ampersand,

Literary: Bakasyon

5/28/2021 05:24:00 PM Media Center 0 Comments





Bumalik ako para magbakasyon.

Ilang taon na ang lumilipas mula noong umalis ako ng Pilipinas para mag-aral. Bukod sa aking pamilya, naiwan ko rin sa bansa si Vincent, ang aking kababata slash “high school sweetheart.” Sa katunayan, hindi talaga ako bumalik upang magbakasyon pero iyon ang ipamumukha ko. Umuwi ako para makita ang taong hanggang ngayo’y nagmamay-ari pa rin ng aking puso—si Vincent. Kumusta na kaya si Mahal? Handa na kaya siya?

DAY 1

        Ring ring ring

        “Hello? Who’s this?” sagot ko sa aking cellphone habang kinukusot ang aking mga mata.

        “Olivia, anak. Nagising ba kita? Sorry ah, sasabihin ko lang sana na nag-grocery muna kami ni Daddy mo kaya ikaw lang ang tao dyan. Nag-iwan kami ng pagkain sa lamesa para sa’yo. Uuwi kami agad,” sabi ni Mommy nang walang tigil.

        “Okay po. Stay safe,” sagot ko sa kanya kahit wala akong naintindihan. At isang mahinang okay lang ang narinig ko bago maputol ang linya. Pagtingin ko sa orasan ay 4:00 na ng hapon, matagal na sigurong nakaalis si Mahal para pumasok. Ano ba naman ‘tong jetlag na ‘to! Nag-inat ako at bumaba sa kusina para kumain. Paano ko kaya kakausapin si Mahal? Pauwi na kaya siya? Abangan ko kaya? O baka masyado akong halata? Hindi, ayos lang ‘yan aabangan ko na lang siya sa may bintana, tapos kunwari may bibilhin ako pagdating niya para magkita kami sa labas. Tama!

        5:30 na, wala pa rin… ayan na siya! Dali-dali kong kinuha ang aking wallet at lumabas ng gate para “makasalubong” si Mahal.

        “Oh, I’m sorr—hi,” sabi ko habang nakatitig sa aking nakabanggaan.

        “Wow… Hello,” sabi niya na para bang nakakita ng himala. “Kumusta ka? Bakit ka pala umuwi? Kelan pa?” tanong niya habang bakas na bakas sa kanyang mukha ang pagkabigla.

        “I’m doing good and uhhh, I got here last night for vacation sana. Ikaw, how are you?”

        Pagkalipas ng ilang saglit, sumagot siya ng “Ayos lang din… Gusto mong pumunta sa bahay? Kwentuhan tayo.” Tumango ako habang pinipigilan ang pagngiti ng aking mga labi.

        Nagsimula ang aming kwentuhan habang papalubog pa lang ang araw. Ilang oras na ang lumipas at malalim na ang gabi, marami na rin kaming napag-usapan. Ang aming mga magulang, trabaho, kolehiyong pinasukan, at mga masasayang alaala. Masyado pa bang maaga para tanungin ang dahilan ng aking pagbabalik, bukod sa “pagbabakasyon”? Bahala na, onti lang din naman ang oras ko rito kaya wala akong dapat sayangin.

        “Mahal, are you…” Dinig sa akin ang pag-aalinlangan na sinuklian naman niya ng nagtatakang tingin. “...have you been waiting for me, too?”

        “Ha?” Gulat na tanong niya.

        “I mean... we both have stable jobs already, parehas na nating naabot yung mga pangarap natin. Ready ka na ba? Or nakalimutan mo na?”

        Tinitigan niya ako nang matagal, para bang inaaral ang aking mukha, bago siya napabuntong-hininga at sumagot ng “Pwede ko bang pag-isipan muna?”

        “Am I going too fast? Sorr--”

        “Ayos lang... bukas na lang ulit?” Putol niya.

        “Okay, good night.” Habang pabalik ako sa aming bahay, hindi mapalagay ang isip ko. Ang pag-iisipan ba niya ay kung ano yung tinatanong ko? O hindi niya nakalimutan at ang sagot ang pag-iisipan niya? Bahala na, magkikita naman siguro kami bukas kasi sabi niya “bukas na lang ulit?”

DAY 2

        Nagising ako sa malakas na katok mula sa pinto ng aking kwarto. Alam kong hindi ako gigisingin ni Mommy kung hindi naman importante, kaya tumayo ako’t binuksan ang pinto.

        “Ano po yun?” sabi ko nang nakapikit pa at nagkukusot ng mata. At nabigla ako nang marinig ko ang boses ni Mahal.

        “Why are you here?” Gulat na tanong ko sa kanya. Mukhang wala kang tulog, malalim ang eyebags at maga ang mga mata pero bakit ang gwapo-gwapo mo pa rin?

        “Bakit parang gulat na gulat ka? Para namang ngayon mo lang ako nakita rito sa loob ng bahay niyo. E dati nga, kahit gabi na nakatambay pa ako rito.” Napaisip ako sa sinabi niya. Oo nga naman, may point.

        “O, anong meron?”

        “Labas tayo?” Aya niya at saka ko lang napansin na nakasuot siya ng pang-alis.

        “Saan naman tayo pupunta?” Nag-isip siya saglit bago sabihing hindi niya rin alam.

        Makalipas ang isang oras, magkaharap na kaming nakaupo sa isang table sa loob ng isang milk tea shop.

        “Hindi ko pa kaya,” pagsisimula niya. “Ang tagal na mula noong huli kitang nakita, malay ko ba kung sino ka na? Sa tingin ko mas okey kung kilalanin muna natin ulit ang isa’t-isa, mag-bonding ulit.” Bakit parang grabe ang pag-aalinlangan mo? Sa tingin mo ba holdaper or serial killer na ako ngayon?

        Nanahimik muna ako at nag-isip. “I’m only here for a week, including yesterday and today. So I only have five days left.. We only have five days left.”

        “E ‘di, araw-arawin natin. Pagdating ng huling araw, tsaka ko sasagutin ‘yung tanong mo.” Sa kanyang sinabi, para bang ang dali lang na magkakilala ulit, na kahit limang araw lang ang meron kami ay mapapalitan ang ilang taong memorya na nawala sa amin. Kaduda-duda man at walang katiyakan, ibig sabihin noon ay kahit papaano’y may pag-asa pa, kaya pumayag ako. Gamit ang likod ng resibo galing sa milktea shop at ang ballpen na hiniram namin sa isang waiter, plinano na namin ang susunod na mga araw.

DAY 3

        Ako ngayo’y nakaupo sa isang swing sa park na kinalakihan namin, habang hinihintay ang kanyang pagbabalik.

        “Tubig o...” sabay abot sa akin ng isang boteng tubig na binili niya sa isang tindahan katapat ng park.

        “Salamat, Mahal!” sagot ko na ikinagulat niya. “Ay sorry, nasanay lang.” Ngumisi lang siya at hindi sumagot. Umupo siya sa katabing swing at dahan-dahang nagpaugoy-ugoy.

        “Naaalala mo ba nung mga bata tayo, these were the swings we always used… Tapos lagi mong tinutulak yung swing ko kasi I couldn’t reach the ground and ‘di ko mapataas itong swing.”

        Parehas naming tinawanan ang masayang alaala at sabay humirit si Mahal ng “Hanggang ngayon naman maliit ka pa rin e!” At nilakasan niya ang kanyang tawa na parang nambubuyo.

        “Naaalala ko dati, lagi akong inaaway nung anak ni Aling Belinda. She always tried to steal my swing, pero every single time, you still got it back for me. Tapos pagagalitan mo ‘ko kasi I can’t fight for myself hanggang sa maiyak na lang ‘ko.”

        Nagbitiw siya ng isang matamis na ngiti bago siya tumawa ulit. “Oo, naalala ko ang lampa mo no’n. Pinapabayaan mong itulak ka niya paalis ng swing. Hindi ko naman gustong makita na inaaway ka, kaya lagi kong sinasabi na itutulak ko siya kapag ‘di siya umalis.”

        At napatawa na lang ako nang malakas. Hindi ko naman alam na ganun pala ang sinasabi ni Mahal sa anak ni Aling Belinda noon. Sa pakikinig ko sa iyong mga tawa’t kwento ay mas napaniniwala akong may pag-asa pa talaga ako.

DAY 4

        Noong sinabi ni Mahal na gusto niyang balikan ang lugar kung saan kami nag-highschool, nabigyan ako lalo ng pag-asa. Ang mga pasilyo ng paaralang ito ang saksi sa aming love story. Mula sa pag-aaminan namin, mga mahihigpit na yakap, pati na rin ang mga maliit o malaking mga away—nakita ng paaralang ito ang lahat. Sa labis na tuwa, hindi ko namalayang dinala niya ako sa dati naming tambayan.

        “Naaalala mo ba dati, dito tayo lagi nagtatago? Simula nung mag-aminan tayo rito, ito na ang naging pwesto natin. Hindi ko na nga maalala kung saan tayo tumatambay bago natin nahanap ito e,” banggit ko.

        “Sa library tayo dati kasi laging walang tao, nag-aaral ka tapos ako naman ay natutulog,” sagot niya habang bakas ang ngiti sa kanyang mga labi. Sa totoo lang ay natawa ako, kasi kahit ako ang laging nag-aaral, siya pa rin ang palaging nakakukuha ng mas mataas na marka. Pagkatapos namin malaman ang aming mga iskor, pangangakuan niya akong hindi na siya matutulog para tulungan akong mag-aral.

        “Wow, you still remember ha? Malakas pa rin ang memory mo at matalino ka pa rin katulad ng dati.”

        Maya-maya’y naglakad kami papunta sa canteen upang kumain ng meryenda.

        “D’yan ka na lang, ako na ang bibili,” sabi mo habang pinapaupo ako. Katulad ka pa rin ng dati—maginoo. Hindi ka pa rin nagbabago. Ikaw pa rin ang Vincent na minahal ko.

        Habang naghihintay ay hindi ko naiwasang isipin na parang bumalik kami sa dati, kung saan masaya pa ang lahat at wala kaming ibang pinoproblema bukod sa pag-aaral. At syempre, kung kailan hawak pa namin ang puso ng isa’t isa. Bumalik ako sa katotohanan nang ilapag niya ang binili niyang pagkain sa harapan ko.

        “Mahal oh, you want?” habang nakaabang ang hawak kong turon malapit sa kanyang mga labi. Ilang sandali pa ay napagtanto ko kung ano ang aking ginawa.

        “Okay lang,” tanggi niya sabay subo sa hawak niyang banana cue. Ayaw mo nga pala ng turon dahil may langka.

        Pagkatapos naming magmeryenda ay nagpatuloy kami sa pagbalik sa aming mga alaala noong kami ay mga teenager pa. Lumibot sa mga bagong gusali ng paaralan at nakipag-usap sa mga dati naming mga gurong ngayo’y puti na ang mga buhok. Ang dami nang nagbago, buti na lang ikaw hindi.

DAY 5

        Paano kaya kung dito ako nag-college?

        “Ang ganda pa rin dito, ‘no? Just like the old times… still the same university we both dreamt of.” Banggit ko kay Mahal bago patuloy na naglakad papasok sa kolehiyong dapat kong papasukan. “Natandaan mo ba nung araw na natanggap natin ang results ng entrance exam? Nagtawagan pa sina Mommy at Tita nang napakatagal para tanungin kung kumusta ang resulta mo kahit narinig naman namin mula sa bahay ang tuwa niyo.”

        Napatawa lang siya at sinabing, “Dinig din naman namin kayo, ‘di ko nga alam kung bakit nagtawagan pa sila, pwede naman magkita na lang sa labas.” Bakit parang awkward ang tawa niya? Nanghinayang kaya siya sa chance na dapat nakapag-college kami nang sabay? Sa iisang school? Sana. “Libot tayo?”

        “Sige, doon muna tayo sa department mo?” sagot ko.

        “Ayaw mo dito muna?” sabay turo sa katapat na gusali. “Para mas malapit?”

        “Doon na lang tayo sa department mo, doon ka naman siguro pumupunta every time and mas marami kang memories.”

        “O-okay…” Tugon niya at nagsimula kaming maglakad nang nauuna siya para pangunahan ang daan. Nakakatuwa dahil sa aming paglalakad ay ang dami na niyang mga kwento—mga kwentong masasaya at bumuo ng college life niya. Mas masaya kaya if I’m with you sa mga memories na ikinuwento mo?

        “Gusto mo muna magpahinga? Baka pagod ka na kakalakad--”

        “Ayos lang, Mahal! Ikaw naman… Hindi na ako lampa at pagurin like dati ‘no!”

       “Hmmm… Sige…” Sagot niya at nagpatuloy kami sa paglibot sa unibersidad na sana’y nagsilbi ring saksi sa aming pagmamahalan. Bakit ba hindi ko mapigilang tawagin kang Mahal?

DAY 6

        6th day. Bukas na.

        Wala pang 6 o’clock pero nasa loob na kami ng sasakyan ni Mahal papunta sa Tagaytay.

        “Ang saya talaga mag-road trip, ‘no Mahal?”

        “Oo. Sobrang nakaka-relax, Olivia.” Oo nga pala, Vincent. Vincent. Hindi “Mahal.” Pero mahal pa rin naman kita, so valid pa rin? Valid pa rin. Nilihis ko ang aking tingin mula kay Mahal papunta sa bintana habang papalapit ang aming sinasakyan sa Antonio’s.

        “Kumusta na kaya ang pagkain dito? Ganoon pa rin kaya?” Tanong ko kay Mahal na hindi ko namalayang nauna na pa lang bumaba at nakaakmang bubuksan ang aking pinto. Nakahawak na rin ako sa pinto pero mas naunang nagbukas si Mahal. Ang lamig.

        Sa sobrang lapit ng aming mga pamilya, lagi kaming pumupunta sa Tagaytay tuwing simula ng bakasyon. Maghihintay kami nang napakatagal sa biyahe para lamang kumain sa Breakfast at Antonio’s—dito kasi madalas tumambay ang aming magulang noong kabataan nila. At syempre, hindi kami pwedeng umuwi nang hindi tinatanaw ang Bulkang Taal.

        “Kain na tayo, inorder ko yung paborito mo.”

        “Mahal… Vincent, I mean, is it okay lang if I’ll order other food? I don’t like that na kasi.”

        “Ah, ganoon ba? Sige lang, order ka lang tapos ako na magbabayad.” Sinunod ko naman siya at sabay kaming kumain.

        Paglipas ng isang oras ay tinanong niya ako, “SkyRanch tayo?” SkyRanch.

       Kahit na ilang beses na kaming pumunta sa Tagaytay, hindi pa rin kami nakapupunta ng SkyRanch. Bata pa raw kami at delikado ang mga rides sabi ng aming mga magulang sa tuwing aayain namin sila noon.

        “Sige, let’s go!” Sagot ko.

        Habang nasa byahe papunta sa SkyRanch, tinanong ko si Mahal, “Ang saya siguro kung natuloy ang plano natin noon ‘no? Yung tayong dalawa lang ang aakyat ng Tagaytay tapos pupunta tayo ng SkyRanch.”

        Noong huling taon namin sa high school, nagpaalam kami ni Mahal na pupunta kami sa SkyRanch. “Matanda naman na kami,” pangangatwiran ko sa aming mga magulang. Pumayag naman sila pero ayon, hindi rin natuloy.

        “Ang saya nga siguro…”

        Ipinagpatuloy namin ang aming araw sa SkyRanch. Sumakay sa mga rides—pambata man o hindi, extreme man o chill lang. Nakakapagod pero masaya. Mas masaya siguro kung Mahal pa ang tawag sa akin ni Vincent habang nagsasaya kami sa aming ideal date.

        Natapos ang pang-anim na araw namin sa Sky Eye. Ang romantic ng vibe, isip-isip ko, pero hindi ko maiwasang kabahan para sa susunod na araw. Saan nga ba kami pupunta bukas?

DAY 7

    Chocolate Kiss, how nostalgic. Ito ang lugar na isa ring pinagsaluhan ng aming mga pamilya, Chocolate Kiss. Kapag may mga birthday, anniversary, o event.

* * *.

        Graduation.

        Habang kumakain ng dinner, nagbilin sa akin si Tita, “Olivia, mag-iingat ka doon ha?” Muntik na akong mabulunan sa sinabi ni tita.

        “Opo…” sagot ko pero ang aking mga mata ay kay Mahal nakatingin. Bakit hindi siya nagulat?

        “Paano kayo ni Vincent?” Tanong sa amin ni Mommy.

        “Ah, hindi pa po namin napag-uusapan, Tita.” Nangangapang sagot ni Mahal na aking ikinatahimik.

        “Olivia?” Baling sa akin ni Mommy na halatang naghihintay ng aking isasagot.

        “Uhmmm… Ma…”

        “Huwag mo sabihing… Hindi mo pa ba sinasabi?" Hindi ako nakasagot at tumango na lang.

        “‘Lika?” Sabay tayo ni Mahal habang inaabangan ang kamay ko. Sa paghawak ko sa kanya, tumingin siya sa aming mga magulang upang magpasintabi at kami ay lumabas.

        “Sorry…” panimula ko.

        “Hmmm… Anong balak mo?”

        “Ayon… Mag-aaral ako sa--”

        “Alam ko na yan, ang ibig sabihin ko ay anong balak mo sa atin?”

        “Kanino mo nalaman?” Nagtatakang tanong ko. Kaya pala hindi ka nabigla kanina.

        “Kay Mama, narinig ko nung nagtawagan sila noong lumabas ang results. Bakit ‘di mo agad sinabi?”

        “Ewan… Sa tingin ko kasi papayag ka naman na magpatuloy tayo kahit gaano ko pa ka-late sabihin, LDR ganon. Bakit, hindi ba?”

        “Hmmm… Alam mo, papayag naman ako, kahit sabihin mo pa sa akin kapag nakaalis ka na ng bansa. Pero kasi...”

        “Pero?”

        “Naisip ko kasi na baka mas okay kung itigil muna natin?” Parang tumigil ang mundo sa mga binanggit niyang mga salita. “Noon kasing nalaman ko, hinanda ko na sarili ko para handa ako sakaling sabihin mo sa akin. Gusto ko sana marinig mula sa’yo pero andito na tayo. Naisip ko kasi na baka mahirapan tayo? Baka hindi tayo makapag-focus sa college? May pangarap tayo diba?”

        “Pero pwede naman natin abutin yun nang sabay diba?” Tanong ko.

        “Oo naman. Pero Mahal, college ‘yon, diba sabi natin gagalingan natin sa college kasi yun ang magdidikta ng future natin? Nakakatakot lang na baka mapigil natin ang success ng isa’t isa.”

        Matagal ang katahimikan sa pagitan naming dalawa. Napaisip ako sa kanyang mga sinabi habang paulit-ulit na nag-replay ang sinabi niyang “pangarap” at “success.”

        “Pero--”

        “Mahal, umalis ka man, ikaw pa rin ang may hawak ng puso ko at ako ang may hawak ng puso mo. Mahal kita, hindi magbabago ‘yon kahit magkalayo pa tayo.”

        “Paano yung SkyRanch natin?”

        “Makapaghihintay naman ‘yon.”

        “Hihintayin mo rin ba ako?”

        “Hihintayin kita, pangako. Gawin nating motibasyon ang isa’t isa.” At hinawakan nang mahigpit ni Mahal ang aking mga kamay. “Mahal kita—mahal na mahal.” Magandang pabaon sa pag-alis.

        “Babalik ako—babalikan kita.” Nagyakap kami at bumalik sa loob ng restaurant.

* * *

        Tahimik kaming kumain, tila ba pinakikiramdaman ang isa’t isa. Huwag kang aasa.

        “Alam mo kung anong na-realize ko sa mga araw na magkasama tayo?” Tanong niya.

        “Hmmm…”

        “Ang laki na ng pinagbago mo.” Good thing ba ‘yon? “Hindi na ikaw yung Olivia na kilala ko, na minahal ko.” Muntik ko na maibagsak sa sahig ang kutsarang hawak-hawak ko. Kaya ba dito tayo pumunta para sa huli nating araw kasi maghihiwalay ulit tayo? “Ang layo na ng narating mo, ang layo mo na, hindi na kita makilala. Ang taas na ng narating mo, ang ganda na ng buhay mo, kailangan mo pa ba ako?” Mukhang I know na kung saan papunta ‘to.

        “Mahal, noong nasa ibang bansa ako, hindi lumipas ang isang araw na hindi kita hinanap. Nakamit ko ang mga pangarap ko—ang magkaroon ng maayos na trabaho at buhay, dahil ginawa kitang motibasyon. Kailangan kita, isa ka sa mga pangarap ko.” Katahimikan, tunog lang ng mga nagkakalansingang mga kutsara’t tinidor ang tangi kong narinig. “Ikaw, kailangan mo pa ba ako?”

        “Olivia…” Sabay titig kay Mahal habang hinihintay ang kanyang sasabihin. “Sorry…” Sabi ko na nga ba. Ano pa nga bang ie-expect ko? “Akala ko ikaw pa rin ang mahal ko. Hindi ka na tulad ng dati, hindi na tayo tulad ng dati. At mukhang hindi na natin maibabalik ‘yon.” May mali. “Akala ko ikaw pa rin ang mahal ko?” Kung ako man ang nagbago, hindi ba dapat, “Akala ko ikaw pa rin yung minahal ko?”

        “Mahal, ay… Vincent, does that mean, may iba ka nang mahal?” Nangagambang tanong ko. Huwag ka sanang magsasabi ng oo…

        Wala kang sinabi at tumango.

        “Sino?”

        “Si Hannah--”

        “Eh bakit ka pumayag?” At nag-flashback sa akin ang una naming pagkikita. “Kaya ka ba nag-aalinlangan na sagutin ako nung una? Kaya ba mukha kang puyat noong kinatok mo ako kasi iniisip mo if you’ll cheat on her? Mali ‘to!” Hindi ko napigilang sumagot nang pasigaw.

        “Hindi naman sa ganon, noong dumating ka, nagsimula rin kami mag-laylow.” At isa-isang binanggit ni Mahal ang mga problema nila. “Naisip ko, baka kaya kami nagkakaganito kasi ikaw pa rin ang mahal ko?”

        “Hindi na, ‘yan ang sagot sa tanong mo. Akala ko hihintayin mo ko? Natutuwa pa naman ako kasi hindi ka nagbago, ikaw pa rin ang Vincent na kababata ko, ang Vincent na minahal ko. Pero hindi, mali ako.” Lalabas na sana ako ng restaurant nang bigla niya akong hinabol.

        “Sorry, Olivia…” Sabay yakap mula sa aking likuran. “Ayaw kong mawala ka sa buhay ko. Ayaw kong mawala ang best friend ko.” Best friend. “Paano ba ako makakabawi sa‘yo?” Tempting. Mali ito. Mali ang iniisip ko.

        “One last time, pwede? Be mine for one last time, then let’s forget everything that happened. Let’s pretend na I’m just your kababata, your high school sweetheart, and your ex-lover. No promises made. I’m just here for a vacation,” sabi ko habang nakatitig sa kanya at maya-maya pa ay tumango siya.

        “Hatid na kita, Mahal?”

        Habang nakasakay sa kotse ni Vincent pauwi, hindi ko mapigilang ngumiti. Katulad ng dati, isang kamay sa manibela at ang isa’y nakahawak sa akin habang nakikinig sa paborito naming musika. Buti na lang traffic.

        Pinalipas namin ang oras habang nag-uusap na tila ba maayos ang lahat. Hindi ito magtatagal at matatapos din.

        Pagkakita sa papalapit naming mga bahay, tinitigan ko si Vincent. Mali pero pagbigyan, huli na.

        Bumaba siya mula sa sasakyan at pinagbuksan ako ng pinto. Hinatid niya ako sa tapat ng aming bahay at sinabing, “Ingat ka, Mahal.” Ang sarap pakinggan, hindi nakakasawa… pero mali.

        “Salamat, Vincent. Sana magkaayos na kayo ni Hannah.” Ngumiti ako at umakyat sa aking kwarto.

Kinabukasan, sumampa ako ng eroplano bitbit ang maletang puno ng mga gamit. Labag man sa aking loob, pinilit kong iwanan at hindi dalhin ang mga bagahe ng alaala namin, ang pagmamahal at pangakong inaasahan kong balikan. Maaaring balikan ang lugar na aking kinalakihan, ang mga alaala naming magkasama, ngunit hindi ko na maibabalik ang dati naming pagmamahalan. Paalam, mahal.

Umuwi ako para magbakasyon. At aalis muli para magpatuloy.

You Might Also Like

0 comments: