung tunay ngang hindi talaga madali ang pagtahak ng isang libong kilometro, ikaw nga yata talaga ang gugustuhin kong makasama sa paglalakbay na ito.

720 KM

Ilang kilometro na ang nalagpasan natin pero nandito ka pa rin sa tabi ko. May kasabay pa rin ang mga paa ko sa pagtakbo. Ngunit habang tumatagal, tila nagiging matindi na naman ang init ng araw at unti-unti ko na namang nararamdaman ang katahimikan. Puro padyak ng mga paa at malalim na paghinga lang ang mga tunog na naririnig ko. Ni isang salita, walang lumalabas mula sa bibig mo.

Kanina pa ako nagnanakaw ng tingin sa’yo pero sigurado ako na hindi mo napapansin iyon. Pinagmamasdan lang kita habang tumatakbo samantalang ikaw, nakatuon lang ang atensyon mo sa kalsadang nasa harapan mo.

735 KM

Ako na mismo ang nagtayo sa aking sarili sa muli kong pagkadapa. Doon ko napansin na masikip pala ang sapatos na ibinigay mo sa akin. Nagsisiksikan ang mga daliri ng aking paa at kumikiskis ang likod ng sapatos sa aking sakong kaya nawawalan na ako ng lakas at nasasaktan habang tumatagal ang ating paglalakbay.

Nakapanghihinayang isiping ganoon nga yata talaga ang kahihinatnan ng buhay ko sa piling mo: patuloy na magkakakalyo at maninigas ang paa, at paulit-ulit na madadapa para lamang hindi ako mag-isa. Tinanong ko rin ang sarili ko kung may saysay pa bang manatili ako sa piling mo.

Nakadidismaya dahil hindi naman dapat ganito. Hindi dapat ako nahihirapan ngayong may proteksyon na ang mga paa ko mula sa init ng semento at gaspang ng kalsadang ito. Sa halip na makatulong sa sitwasyon ko, tila perwisyo na ang sapatos na mula sa’yo. Hindi sa nagrereklamo ako sa sapatos na bigay mo, sadyang napapaisip lang ako kung para sa akin nga ba talaga ang regalong inihandog mo.

Gayumpaman, hindi ko pa rin gustong isuko ang sapatos na ito dahil wala itong katulad. Hindi laging may estrangherong dumarating at maghahandog sa akin ng magarang sapin sa paa. Isa pa, wala ring kasiguraduhan na bubuti ang aking kalagayan kung sakaling hubarin ko man ang sapatos na ito.

Sa kabila ng aking paghihirap, nagpapasalamat pa rin ako sa’yo. Kung hindi dahil sa sapatos na ito, hindi siguro ako makakapaglakbay nang ganito kalayo. Kaya kahit lumaki na ang mga paa ko sa sapatos na ito, handa akong magtiis sa masikip na sapatos dahil espesyal ang mga ito sapagkat ito ang unang regalong natanggap ko sa buong buhay ko.

800 KM

Sa paglipas ng panahon, nagbabago ang sukat ng katawan ng isang tao. Sa sitwasyon ko, lumalaki ang mga paa ko, dahilan para mas sumikip pang lalo sa akin ang sapatos na ibinigay mo.

Noon pa man, nakakaramdam na ako ng kawalang-ginhawa sa sapatos na ito pero hindi ko iyon ininda dahil mas mainam nang magsuot ng masikip na sapatos kaysa magyapak. Ngunit sa pagkakataong ito, hindi lang kawalan ng ginhawa ang nararanasan ko kundi pati na rin ang pagkirot ng mga paa ko. Kung dati’y nagkakalyo ang talampakan ko dahil nakayapak ako, ngayon ay nagkakalyo ang sakong ng mga paa ko dahil sa paulit-ulit na pagkiskis nito sa dulo ng masikip na sapatos na suot ko.

Sa mga oras na ito, gustuhin ko mang magpatuloy, ramdam kong bibigay na ang mga paa ko. Halos hindi na ako makausad dahil nahihirapan na akong indahin ang hirap at pagod. Bawat hakbang sa lupa ay mas lalo kong nadarama ang pagkirot ng mga paa ko paakyat sa mga binti ko. ‘Di magtatagal ay paniguradong mamamanhid din ang mga ito na siyang magiging dahilan ng paghinto ko sa gitna ng daan.

Batid mo na hindi na lamang uhaw, pagod, at init ng panahon ang nagpapabagal sa pagtakbo ko kundi pati na rin ang sapatos na suot ko. Batid mo na matatagalan kang makarating sa ika-isang libong kilometro kung sa bawat minuto ay babagalan mo ang iyong pagtakbo para hintayin ako. Ngunit sa kabila ng lahat, mas pinipili mo pa ring maghintay at bumalik nang ilang hakbang para salubungin ako dahil ang gusto mo’y sabay tayong makarating sa dulo.

827 KM

Umabot sa puntong napaupo na lamang ako sa gitna ng daanan. Tuluyan nang nawalan ng lakas at sigla ang aking mga paa. Alam ko kung gaano ka kapursigido at kung paano mo ako ginabayan mula noong umpisa kaya gusto ko pa ring tapusin natin ang paglalakbay na ito nang magkasama ngunit ang lahat ng tao ay may hangganan.

Gayumpaman, pursigido ka nga talaga at tapat ka sa pangako mo. Hindi mo pa rin ako iniwan kahit hindi ko na kayang magpatuloy. Tumingkayad ka, yumuko, kinuha ang aking mga braso, at ipinatong mo ang mga ito sa iyong mga balikat. Tumayo ka at sinabi mong isasama mo pa rin ako sa paglalakbay; papasanin mo ako hanggang maabot natin ang dulo ng kalsadang ito. Ramdam ko ang panginginig mo noong binuhat mo ako pero hindi ka nagdalawang-isip na magpatuloy sa paglalakad.

842 KM

Mahigit sampung kilometro mo na akong pasan sa likod mo. Nararamdaman ko na ang pagod mo━ang init ng katawan mo, ang pagtagaktak ng pawis sa balikat mo, at ang paghahabol mo ng hininga. Pati sa paglalakad ay halos hindi na tayo umuusad dahil bukod sa pagod ka na dulot ng mahabang paglalakbay, pasan mo pa ang aking bigat. Sinasalo mo ang paghihirap ko nang sa gayon ay manatili tayong magkasama ngunit kaakibat nun ay ang pagdurusa mong mag-isa.

Batid kong handa kang magtiis para sa akin at ganoon din ako sa iyo. Ngunit hindi ko na kayang makita ka pang nahihirapan dahil sa akin. Hindi ko mapapatawad ang aking sarili kung sakaling mapahamak ka dahil sa akin. Gayumpaman, batid ko na mas pipiliin mong manatili at magdusa sa tabi ko kaysa maging malaya nang hindi ako kasama kaya naman ako na lang ang magpapasya para sa’yo.

Sa puntong ito’y pareho na tayong nahihirapan.

Nakiusap ako sa iyo na tumigil ka muna sa paglalakad upang ika’y makapagpahinga pero hindi pansamatalang pamamahinga ang ibig kong mangyari.

Habang nakaupo ka sa gitna ng daan, umupo rin ako sa tabi mo at dahan-dahang tinanggal sa pagkakatali ang mga sintas ng sapatos ko. Sa tuwing dumaraan ang sintas sa mga butas ng sapatos habang tinatanggal ito, nagdadalawang isip ako sa susunod kong hakbang. Gusto kitang manatili pero hindi para pahirapan ka. Kaya kong mag-isa subalit nais pa kitang makasama. Pangarap kong marating ang dulo ng daan na ito nang hindi nag-iisa pero para sa kapakanan mo, handa akong palayain ka.

Ang sapatos na noo’y nakasuot sa mga paa ko, ngayo’y bitbit na ng mga kamay ko, handa nang ibalik sa taong pinagmulan nito. Labag sa loob mong tinanggap ang mga sapatos na iniabot ko sa iyo dahil inakala mong wala na itong halaga sa akin━nagkakamali ka. Walang mali sa regalong inihandog mo. Kung hindi dahil sa sapatos na ito, hindi ako makakarating dito. Gusto kong ingatan ang sapatos na ito subalit alam ko na masisira ko lang ito kung mananatili itong nakasuot sa mga paa ko. Kaya naman isinasauli ko na sa iyo ang sapatos na ito upang maibigay mo sa taong may akmang sukat ng paa at magagamit ito nang mas maayos.

Pareho na tayong nakatayo sa gitna ng daan. Wala ni isa sa atin ang nais kumilos. Puro katahimikan at simoy ng hangin na lang ang nadaramang presensya. Bago pa man magbago ang isip ko na pigilan ang iyong paglisan, nagsimula ka nang humakbang. Hindi ka na muling lumingon, naghintay, o humakbang nang paatras.

Mananatili muna ako rito upang magpahinga at muling magpapatuloy kapag hindi ka na matanaw ng aking mga mata.

904 KM

Muli, ako’y nag-iisa. Naglalakad ulit ako nang nakayapak at walang kasiguraduhan kung mararating ko ba ang dulo ng landas na ito. Gayumpaman, hindi na ako isang paslit na naliligaw sa gitna ng kawalan. Kahit naibalik ko na ang mga sapatos na ibinigay mo sa akin, nanatili pa rin sa’kin ang karunungan, pagpupursigi, at pangarap na natutunan ko sa mga panahong kasama kita.

Sa tuwing naiisip kita, hinihiling ko na lamang na sana ay nakahanap ka na ng taong higit na karapat-dapat magsuot ng mga sapatos mo at maglakbay sa piling mo.

You Might Also Like

0 comments: