Eloisa Dufourt,

OPINION: Deja Vu: Lockdown 2021

5/21/2021 05:35:00 PM Media Center 0 Comments



Photo credit: Ronnel Fernando

Isang taon nang nakikipaglaban ang bansa kontra COVID-19 at wala pa ring pagbabago sa mga ipinatutupad ng gobyerno upang matugunan ang patuloy na pagtaas ng bilang ng mga kaso at iba pang suliraning bunga nito. Isa sa mga naging hakbang ng pamahalaan ay ang pagsasailalim ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, at Rizal sa Enhanced Community Quarantine (ECQ 2.0) noong Marso 29, ngunit ito ay walang naidulot na pagbabago.

Ang mga suliraning kinahaharap ng Pilipinas ngayon ay hindi na bago para masolusyunan ng gobyerno. Ang pag-implementa ng lockdown ay nakatutulong lamang sa pagbagal ng transmisyon ng virus ngunit hindi tuluyang pagsugpo nito. Hindi na rin kaya ng Pilipinas na sumailalim pa sa matagal at mahabang lockdown. Sa katunayan, nagbunga ito ng pagkawala ng trabaho ng mahigit 130,000 na mga Pilipino sa Metro Manila at 4.2 milyon naman sa buong bansa. Sa loob lamang ng dalawang linggo, naapektuhan ng ECQ 2.0 ang ekonomiya ng Pilipinas kung saan nagkaroon ng economic loss na Php 180 bilyon. Ayon sa datos na iniulat ng Rappler noong Mayo 3, bumaba rin ang Growth Domestic Product (GDP) ng bansa ng 10.7% at dahil dito, inaasahang tataas ang poverty rate ng 10.6%.

Hindi lamang lockdown at ayuda ang solusyon. Kinakailangan ng masusing pagpaplano at pagsasagawa ng mahahalagang hakbang tulad ng ligtas at maayos na pamimigay ng ayuda, contact tracing, mass testing, pagtatamo ng herd immunity, at pagbibigay-pansin sa mga healthcare workers. Dagdag pa rito, kinakailangang maging transparent ang gobyerno sa kanilang mga pinaplano kabilang na ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF).

Una, nang ipatupad ang ECQ 2.0, nagbigay ng ayudang Php 1,000-4,000 kada pamilya ang pamahalaan. Kadikit ng pamamahagi ng ayuda ang problema ng bawat baranggay sa pagdagsa ng mga tao para makakuha nito. Ayon nga kay Mayor Joy Belmonte nang makapanayam ito ng news agency na ABS-CBN noong Abril 8, nahihirapan silang kontrolin ang pagdagsa ng mga tao, at nangangamba siyang maging superspreader event pa ito.

Hindi na lumang problema ito, isang taon na ang lumipas, pahirapan pa rin sa pagkuha ng ayuda dahil sa kawalan ng maayos sa sistema. Gayondin, sapat ba ang halagang ito para sa pangangailangan ng isang indibidwal o pamilya sa loob ng ilang linggo? Marahil panahon na para tayahin ang pamamaraan na ginagamit ng pamahalaan sa pamamahagi nito gayondin ang halagang itinatakda na matatanggap ng bawat pamilyang Pilipino.

Pangalawa, kailangang pagtuunan ng pansin ang contact tracing na siyang isa sa mga mahahalagang hakbang upang labanan ang COVID-19. Sa pamamagitan ng mabisang contact tracing, maaaring mapigilan ang paglaganap ng virus dahil matutugunan agad ang mga taong nagkaroon ng contact dito. Subalit, hindi ganito ang kaso sa Pilipinas. Ayon sa isang artikulo ng CNN na isinulat noon lamang Mayo 4, sa bawat kumpirmadong kaso, dapat ay 15 na close contacts ang natutunton para masabing epektibo ito. Ang inaasahan ng gobyernong matunton ay 30 close contacts sa rural areas habang 37 naman sa urban. Ngunit, ang contact tracing ratio sa Pilipinas ay nasa 1:3 lamang. Napakalayo nito mula sa ideyal na ratio, patunay na hindi maganda ang contract tracing system dito bansa. Ang ganitong kalidad ng contact tracing ay nagreresulta sa delayed actions at patuloy na pagdami ng kaso dahil sa kakulangan ng kontrol sa mga taong nagpositibo o maaaring magpositibo sa virus.

Liban pa riyan, kinakailangang pagtuunan din ng pansin ang mass testing. Noong nakaraang taon, maraming health workers ang naghangad ng mass testing upang makontrol agad ang pagkalat ng virus. Subalit, nang mag-file ng petisyon ukol sa libreng mass testing, agad itong tinanggihan ng Korte Suprema. Nagpapatupad naman na raw ang IATF ng mga health protocols, at mayroon nang libreng swab test ang mga health workers, close contacts ng COVID-19 patients, at ang may mga sintomas.

Kung isasaalang-alang ang hindi maayos na contact tracing, lahat ng tao ay exposed sa virus dahil wala nang nakaaalam kung nasaan na at sino na ang may virus. Kaya naman mainam na gawing mandatory ang mass testing sa buong Pilipinas sapagkat maaari lamang makita kung positibo ba sila o hindi sa pamamagitan nito.

Bukod pa sa pagpaplano ng contact tracing at mass testing, dapat ay hangarin ng gobyerno ngayon ang pagtatamo ng herd immunity. Matatamo ito kung ang karamihan na sa nasabing populasyon ay nakatanggap na ng bakuna. Mainam na lalo pang ikampanya ang pagpapabakuna at gawin itong accessible sa lahat.

Dahil sa limitadong paggalaw ng mga tao sa ilalim ng quarantine, maaaring mag-implementa ang mga Local Government Unit (LGU) ng fever clinics at home services na pwedeng puntahan ng mga mamamayang nangangailangan ng tulong medikal. Ang fever clinic ay bubuoin ng mga trained volunteers ngunit pangangasiwaan ng mga nurse at doktor. Samantalang ang home service naman ay ang pagpunta ng mga medical staff sa bahay ng pasyente upang doon magsagawa ng konsultasyon. Mas makabubuti rin kung ang pagpapabakuna ay may home service. Lubos itong makatutulong sa mga taong walang kakayahang magpunta sa mga nakatalagang lugar ng pagpapabakuna, lalo na kung isasaalang-alang din ang mga nasa priority list ng bakuna (senior citizens, indigent people, at people with comorbidities). Halimbawa ng mga bansang nagsasagawa nito ay Australia at China, at batay sa obserbasyon ng mga bansang ito, epektibo ang pagkakaroon ng mga fever clinics at home service.

Kung ang mga ito ay maisasagawa sa bansa, malaking ginhawa ang maibibigay nito sa mga tao dahil matutugunan ang kanilang pangangailangang medikal at maiiwasan din nito ang transmisyon ng COVID-19.

Sa kasagsagan ng isang pandemya, napakahalaga ng government transparency upang malaman ng mga mamamayan ang tunay na nangyayari sa bansa. Kinakailangang malaman ng taumbayan ang mga planong ipatutupad upang magkaroon ng public participation na makatutulong sa pagtugon sa pandemya. Ang government opacity ang pinagmumulan ng misinformation at pagkawala ng tiwala ng mga tao sa mga hakbang ng gobyerno. Hindi lamang lockdown ang tanging solusyon sa pandemyang ito. Kung hindi magbibingi-bingihan ang pamahalaan sa mga suhestiyon ng mga eksperto at organisasyon sa larangan ng medisina, marahil ay mapapabilang na rin tayo sa mga bansang unti-unti nang napagtatagumpayan ang paglaban sa COVID-19. // nina Eloisa Dufourt, Pia Marantan, at Waya Silarde

You Might Also Like

0 comments: