deobi,

Literary: Soundtrack ng buhay ko

5/28/2021 06:08:00 PM Media Center 0 Comments




"Kalendaryo ay gusto mong iatras..."

‘Di ako sang-ayon sa Itchyworms
Dahil ako, gusto ko nang tumanda
Pakiramdam ko bibigay na ang mga tenga ko,
Bugbog na sa walang humpay na utos at paalala

Nais ko nang lumipad palayo sa pugad
At magdesisyon na walang sumasalungat,
Kaya Jugs, pasensya ka na pero ako,
Gusto ko nang tumanda

“Batang-bata ka pa…”

Kumain daw ako ng gulay
kasi pampahaba daw ito ng buhay
Kaya ‘wag daw akong pasaway
Kahit na ako’y umay na umay

Likod kong pawis na malagkit
Tinutok sa electric fan
Nanay ko’y nagalit
“Gusto mo bang magkasakit?”

Dadalhin ako sa nakahandang hapag
Papipiliin kung Milo ba o gatas
Paaalalahanan akong bilisang ngumuya at huwag tumunganga
“Baka naman kahit online class ma-late ka pa,” pangangantiyaw niya

Dahil sa dami ng paalala
Parang gusto ko nang tumanda
at mabuhay mag-isa
Para wala nang problemahin pa

“High school life oh my high school life…”

Bago umuwi si Inay dapat malinis na ang bahay
Dapat nakapagwalis na
at nakasaing pa
Kundi high blood na naman siya

Utos ni Inay na walang kapantay
“Kunin mo yon, hugasan mo yan!”
Sabay sabing “Ma, mamaya na!”
Lagi mong ayusin ang ayong tinulugan
Kunin mo ang iyong damit at isampay

Nang tumibok ang aking puso
nagalit si Inay at ako’y pinalo
Pinaalalahanan niya ako
“Di ba sabi ko pagkatapos na sa kolehiyo”

Wala pang diplomang naiuuwi
Ngunit utos niya’y isinantabi
Pero imbis na siya’y magalit, niyakap ako buong gabi
Nang puso ay wasakin ni Javi

Sa dami ng utos at panuntunan,
Parang gusto ko nang tumanda
At mabuhay mag-isa
Para wala nang problemahin pa

“Umuwi ka na baby…”

Sa araw ng pagtatapos naghanda na muling magsimula,
Naghihintay pa ng mga email, baka may hahabol pa
Ting! Tumunog ang telepono, “Mama!”
Dali-daling kinuha ang laptop at nagsiksikan sa isang upuan dahil sa kaba

Nang puso ni ina’y kumalma,
Nagsimula na kaming magbasa
“Congratulations, welcome to…”
Hindi na natapos basahin ang liham
Dahil sa kakatalon, kahihiyaw, at ‘di maubos-ubos na luha

Naghanap na kaagad ng malilipatan,
Sunod-sunod na crash course tungkol sa kuryente, tubig
at paghingi ng tawad sa pamilihan,
Inabutan ako ng pera para sa upa at mahigpit na niyakap
Pagkatapak sa bagong bahay, ako’y biglang natauhan

Lilipas ang mga araw na walang kasama,
Babalutin ng katahimikan pati ang aking umaga
Sapagkat ang ibo’y lumipad na mula sa pugad,
Ang dating pinakaaasam, nagiging bangungot nang nais takasan

“Ayokong tumanda…”

Sigurado na ba akong gusto kong tumanda?
Pakiramdam ko’y gusto ko pa ring maging bata
Dahil sa aruga ng aking ina
na hinding hindi mapapantayan ng iba

Lubos ko nang naintindihan
ang mga payo at bilin ni Inay
dahil bandang huli hinahanap-hanap
ko ang mainit niyang yakap

Hindi na ako naniniwala sa Itchyworms
Na gusto ko nang tumanda
Mas naniniwala na ako sa kanta ni Daniel Padilla
na gusto ko na siyang kasamang tumanda.

You Might Also Like

0 comments: