feature,

Feature: 3P’s: Pantry para sa Pamilyang Pilipino

5/21/2021 06:25:00 PM Media Center 0 Comments



“Magbigay ayon sa kakayahan, kumuha batay sa pangangailangan”

Mahigit isang taon nang kinakaharap ng ating bansa ang pandemyang COVID-19. Dahil dito, hindi matapos-tapos ang mga lockdown na lalong nagpapahirap sa kalagayan ng ating mga kababayan. Maraming nawalan ng trabaho at nagugutom hanggang sa ngayon. Bilang tugon sa mga problemang ito, umusbong ang bayanihan na kung tawagin ay community pantry.

Ang community pantry ay naglalayong makapagbigay-tulong sa mga nagugutom mula sa mga donasyong pagkain ng mga miyembro ng komunidad. Nabuo ang pinakaunang community pantry sa Pilipinas sa Maginhawa, Sikatuna Village, Quezon City sa pangunguna ni Ana Patricia Non.

“Yung area po namin, sarado kaya po nahirapan din akong ituloy ang negosyo kong maliit. Hindi po matanggal sa isip ko na paano kaya yung mga taong nakadepende yung livelihood nila sa pang-araw-araw na paglabas,” sabi niya sa kanyang interview mula sa One News PH noong Abril 20, 2021.

SIMULA
. Ang unang community pantry na matatagpuan sa Maginhawa, Sikatuna Village. Photo Credit: ANA PATRICIA NON

Hindi kalaunan, kumalat sa social media ang kuha niyang larawan ng proyekto na nagsilbing inspirasyon para sa iba upang magtayo rin ng community pantry sa kani-kanilang mga lugar. Halimbawa nito ay ang community pantry sa Krus Na Ligas (KNL). Limitado ang supply ng kanilang mga donasyon kaya naman naisipan nilang ianunsyo na lamang sa kanilang Facebook page kung sinong grupo ng mga tao ang makakukuha ng donasyon sa espesipikong araw.

Isa sa mga organizer nito ay si Danna Sumalabe, isang alumni ng University of the Philippines Integrated School (UPIS) mula sa Batch 2018. Ayon sa naging karanasan ni Danna Sumalabe bilang tagapagbantay ng pantry, nakaramdam siya ng pagkabilib sa pagtutulungan at espiritu ng bayanihan na taglay ng community pantry.

“Noong araw na nagbantay ako, mga tricycle drivers ang prayoridad. May binuo kasi kaming sistema na kung saan, kada araw ay may mga grupo kami ng mga tao na binibigyang prayoridad tulad nga mga tricycle driver. Kahit na dapat sila ang inuuna at binibigyan, sila pa mismo ang nagbo-volunteer na mag-repack, mag-marshall ng social distancing, at mismong namamahagi para sa iba pang nakapila. Ibinibigay nila yung plastic na para sana ay sa kanila dahil baka raw mas kailangan iyon ng iba. Ayos na raw sila basta’t nakatulong sila,” ayon sa naging interbyu namin sa kanya.

Pagkain sa araw-araw ang nais tugunan ng mga community pantry, ngunit sa paglaganap nito, tila tinutugunan din ng mga ito maging ang iba pang pangangailangan ng mga kabilang sa komunidad. Tulad na lamang sa isang barangay sa Davao na kung saan ay nagbibigay sila ng iba't ibang contraceptives upang magbigay kamalayan sa mga isyu ng Teenage Pregnancy, STD, at HIV-AIDS. Hindi rin naman nagpahuli ang isang barangay sa Santa Maria, Laguna na nagawa pang ipagdiwang ang Mother’s Day. Sa pamamagitan ng “Buntis pantry” ay nakapag-abot sila ng mga pangunahing pangangailangan ng sanggol at buntis, kagaya ng diaper, baby oil, bimpo at iba pa.



BUNTIS COMMUNITY PANTRY
. Paglulunsad ng community pantry para sa mga ina kasabay ng pagdiriwang ng Mother’s Day sa Santa Maria, Laguna. Photo Credit: MICHAEL ALCANTARA BARAL


Hindi lamang tao ang nakatanggap ng tulong sa mga pantry na ito, maging ang mga alagang hayop ay mayroon din. Sa Kalayaan Avenue, Makati, halimbawa ay may tinaguriang “paw-ntry” na ang layunin ay mag-abot ng tulong para sa mga ligaw na aso at pusa. Namamahagi sila ng mga libreng tubig, dog at cat food para sa mga hayop na walang nagmamay-ari. Nais nilang ipakapon (“neutered”) ito at bigyan ng maayos na tahanan. 

PAW-NTRY
. Isang community pantry sa Makati na tumutugon sa pangangailangan ng mga alagang hayop. Photo Credit: AVIEN ROSETE

Nasa gitna tayo ng isang krisis at ipinaalala ng mga community pantry na patuloy nating pairalin ang malasakit sa isa’t isa, na walang suliraning ‘di malalagpasan ang bayan kung tayo'y magtutulungan.

‘Ika nga ni Danna Sumalabe sa aming naging interbyu, “Tandaan din dapat na walang tulong na maliit, nakakahiya, o di kaya’y kulang. Basta’t may isang taong bubuti ang kalagayan at matutulungan ng pantry na iseset-up nila, ipagpatuloy lamang nila. Tayo-tayo na lang ang aasahan natin sa panahon ngayon kaya naman ibigay natin ang tulong na kaya nating ibigay.” // nina Gabby Arevalo and Jonas Dula

You Might Also Like

0 comments: