Dalisay,

Literary: Kape sa Maginhawa

5/28/2021 07:08:00 PM Media Center 0 Comments





Abot sa kalsada ng Maginhawa ang pila sa coffee shop na ‘to. Kalat sa hangin ang matapang na amoy ng kape, matamis na halimuyak ng bagong-lutong mga keyk, at ang mga masisiglang halakhak ng mga magnobyo. Ito pala iyon ‘no? Ito ‘yung bagong café na sumikat pagkatapos na pagkatapos ng quarantine dahil sa mga daan-daang magkakaibigan at mag-jowa na matagal nang nawalay sa isa’t isa. Ako’y nakisali sa pila, naninibago pa ring ‘di mag-mask at makakita ng ganito karaming tao sa isang lugar, kahit isang taong wala nang COVID.

Naaalala mo pa kaya?

Ipinangako mo sa akin na sa unang date natin pagkatapos ng pandemic ay dadalhin mo ako sa coffee shop na ‘to. Pero wala. Hindi ganito ang na-imagine kong mangyayari sa unang pagpunta ko rito. Mag-isa. Taliwas ‘to sa mga plano ko—natin, noon.

Pagkatanggap ko ng order kong kape, tumungo ako sa nag-iisang bakanteng mesa sa loob na may dalawang upuan. Umupo ako rito, malapit sa counter ng mga barista. Hindi pa rin kita matanggal sa isip ko. Hindi ko mapigilang ma-imagine na kasama kita, nakaupo sa upuan sa harapan ko habang suot ang paborito mong jacket na lagi kong inaagaw sa’yo.

Isang taon na rin pala, ‘no?

Mag-iisang taon na rin mula noong bumitaw ka.

Alam mo, okay na talaga tayo nu’n eh. Hangang-hanga pa nga ang mga tao na kinaya nating maging tayo kahit may quarantine, isa rin ako sa kanila. Halos lahat kasi ng kaibigan kong may jowa ay nakipaghiwalay din noon. Baka may nadiskubre silang ugali na ‘di maganda sa isa’t isa na lumabas lang nang magkalayo sila nang matagal. Baka naman nasaktan nila ang isa’t isa. Pwede rin namang nawalan na lang talaga sila ng gana o nagsawa.

Hindi naman tayo gan’un.

Sa totoo lang, wala akong nahanap na mali sa’yo, kahit sikapin ko pa. Kapag binabalikan ko yung relasyon natin, wala akong maalala kundi ang bawat tawanan tuwing videocall habang tayo’y kumakain, iyakan ‘pag movie date sa Discord, at ang mga simpleng good night o sleep well, kahit ligo well araw-araw. Our love was perfect, hindi sobra at hindi kulang; or at least, that’s what I thought.

Bakit? Anong nangyari sa atin? Anong nangyari?

Humigop ako ng matapang na kape. Isang taon na rin akong nalilito kung ano ang dapat kong maramdaman. Isang taon ko nang pino-postpone ang aking reaction paper sa ating break-up. Sana niloko mo na lang ako para naman may rason para magalit ako. Sana na lang may nahanap akong secret convo sa Messenger mo. Sana binalikan ka ng isa sa tatlo mong ex n’ung college. Sana siguro nag-Japan ka na lang para magtrabaho, para naman malinaw sa’kin kung bakit tayo naghiwalay.

Ano ba kasing dapat kong maramdaman? Galit? Lungkot? Wala eh, tinrato mo naman ako nang tama. Ilang beses mong sinabing mahal mo ako, at ilang beses mo naman itong pinaramdam sa akin. Pinapadalhan mo pa ako ng burger ng Shake Shack kapag malungkot ako. Sinong taong gagawa n’un, kundi yung in love na in love? Ang mahal-mahal n’un eh.

Naging patapang nang patapang ang mainit kong black coffee. Nasobrahan yata ‘yung barista sa pampapait sa iniinom kong kape.

Sinigaw ko ang pangalan mo sa utak ko. Hindi ko alam bakit; kung dahil ba sa pagkalito at pagkagalit o baka lang maamong tinatawag at sinusuyo ka nito, umaasang may sasagot sa kanya... umaasang sa pagtawag niya’y bigla ka na lang uupo sa harapan ko ngayon at tutuparin pa rin yung pangako mo sa’kin noon.

Patuloy pa ring kinakanta ng utak ko ang pangalan mo nang biglang may sumabay na boses mula sa café.

Cappuccino po, iced,” narinig ko ang boses mo, nag-order.

Ilang libong beses ko nang narinig ang mga eat well mo sa akin sa ating mga tawagan. Imposibleng magkamali ako sa narinig ko. Ikaw. Pumunta ka ba rito dahil narinig mo yung utak ko na kanina pa hinaharana ang pangalan mo?

Nagbayad at bumalik ka sa dulong-dulo ng café. Sabi na nga ba. Sabi na nga bang pipiliin mong umupo nang malayo sa maraming tao, ‘di tulad ko. Doon tayo nagkakaiba. Mahiyain ka. At siyempre, iced pa nga, ibang iba sa trip kong maiinit at matatapang na inumin. Kilala pa rin talaga kita. Ilang minuto akong nanatiling ‘di gumagalaw sa upuan matapos kang panoorin bumalik sa dulo ng café.

‘Yun lang ‘yun? Aalis ka agad-agad? May mesa ka na ba? Bakante pa ‘yung akin.

Isinigaw ng barista ang pangalan mo kaso hindi mo napansin.

Nang marinig ko ang nakatutunaw na himig ng kaniyang pagbigkas sa’yong pangalan, nagbago bigla ang naramdaman ko. Napuno ako ng… inggit— inggit sa baristang pagkalipas ng ilang segundo ay iyong lalapitan at pasasalamatan, inggit sa kakayahan niyang masabi nang kay dali-dali ang pangalan mong sa utak ko lamang naisisigaw, pangalan mong ilang beses kong sinubukang pakinggan, sabihin, at kalimutan.

Inulit niya itong isigaw. Nananadya ata itong baristang ito, alam siguro na yung ex mo ang umiinom ng kape mag-isa sa harapan ng counter nila. Bakit ba kasi ang hina ng pandinig mo? O baka naman naririnig mo nga pero ‘di mo iniintindi. ‘Yun siguro naging problema natin, eh.

Ilang beses nga natin sinusubukang pakinggan ang isa’t isa at pag-usapan ang mga naging problema, pero parang nagkakalimutan lang din. We really tried, I know. Pero wala. Biglaan rin tayong naghiwalay. Siguro nagbitaw ka ng mga sign, sinubukan mong ipahalata sa’kin na ayaw mo na bago mo ako bitawan, ‘di ko alam. Siguro rin yun yung kailangan ko ngayon. Isang sign. Closure.

Nalunod na ako sa’king pagmumuni-muni nang biglang lumapit ka na sa counter. Ganoon ka pa rin tumayo, parang nahihiya— hindi halatang malakas mang-asar at parating pasimuno sa kulitan. Nakita ko ang dahan-dahang paggalaw ng mga kamay mong kaytagal kong inantay mahawakan.

Habang pinanood kita sa pagkuha mo ng dalawang pirasong tisyu sa lalagyan, nawala ang lahat— ang galit, inggit, pagkalito, mga maiingay na boses at dami ng tao sa paligid. Nawala silang lahat. Naging tayong dalawa na lang sa coffee shop sa Maginhawa. Para na ring natupad ang pangako mo sa’kin. Humigop ulit ako ng kape na parang mainit na niyakap yung puso ko. Hindi naman pala ganoon kapait ang timpla ng barista.

“Salamat po,” kinuha mo ang trey na inabot ng barista, at sa iyong pagtalikod, nagtagpo ang ating mga mata.

Aalukin ba kitang tabihan ako sa bakanteng upuan sa harapan ko, dahil puno na lahat ng mesa? Sinubukan kong alisin ang aking pagtingin pero ‘di ko matanggal. Parang may hinanap ako sa’yo. Hinanap ko ang dating tahanan ko sa ‘yong mga mata.

No words. Tila tumahimik ang utak kong kanina pa kumakanta, pumapadyak at umiindak sa piling ng ideyang kasama ka.

Hindi ‘ata natin namamalayang limang segundo na tayong nagkakatitigan. Hindi parang five seconds lang ‘yon eh, it felt like forever…parang ‘yung habambuhay na sinubukan nating tupdin sa isa’t isa.

Nagbitiw na lang tayo ng simpleng ngiti. Parang ngiting nagpapatawad at nagpapakumbaba, ‘yung ngiting alam mong kilala ka at ang mga pinagdaanan mo, ngiting nagpapaubaya at nagpapasalamat.

Ipinagmamalaki kitang tiningnan habang patuloy kang naglakad patungo sa isang mesa sa kabilang dulo ng café, dala-dala ang trey mong may dalawang straw at dalawang cup ng cappuccino.


You Might Also Like

0 comments: