filipino,

Literary: Kahulugan, Kahalagahan, Kaibigan

3/13/2020 08:20:00 PM Media Center 0 Comments



Para sa'yo, ano ang isang kaibigan?
Siya ba ang lagi mong kakwentuhan?
Madalas mong kasama sa eskuwelahan?
At pagdating sa problema'y, iyong maaasahan?
Sa iyong sikreto, siya ba ang lagi mong sinasabihan?
Yung sinasabihan mo kasi alam mong siya ay mapagkakatiwalaan?


Pagkakaibigan, kaygandang samahan
Ano nga ba ang iyong depinisyon?
Gusto ko sanang malaman

Hindi ko masasabi ang ibig sabihin
Ng bawat araw na nais kong ulitin
Sa bawat tawanang walang pagkalalim
Sa usapang hanggang madaling-araw iisipin
Simpleng pagtagpo at pagpiling kilalanin
Hindi namalayang tsansang alamin
Ang sinasabi nilang pagbigay ng bituin
Ng ninanais ng bawat isang mithiin
Tunay na kasama sa lahat ng haharapin
Mukhang tuwing titingnan ay tila aking salamin
Hawak ang kamay na handa akong patatagin
Gayunding pangako, ako’y ‘di bibitiw saan man makarating
Sa bawat alapaap na itim, ako’y nasa ilalim
Bukal ng ginhawa sa mga gabing madilim
Walang araw na daraang hindi ka aalalahanin
At sa oras na kapayapaa’y tayong lilisanin
Panatang sa puso ko’y palagi kang patatawarin
Sapagkat bihirang himala sa taong malasin
Ng isa pang walang-takot kang yayakapin
Nasa’n ka ma’y ika’y aking hihintayin
Maging sa labas ng silid ng ating mga aralin
O sa bagong landas na ating tatahakin
Habambuhay, ating pagkahabi ang pipiliin
Sadya ng kapalarang mundo nati’y pag-isahin
Ito lamang ang masasabi ko:
Ako’y pinagpala na ika’y kaibiganin.

You Might Also Like

0 comments: